
Joshua Pasion, Laurence Pernato
Pagtulo ng luha, pagyanig ng mga kamay, pagsigaw sa tuwa, at tahimik na pagtitig sa pangalan na minsang pinaghirapan.
Ilan lamang ang mga kaganapang ito sa mga nasasaksihan tuwing inilalabas ang resulta ng isa sa mga pinakamahihirap na pagsusulit sa bansa — ang Bar examination. Sa araw na ito, nawawala ang lahat ng hangganan ng edad, pinagmulan, at estado ng buhay dahil pare-pareho silang magiging bagong pag-asa ng nasyon.
Gayunpaman, hindi sa paghihintay at paglabas ng resulta nagtatapos ang laban dahil para sa mga pumasa, simula pa lamang ito ng pagpasok sa mas malawak at mas masalimuot na mundo ng abogasya. Haharap sila sa realidad na hindi laging kasinglinaw ng inaakala nila noong sila ay nag-aaral pa at hinuhubog pa lamang ang mga prinsipyong kanilang pinanghahawakan.
Dahil sa Pilipinas kung saan nananatiling usad-pagong ang hustisya at ramdam ang bigat ng impluwensya, marami pa ring mga ordinaryong Pilipino ang pilit na naghahanap ng lugar nila sa ilalim nito.
Magpasahanggang ngayon, nananatiling sugat sa kalakaran ang mabagal na daloy ng paglilitis, kung saan ang mga kasong nakasalalay ang buhay at dangal ng tao ay nakabaon sa walang katapusang pagdinig at pagpapaliban.
Itinuturing din ng marami na hindi pantay ang timbangan ng batas — may mga pagkakataong ang kapangyarihan at salapi ang sandigan upang makalusot, habang ang mga walang kakayahan ay naiipit sa masikip na pasilyo ng proseso.
Kaya naman, sa kaliwa’t kanang mga butas sa sistema, sulit pa bang piliin at ipagpatuloy ang landas ng abogasya sa Pilipinas?
Hagdan patungo sa kaginhawaan
Hindi kailanman naging ordinaryong propesyon ang pagiging abogado sa bansa dahil matagal na itong kinikilala bilang hagdan patungo sa kapangyarihan, seguridad, at pag-angat mula sa kahirapan. Sa maraming pamilyang Pilipino, ang titulong “Atty.” ay hindi lamang apat na titik bago ang pangalan kundi simbolo na rin ng tagumpay na kayang baguhin ang direksyon ng buong angkan.
Para sa karamihan, ang abogado ay may kakayahang mamuhay nang may disente at maayos na kabuhayan, na may mas malawak na espasyo sa lipunan at mas mataas na antas ng respeto. Sa lipunang mataas ang kompetisyon sa trabaho at limitadong oportunidad, ito ay madalas ituring na isa sa mga pintuan patungo sa mas maayos na estado ng buhay.
Sa ilang tahanan, ang pagkakaroon ng abogado sa pamilya ay tila nagsisilbing patunay na may nakaahon na sa laylayan. Hindi rin maikakailang may kaakibat na impluwensiya at kapangyarihan ang propesyong ito sa Pilipinas.
Sa gitna ng mga isyu — mula sa kahirapan, kawalan ng hustisya, hanggang sa pag-abuso sa kapangyarihan — ang mga abogado ay itinuturing na tagapagtanggol ng karapatan at katuwiran. Para sa ilang mamamayan, ang batas ay nananatiling isa sa iilang larangan kung saan maaaring gamitin ang kaalaman hindi lamang para umasenso, kundi para ipaglaban ang mga taong madalas ay hindi pinapakinggan.
Para sa mga kabataang lumaki sa pamilyang salat sa oportunidad, ang pagiging abogado ay minsang nagiging paraan upang “makapasok” sa mga espasyong matagal nang tila para lamang sa may impluwensiya at koneksyon. Sa isang bansang malaki pa rin ang agwat ng may kaya at wala, ang batas ay nakikita bilang posibilidad na magkaroon ng boses sa mga usaping karaniwang ipinagdedesisyunan lamang ng iilan.
Bukod pa rito, marami ring mga pumapasok sa abogasya upang matugunan ang lumalalang kawalan ng hustisya sa bansa. Mayroong mga kabataang lumaking nakikitang nahihirapang lumaban ang ordinaryong tao sa korte, may mga nakasaksi ng mabagal na proseso, at mayroon ding naniniwalang mas madaling abusuhin ang isang mamamayang walang sapat na kaalaman sa batas.
Kaya hindi rin nakapagtataka kung bakit nananatiling maraming estudyante ang patuloy na nangangarap na maging abogado kahit alam nilang mahaba, magastos, at mabigat ang prosesong kahaharapin nila.
