
Gunita ni Andres Bonifacio ang ipinapagdiwang sa tuwing sasapit ang ika-30 ng Nobyembre. Ang Supremo ng Katipunan at “Ama ng Rebolusyong Pilipino”. Ngunit higit pa sa pag-alaala, ang araw na ito ngayong taon, ay naging isang pambansang pagpapatunay sa kanyang pamana, habang inukit ng libu-libong mamamayan ang kanilang galit at panawagan sa kalsada.
Sa mga malawakang pagtitipon, na tinawag na Anti-Corruption Rally ipinamalas sa iba’t ibang panig ng bansa: mula Metro Manila (Rizal Park, Mendiola, Edsa People Power Monument) hanggang sa Baguio, Bacolod, Davao, Albay, Iloilo, Tacloban, at Subic, ang sentral na paninindigang pinapatunayan ng lansangan na ang rebolusyon ng Supremo ay nagliliyab nang pinakamaliwanag sa tuwing binabaka ng bayan ang katarungan at pagtakwil sa pamumunong sakim.
Hindi nagkataon na ang pagpili sa Araw ni Bonifacio bilang petsa ng protesta. Naglilingkod ito bilang isang malakas na paalala ng kanyang paninindigan sa soberanya ng mamamayan. Si Bonifacio, na nagsilbing Kataastaasang Pangulo ng Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), ay nag-organisa ng Katipunan upang maging isang de facto rebolusyonaryong gobyerno.
Isa sa pinakamahalagang ideya ipinalaganap ni Bonifacio ay ang Haring Bayang Katagalugan. Nangangahulugan ang kanyang konsepto na ang kapangyarihan ay nagmumula sa at nananatili sa mga mamamayan. Ang mga nagprotesta ay umawit ng rebolusyonaryong diwa na ito: ginagamit ang kanilang lakas-masa upang bawiin ang kapangyarihang inaangkin ng salawang pamamahala.
Sa araw na ito, saksi ang lansangan. Ang malawakang aksyon ay na-trigger ng mga rebelasyon ng korapsyon na may kinalaman sa mga proyekto ng flood control at kinasasangkutan ng mga pribadong kontratista at opisyal ng gobyerno. Ang iskandalo, na pinalubha ng pinsalang dulot ng nagdaang malalakas na bagyo, ay nagbunsod sa mga Pilipino na tanggihan ang kasakiman ng mga namumuno.
Ang Kilusang Bayan Kontra-Kurakot (KBKK) ay nag-organisa ng rally, at ang mga nagpoprotesta ay nagdala ng effigy na tinawag na “corrupt-codile,” na naglalarawan kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Ang mga panawagan ay direkta at walang takot: “Marcos Resign”, “All corrupt politicians must be held accountable.” Kasama na rito ang tahasang panawagan mula sa mga labor group para sa pagpapatalsik kina Marcos Jr. at Duterte.
Manipestasyon ang mga ito hindi lamang ng matinding pagkadismaya ng bayan sa korapsyon, kundi bilang pagtutubos ng kinabukasang lantarang ikinupit. Ang pagmartsa at pagsigaw ay ang mismong aksyon ng pagbabaka para sa katarungan at pagkakaisa ng iba’t ibang sektor. Libu-libong tao ang nagbalikatan kasama ang kabataan, magsasaka, katutubong grupo, at unyon ng paggawa.
Sa bawat yapak ng mga nagpoprotesta, malinaw ang mensahe na ang kapangyarihang pampolitika ay nararapat magmula sa taong-bayan. Hindi lamang ito pagtutol sa katiwalian. Ito ay pag-angkin sa tinig na matagal nang binalewala. ‘Kay bigat ng pasaning para sa mga tanggapan ng pamahalaan, sa mga lansangan ng sentrong lungsod, at maging sa malalayong probinsya ay sapat na ang panlilinlang.
Kada pawis na tumagaktak, plakard na pinaghirapan, at paos na itinamo sa kasisigaw, naibabantayog ang diwa ng demokrasyang ipinaglalaban, pinangangalagaan, at muling binubuo ng sambayanang hindi kailanman tatanggap ng katahimikan kapalit ng kawalan ng katarungan.
Gayunpaman, nanatili ang pagsalubong ng kapangyarihan ng estado. Ang pulisya ay nag-deploy ng mahigit 12,000 opisyal sa Maynila, at naglagay ng mga barikada gamit ang barbed wire at container vans na humaharang sa mga kalsada patungo sa Malacañang. Kinondena ito ni Raymond Palatino ng Bayan bilang “overkill” at “waste of public resources”.
Sa Rizal Park, naantala ang protesta dahil pinigilan ng pulisya ang pag-set up ng entablado, sa argumentong “no permit, no rally” policy. Tinawag ni Bayan Chairperson Teddy Casiño ang panghihimasok ng pulisya na “sabotahe” sa kanilang napagkasunduang programa.
Ngunit kahit pa nahaharap sa paghaharang ng pulisya, nagpatuloy ang mobilisasyon. Ipinakita ng mga nagpoprotesta ang kanilang paninindigan sa pamamagitan ng pagpunit ng effigy sa harap ng mga barikada at pagsigaw ng “Jail all the corrupt!”. Ang panawagan para sa transparency at accountability ay nanatiling sentral na tema ng mga talumpati.
Ang determinasyon ng mga nagpoprotesta ay siyang nagbigay-diin sa patuloy na laban. Tulad ng sinabi ng 21-taong-gulang na estudyante na si Matt Wovi Villanueva, “They keep treating us like fools. If we want real justice, we need Marcos and [Vice President Sara] Duterte to resign,”. Ang kanilang pagtindig ay nagpapatunay na ang rebolusyon ng Supremo ay mananatiling buhay sa bawat mamamayang lumalaban para sa katarungan.
Mula ngayon ay hindi lamang isang paggunita sa nakaraan ang araw na ito. Bagkus, ito ay isang pagpapatotoo na ang kolektibong pagkilos at ang pagbabaka ng bayan sa lansangan ay ang pinakamaliwanag na pagliliyab laban sa hayok na anyo ng pang-aapi at pamumuno. Ito ang pinakamahalagang katotohanan na isinisigaw ng mga lansangan.