Jamie Manibo

Sa isang mundo kung saan ang mga alamat ay hindi lamang kathang-isip kundi isang sandata upang baguhin ang katotohanan, may isang kaharian na itinayo hindi sa pundasyon ng hustisya, kundi sa mga pira-pirasong pangarap na ninakaw mula sa bayan. Hindi ito isang lupain ng mahika, kundi isang entablado kung saan ang kasaysayan ay paulit-ulit na itinatanghal, ngunit sa bawat pagtatanghal ay may binabagong linya, may pinapalitang karakter, at may binuburang trahedya.


Sa ating pagkabata, madalas nating pinapangarap na maging bahagi ng isang kwentong pantasya. Sino ba ang hindi nangarap maging prinsipe o prinsesa, suot ang gintong korona at nakatira sa isang palasyo? Ngunit habang lumalaki tayo, napagtatanto nating hindi lahat ng may korona ay karapat-dapat sa trono. Ang iba, hindi ito pinaghirapan—ipinanganak na lang silang may hawak nito, na para bang hinulma na mismo ang kanilang kapalaran sa pilak at ginto. Paano kung ang koronang ito ay hindi tanda ng kadakilaan kundi simbolo ng kaban ng bayan? Paano kung ang kanilang palasyo ay hindi itinayo mula sa marangal na hangarin kundi mula sa mga butil ng pawis at dugo ng mga naaping mamamayan?

Sa kabila ng mga aklat ng kasaysayan na malinaw na nagsasalaysay ng madilim na kabanata ng ating bansa, marami pa ring nagtatangkang baguhin at burahin ang masalimuot na nakaraan.

Digital na Entablado ng Katotohanan

Sa gitna ng lahat ng ito, lumalakas ang tinig ng mga modernong tagapagsalaysay—hindi gamit ang pergamino at pluma, kundi gamit ang mikropono at digital na plataporma. Sa panahon kung saan ang impormasyon ay kasing bilis ng isang pindot sa screen, nagkaroon ng bagong larangan ng digmaan—hindi sa lansangan, kundi sa isipan ng mamamayan. At sa larangang ito, ang mga podcast tulad ng mga matatagpuan sa Spotify ay nagsisilbing armas ng katotohanan laban sa mga propaganda at kasinungalingan.

Noong kasagsagan ng pandemya, naitala ang makabuluhang pagtaas sa bilang ng mga tagapakinig ng podcast sa Pilipinas, kung saan tinatayang umabot sa 60% ang pag-angat. Isa sa mga dahilan ng patuloy na paglago ng tagasubaybay ay ang pag-usbong ng mga lokal na content creators na tumatalakay sa mga paksang malapit sa puso ng mga Pilipino—mga usaping may kinalaman sa kasaysayan, karapatang pantao, disimpormasyon, at mga panlipunang isyu.

Ang Kaso ng Bongbong Marcos Episode

Isang halimbawa nito ay ang episode ng Podkas Team na pinamagatang Bongbong Marcos, kung saan mas lumalim ang aking pag-unawa sa anak ng dating diktador. Sa pamamagitan ng mga sipi mula sa talaarawan ng kanyang ama, naipakita kung paano siya lumaki sa isang marangyang kapaligiran.

Sa kabila ng edukasyon sa ibang bansa, hindi niya natapos ang kanyang mataas na edukasyon at sa halip ay piniling tahakin ang landas ng politika. Ibinunyag ng podcast kung paano patuloy na gumanansya ang kanilang pamilya mula sa yaman ng bayan noong diktadura. Napag-alamang si Bongbong mismo ay nakatanggap ng $10,000 bilang pabaon at may mansyon sa Metro Manila at Baguio—isang di-makamit ng karaniwang mamamayan.

Epekto ng Historical Revisionism

Kaugnay nito, pinatibay pa ng 36 Years: Philippine Politics, News, and Democracy ng Rappler ang aking pag-unawa sa mga pampulitikang isyu. Sa EP 12: A Marcos Heads to New York, tinalakay kung paano hinuhubog ng popular na kultura ang pampublikong persepsyon, lalo na’t mayroong mga kampanyang naglalayong muling isulat ang kasaysayan. Ayon kay Atty. Ross Pogade, eksperto sa karapatang pantao, ang paglaban para sa katotohanan ay isang patuloy na hamon sa gitna ng makinarya ng propaganda.

Podcast bilang Midyum ng Pagkatuto

Hindi lang alternatibong anyo ng impormasyon ang Spotify podcasts; ito rin ay isang paraan upang linangin ang listening competencies. Ayon kina Bantugan at Kim (2025), ang pakikinig sa podcast ay nagpapahusay sa pagproseso ng impormasyon at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng aktibong pakikinig, sa halip na umasa sa visuals na madaling manipulahin.

Panawagan para sa Katotohanan

Ngunit sapat na ba ang kaalaman? Hindi. Ang kasaysayan ay hindi dapat iniiwan lamang sa mga alon ng pakikinig. Kailangan itong ipaglaban.

Kung walang sisigaw para sa katotohanan, sino ang magtatanggol sa ating kasaysayan?
Kung walang lalaban para sa katarungan, paano natin masisigurong ang ating kinabukasan ay hindi magiging kasingdilim ng ating nakaraan? Ang ating responsibilidad ay hindi lamang tandaan ang nakaraan, kundi tiyakin na hindi ito mauulit.