Walang madaling daan
Gayunpaman, sa patuloy na pagtingala sa pag-aabogado, nananatiling nasa ibaba ang mga sakripisyong nakatago sa likod ng titulong ito.
Sapagkat bago pa man marating ang minimithing propesyon, kailangan munang dumaan sa mahabang kalsada ng pagod, sakripisyo, at mga panahong unti-unting sumusubok sa tibay ng isang tao.
Sa Pilipinas, hindi lamang simpleng pagpapatuloy ng pag-aaral ang pagpasok sa law school. Dito, hindi sapat ang pagiging matalino dahil mas madalas sinusukat kung gaano katagal mong kayang manatiling lumalaban kahit pagod, kulang sa tulog, at unti-unti nang nawawalan ng kumpiyansa sa sarili.
Habang ang ibang kabataan ay nagsisimula nang bumuo ng karera, magkaroon ng mas balanseng kita, o planuhin ang susunod na yugto ng kanilang buhay, maraming law students ang nananatiling nakakulong sa mahabang panahon ng kawalang katiyakan. Sa loob ng apat hanggang limang taon — at kung minsan ay mas matagal pa — buong lakas nilang sinusubukang makatawid sa mundong hindi sigurado kung sino ang mananatili hanggang dulo.
Hindi rin biro ang halaga ng pangarap na ito. Sa ilang mga sikat na mga paaralang nag-aalok ng pag-aaral ng batas, nananatiling mataas para sa mga ordinaryong mamamayan ang bayarin upang makapasok dito.
Sa University of Santo Tomas (UST) kung saan tatlong nagsipagtapos ang kabilang sa top 10 na nakapasa sa Bar nitong 2025, tinatayang nasa Php76,000 hanggang Php84,000 ang matrikula sa bawat semestre. Samantala, sa Ateneo de Manila University naman na nanguna sa mga paaralang may pinakamataas na passing rate sa loob ng limang taon, nasa Php145,000 hanggang Php181,000 ang bayarin sa bawat markahan.
Sa tahanan naman ng Bar topnotcher nitong 2025, bagama’t walang eksaktong halaga ng matrikula ang University of the Philippines, ilang ulat ang nagsasabing nasa humigit-kumulang Php1,500 kada unit ang Juris Doctor program sa paaralan.
Para sa ilang pamilya, ang pagpapaaral ng isang anak sa law school ay nangangahulugang dagdag na oras ng pagtatrabaho, pangungutang, o pagtipid sa ibang gastusin sa bahay. Sa katunayan, mayroong mga estudyanteng pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral kahit kapalit nito ang halos wala nang pahinga.
Maliban sa pera, mas mabigat para sa marami ang emosyonal na pagod na naiipon sa bawat araw na lumilipas. Hindi madalas napag-uusapan kung gaano karaming estudyante ang tahimik na pinanghihinaan ng loob, kung ilang gabi ang ginugugol sa pagdududa sa sariling kakayahan, o kung paanong ang dating kumpiyansa ay unti-unting kinakain ng presyon na kailangang laging hindi mapag-iwanan.
Kaya naman, sa pelikulang Bar Boys (2017), ipinapakita ang ganitong bigat sa pag-aaral ng batas sa pamamagitan ng isang paalala na ang pagharap sa mga pagsubok ay bahagi ng pag-unlad.
“The poet Rainier Rilke once wrote: “The purpose of life is to be defeated of greater and greater things.” Kung hindi ka natatalo, hindi ka na gumagalaw. Look at you, you’re still here. Every time you say you want to quit, you’re just asking for help. And it takes strength to ask for help,” saad ni Justice Hernandez, isang karakter sa pelikula.
Dito unti-unting nabubura ang paniniwalang agad na magiging marangya ang buhay ng isang abogado. Sapagkat sa likod ng prestihiyo ng titulo ay mga panahong minsang kinailangang isakripisyo ang oras, kalusugan, at katahimikan ng isip upang marating ang propesyong matagal nang tinitingala ng marami.
Kakulangan sa katarungan
Sa kabila ng matatayog na mithiing ito, nagbabadya ang isang malupit na katotohanan: ang kasalukuyang sistema ng hustisya sa Pilipinas ay unti-unti nang kinakain ng sarili nitong mantsa. Mahirap gamitin ang batas bilang sandata kung ang mga mismong institusyong tagagawa at tagapagpatupad nito ang nagiging sentro ng kaguluhan, korapsyon, at pagdududa.
