
Kadalasan, kapag may pumuputok na kontrobersiya sa Pilipinas, ilang buwan lang ang lilipas at kukupas agad ito sa isipan ng bawat Pilipino. Mababaon sa limot, walang mananagot, at magpapatuloy ang siklo.
Ngunit, nitong ika-20 ng Nobyembre, 2025, naputol ang siklong ito nang mahatulang guilty ang noo’y alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo–o Guo Hua Ping–ng qualified human trafficking na may parusang habambuhay na pagkakakulong. Siya ang naiuugnay sa sinalakay na scam hub sa lungsod kung saan mahigit 300 dayuhan at 500 Pilipino ang nasagip.
Mahigit isang taon din bago tuluyang makamit ang katarungan, na kung tutuusin ay mabilis na rin kung ikukumpara sa ibang kasong naisampa laban sa mga tiwaling opisyal. Kung babalikan, hindi naging madali ang labang ito lalo na kung iisipin ang naging mga balakid na hanggang ngayon ay banta pa rin sa sistema ng katarungan ng bansa.
Minsang naging dramang nagsilbing libangan ng mga Pilipino ang isyung ito. Sino nga ba naman ang hindi maantig sa pinagmulan kuno ni Guo na malatelenobela? Anak ng Tsinong tatay at Pilipinong nanay, pinanganak sa Tarlac, itinago at lumaki sa babuyan, at homeschooled ng guro niyang si Teacher Rubilyn. Kitang-kita kung paano ito bumenta sa ordinaryong madla na mabilis nadala sa pagpapaawa. Mas naunang paganahin ang damdamin kaysa kritikal na pag-iisip—isang bagay na hanggang ngayon ay nagiging hadlang pa rin upang mapanagot ang mga tiwali.
Maniniwala na sana ang karamihan kung hindi lang nabunyag na part-owner siya ng Baofu Land Development Incorporated (Baofu), ang kumpanyang may-ari ng scam hub sa sarili niyang lungsod. Gayunpaman, marami pa rin ang nagawa siyang ipagtanggol dahil umano sa mabuti niyang naidulot sa Bamban. Dahil lang sa paggawa ng mabuti, naglaho na para sa ilan ang pananagutan ng mga katulad ni Guo upang harapin ang kontrobersiyang kanilang kinahaharap.
Sa halip na panagutin, naging artista pa ang turing kay Guo pagdating sa social media. Parang K-Pop fan kung umasta ang ilang mga account na binili upang pabanguhin ang pangalan ni Guo. Sa kasamaang palad, nadala naman ang iba pang mga Pilipino na manghang-mangha sa umano’y maamong mukha ng dating alklade.
Ang mas malala, tuluyang nabalewala ang pagiging banta ni Guo sa seguridad ng bansa salamat sa kumalat na larawan nina dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary Benjamin Abalos Jr. at dating Philippine National Police Rommel Marbil kasama si Alice Guo—na naka-pose—nang arestuhin nila ito noong ikatlo ng Setyembre, 2024.
Isang malaking sampal sa mga Pilipinong naghahangad ng katarungan na makitang ang pamahalaan pa mismo ang nagsasawalang-bahala sa bigat ng kontrobersiyang kinahaharap ni Guo. Lalo lang nitong pinahina ang tiwala ng taumbayan sa integridad ng sistema ng katarungan ng bansa.
Nasamapahan ng kaso si Guo, ngunit umiral ang pagdududa ng kakramihan na mayroong mangyayari. Hindi nga rin naman natin masisisi lalo na kung susuriin ang kasaysayan ng mga kasong naisampa laban sa mga tiwali at kalauna’y naibasura, pati sa mga nahatulan at naabsuwelto. Isang magandang halimbawa ay ang pagpapawalang-sala sa namayapang si Juan Ponce Enrile noong nakaraang buwan sa kasong graft kaugnay ng pork barrel scam. Tila sinundan niya ang yapak nina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla na naabsuwelto din sa kasong pandarambong kaugnay ng parehong isyu.
Kaya naman ang desisyon ng korte na hatulang guilty si Guo ay isang tagumpay na dapat ikatuwa at ipagdiwang. Dahil sa kabila ng tila di-mahagilap na hustisya, may katiting na pag-asa pa rin tayong mapanghahawakan na sa huli, katarungan ang mananaig. Isa pang dapat na ipagbunyi ay kung gaano ito kabilis makamit kung ihahalintulad sa naranasan ni Rep. Leila De Lima. Mahigit anim na taon siyang nabilanggo bago siya napawalang-sala sa lahat ng kathang-isip na kasong isinampa laban sa kaniya.
Gayunpaman, hindi pa dito natatapos ang laban. Sa pagsilay ng katarungan, tumambad din sa atin ang sakit ng ating lipunan. Kung sa banyaga pa lang ay nalilinlang na tayo sa pagpapa-cute at pagpapaawa, paano pa kung kapwa Pilipino na ang gumagawa?
Kung sabagay, mabilis lang gawing kontrabida si Guo, lalo na’t hinihinala siyang espiya ng Tsina—ang bansang madalas makagirian ng Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea. Simple lalo na para sa pamahalaan na panagutin si Guo, na hindi tunay na Pilipino, sa kalapastanganang ginawa niya sa Pilipinas.
Ang tanong: ganoon rin ba ang magiging turing kung mismong sarili na nating kalahi ang gumagapi at nagpapalubog sa sarili nating bansa? O mabibinbin lang ulit nang ilang dekada ang kaso para lang mabaon sa limot, mabasura, at maabsuwelto silang mga may sala?
Malaking bagay kung tutuusing makamit ang makatarungang wakas ng kontrobersiyang ito na minsang inakalang mailap; ngunit upang siguruhin na iiral din ang katarungan sa mga kasalukuyang suliranin ng Pilipinas ay isa pa ring malaking hamon. Lalo na kung ang mga tiwali ay itinuturing na parang mga artista, at ang bawat kaganapan ay nagsisilbing telenobelang nilikha para lang libangin ang ordinaryong madla.