
Dati-rati mas mapapakinggan mo ang “Sa may bahay ang aming bati. Merry Christmas na maluwalhati”, subalit ngayon ay tila mas maugong na ang “Ikulong na yan, mga kurakot!”
Sa tuwing sumasapit ang “BERmonths” noon, mararamdaman mo na ang lamig ng simoy ng hangin na dala ng mga batang nangangaroling. Bitbit ang mga tansang pinagsama-sama pati na ang mga tambol na gawa sa lata. Ngayon, kahit Disyembre na, tila hindi lumalamig ang panahon. Lalo pa ngang umiinit dahil sa tensyon na dala ng korapsyon.
Kaya ang himig ng Pasko, hindi na karaniwang caroling ang naririnig, kundi alingangaw ng taumbayang humihingi ng hustisya at tumitindig.
Bagong taon ay magbagong-buhay, nang lumigaya ang ating bayan
Sa dami ng malalang katiwaliang naibunyag sa mga nakalipas na buwan, nakapagtataka na hanggang ngayon ay tila iilan pa lamang ang nananagot. Paano liligaya ang ating bayan, kung walang nais umamin para magbagong-buhay? Ang sabi sa kanta “Kahit hindi Pasko ay magbigayan” ngunit tila iba ang nangyari dahil kahit hindi Pasko ay may bulsahan.
Pasko na naman, ngunit wala ka pa, hanggang kailan kaya ako maghihintay sa iyo
Ang mga politiko sa bansa kapag umaalis ng Pilipinas maayos ang pangangatawan subalit kapag nadadawit, nag-iiba ang kalagayan ng kalusugan. Kaya naman sa mga taong nagnakaw sa kaban ng bayan, magpapasko na ngunit wala ka pa, hanggang kailan kami maghihintay sa inyo? Kung talagang walang kasalanan bakit kailangang lumisan pa?
Sa mga hangarin nating tapat, kayang baguhin ang lahat
Kung talagang may totoong hangarin para mapanagot lahat ng sangkot sa katiwalian, kakayaning mabago, kahit kaunti lamang, ang sistemang umiiral. Ngunit kung para lamang sa palabas ang lahat, walang magagandang larawan ang ating bukas at hindi Pasko kundi galit ang magniningas.
Dumarami ang mga tala, sindami ng pagpapala
Habang tumatagal, dumarami ang mga may sala, mga lumustay sa kaban na para bang pinagpala. Kung iisa-isahin ang mga perang papel na isinilid sa maleta at ibinulsa ng mga korap, mahihigitan kaya nila ang dumaraming tala? Kung hindi nila ginawa iyon mas marami pa sana ang pinagpala.
Thank you, thank you, ang babait ninyo
Kapag namasko ang mga bata sa tahanan ng mga politiko, hindi ito kasama sa listahan ng kakantahin nila. Ang tunay na naglilingkod, inuuna ang kapakanan ng nakararami at hindi ang pansariling interes. Kaya walang pasasalamatan, dahil bukod sa hindi sila nagpakabait, pinahamak nila ang mga kababayang nabigyan sana ng maayos na serbisyo.
Dumaan man sa malakas na alon, lahat tayo’y makakaahon
Sa kabila ng sistemang pilit pinapadapa ang mga Pilipino, bumagyo man o lumindol, makakahanap tayo ng dahilan upang makabangon. Subalit, hindi lamang dapat dito natatapos, dahil taumbayan naman ang magiging malakas na ahon na magiging dahilan upang ang mga ganid at sakim ay hindi na makaahon.
Hindi lang sa langit nandun ang mga anghel, may nag-aalay ng kabutihan, hindi mo man hingin
Sabi nga nila, sino-sino pa nga bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang din naman? Sa gitna ng hamon na kinahaharap ng ating mga kababayan, and diwa ng Pasko, madarama pa rin sa bawat panalangin para sa kanilang kaligtasan, bawat delatang sana’y pumuno sa kumakalam, at bawat pisong ipinapadala. Kahit paunti-unti, nagbibigay ito ng malaking pag-asa para sa kanila. Tunay ngang hindi lang sa langit nandun ang mga anghel dahil dito sa lupa, may mga nag-aalay ng kabutihan.
Dama sa ating tinig ang init ng pag-ibig
Sa mga kalyeng patuloy na isinisigaw ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot, nagmumula ang lahat ng ito sa tinig ng mga Pilipinong may mainit na pag-ibig sa Pilipinas. Mga tinig na umaaasang magkakaroon ng pananagutan, mga tinig na umaasang may magandang bukas para sa bagong henerasyon, at mga tinig na umaasang maihahatid ang serbisyong dapat nilang makamtan.
Magbago man lahat sa mundo, mananatili ang diwa ng Pasko
Lumipas man ang panahon at mag-iba man ang nakasanayang himig ng Pasko, mananatili ang pag-asang patuloy nating panghahawakan. Hindi lang caroling ang umalingawngaw sa lansangan, pati na rin ang tinig ng pagkakaisa ay ating mapapakinggan. Ang diwa ng pasko hindi naman talaga nagbago, naiba lamang ang pamamaraan para madama ito.