Kung susuriin ang kasaysayan mula noong taong 2000, makikita na ang anomalya sa bansa ay tila naging isang malalim at sistematikong problema. Mula sa kontrobersyal na Fertilizer Fund Scam noong 2004, hanggang sa pagsabog ng bilyon-bilyong pisong Pork Barrel Scam noong 2013, malinaw ang naging takbo ng sistema — ang kaban ng bayan na para sana sa kaunlaran ay paulit-ulit na naglalaho sa mga pekeng proyekto. Ang masakit na reyalidad, marami sa mga nasangkot na makapangyarihang pangalan ang mabilis ding nakabalik sa kanilang mga puwesto, na tila ba ang batas ay may maikling memorya o madaling madaan sa kompromiso.
Ang kulturang ito ay buhay na buhay pa rin sa kasalukuyan. Kamakailan lamang, naging sentro ng ingay ang bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga Flood Control Projects na kung saan sa ilalim ng pambansang badyet, lumobo sa mahigit ₱244 bilyon noong 2024 at bilyun-bilyon pa noong 2025 ang inilaan sa DPWH para sa flood mitigation — isang halagang halos umabot sa ₱1 bilyon kada araw na tila walang naging katuturan habang ang ordinaryong mamamayan ay patuloy na nilulunod ng baha tuwing may bagyo. Sa halip na mapayapa at mabilis na legal na proseso ang makita ng publiko, nasasaksihan sa mga pagdinig sa Senado ang talamak na bangayan, politikal na drama, at kaguluhan na unti-unting nagpapababa sa integridad ng mga institusyon.
Ang sagradong bulwagan na dapat ay kanlungan ng katotohanan ay madalas mauwi sa isang sirkus ng personalang interes.
Dito lalong nangingibabaw ang malaking lamat ng hindi pagkakapantay-pantay sa bansa. Ang hustisya sa Pilipinas ay tila naging isang luho na tanging ang mayayaman, makapangyarihan, at may koneksyon lamang ang nakabibili. Sila na may kakayahang kumuha ng pinakaprestihiyosong mga law firms ay nagagawang paikutin ang mga teknikalidad ng batas upang makaiwas sa agarang pagkakakulong.
Sa kabilang banda, ang isang ordinaryong Pilipino na nagkasala dahil lamang sa matinding gutom o kagipitan ay mabilis na naitatapon at nakalilimutan sa loob ng mga nagsisiksikang piitan dahil sa kawalan ng pampiyansa at kawalan ng kakayahang kumuha ng mahusay na tagapagtanggol.
Sa ganitong kalakaran, ang timbangan ng hustisya ay tila malinaw na may kinikilingan. Para sa isang nagnanais pumasok sa abogasya, ang reyalidad na ito ang pinakamalaking hamon: handa ka bang pumasok sa isang sistemang tila nakadisenyo para protektahan ang iilan, o may sapat ka bang tapang upang magsilbing tunay na sandata ng mga walang boses sa lipunan?
Anino ng politika
Sa Pilipinas, hindi maikakaila na magkalapit ang mundo ng batas at politika. Maraming abogado ang kalaunan ay pumapasok sa gobyerno bilang mambabatas, tagapagsalita, hukom, prosecutor, o opisyal ng estado — kung saan ang kanilang kaalaman sa batas ay nagiging daan upang magkaroon ng impluwensiya sa direksyon ng pamamahala ng bansa.
Hindi problema na maraming abogado ang pumapasok sa politika. Sa katunayan, mahalaga ang malalim na pag-unawa sa batas sa paggawa ng polisiya at pagpapatakbo ng institusyon.
Sa kasaysayan ng bansa, nasa siyam na naging pangulo ang nagmula sa larangan ng batas. Maging sa Senado, lima sa mga mambabatas ngayon ay nagmula rin sa parehong propesyon, patunay kung paano nagsisilbing isa sa pinakamalalakas na tulay ang abogasya patungo sa pinakamataas na posisyon ng pamahalaan.
Maraming mga abogadong pumapasok sa politika at itinuturing na tagapagtaguyod ng reporma, kung saan patuloy nilang inaayos ang proseso, pinalalakas ang iba’t ibang sektor ng lipunan, at itinutulak ang mga patakarang magbebenepisyo ang sambayanan. Para sa kanila, ang batas ay nananatiling sandigan ng katarungan at instrumento ng paglilingkod.
Hindi malilimutan ang mga pangalan nina Jose Diokno at Jovito Salonga — mga higante sa larangan ng batas na ginitgit ang diktadura at ginawang panangga ang kanilang legal na talas upang ipaglaban ang karapatang pantao at nasyonalismo. Si Diokno ang nagtatag ng Free Legal Assistance Group (FLAG) upang magbigay ng libreng depensa sa mga biktima ng pang-aabuso, at si Salonga naman ay kalaunang namuno sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) upang huliin ang mga nakaw na yaman ng bansa.
Sa makabagong panahon, masisilayan din ang legasiya nina dating Senador Miriam Defensor Santiago na kinilala sa kaniyang walang-takot na pagbuwag sa korapsyon gamit ang kaniyang konstitusyonal na dunong, at si dating Pangalawang Pangulo Leni Robredo na bago pa man pumasok sa pamahalaan ay nakilala sa alternative lawyering o pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Subalit, sa kabilang banda, may mga pagkakataon ding ang parehong kaalaman sa batas ay nagiging sandata ng depensa ng kapangyarihan. Nasaksihan na ito sa gobyerno kung saan ay ginagamit ito bilang panangga sa mga kritisismo, kasangkapan sa pagpapaliwanag ng mga kontrobersyal na desisyon, at minsan, paraan upang paboran ang mga may hawak na kapangyarihan.
Mula sa negatibong lenteng ito, hindi mabubura sa alaala ng publiko ang mga prominenteng abogadong pumili sa madilim na mukha ng kapangyarihan. Nariyan ang mga tulad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na sa kabila ng kaniyang pambihirang talino bilang Rank 1 topnotcher sa Bar na may markang 92.35 porsyento noong 1939, ay ginamit ang batas at kaniyang kaalaman upang hubugin ang Batas Militar at sinubukang bigyang katuwiran ang isang rehimeng binalot ng pang-aabuso upang tumagal siya sa puwesto.
Sa mga nagdaang dekada, masisilayan din ito sa mga tanyag na personalidad tulad nina dating Spokesperson Harry Roque at Atty. Salvador Panelo, na gamit ang kanilang malalim na karanasan sa abogasya ay naging masigasig na tagapagtanggol at tagapagsalita ng mga kontrobersyal na polisiya at administrasyon, kung saan ang batas ay madalas irebisa o bigyang-kahulugan upang paboran ang nasa kapangyarihan.
Isang matinding kabalintunaan ang makikita kay Roque dahil bago siya naging alagad ng mga Duterte, siya ang kauna-unahang Asian lawyer na nabigyan ng lisensyang makapagsanay sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kaniyang adbokasiya sa karapatang pantao. Subalit nang hawakan niya ang mikropono ng administrasyon, siya na mismo ang nanguna sa pagtatanggol sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC upang harangan ang imbestigasyon sa War on Drugs.
Mayroon ding mga sikat na defense lawyers na ginagamit ang bawat teknikalidad at butas sa proseso upang harangan ang pagpapanagot sa mga dambuhalang kaso ng korapsyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Kaya naman, ang direksyon ng batas — kung ito ba ay magiging tulay ng reporma para sa mas nakararami o magiging sandata ng depensa para sa iilang makapangyarihan — ay nakadepende na lamang sa moralidad ng taong humahawak nito.
Abogadong hinahangad ng bayan
Kaya sa mga nangyayari ngayon sa bansa, hindi lamang matatalinong abogado ang kailangan kundi mga abogadong may puso kung saan naghahari ang kabutihan.
Mga abogadong hindi ganid sa kapangyarihan, hindi bumabaluktot ng batas para sa pansariling interes, at handang gamitin ang kanilang kaalaman upang protektahan ang mga taong mahihirap at naaapi.
Dahil sila ay kailangan sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sa gobyerno, kailangan ng mga taong uunahin ang serbisyo kaysa sa pansariling interes. Sa korte, kailangan ng mga abogadong naniniwala pa rin na ang hustisya ay hindi dapat nakadepende sa apelyido o kapal ng bulsa.
Higit sa lahat, labis na kailangan ng Pilipinas ang mga mabubuting abogado dahil hindi kailanman nawawala ang pang-aabuso.
Habang may mga manggagawang hindi nababayaran nang tama, mga magsasakang inaagawan ng lupa, mga kabataan, kababaihan, at mga pamilyang umiiyak dahil walang lumalaban para sa kanila — kailangan ng mga abogadong hindi natutunaw ng impluwensya, hindi nabubulag ng kapangyarihan, at hindi napapahinto ng takot.
Pagtulo ng luha, pagyanig ng mga kamay, tahimik na pagtitig sa kawalan, at pagsigaw hindi dahil sa tuwa kundi dahil sa hinagpis ang sinapit at sasapitin pa ng mga Pilipino kung ang mga abogado ay hahayaan ang batas na yumuko sa kapangyarihan sa halip na tumindig sa mga ordinaryong mamamayan.
Sa estado ng bansa, nawa’y marami pa ang mangarap hindi lamang maging abogado, kundi maging isang mabuting abogado na may paninindigan, prinsipyo, at puso. Abogado na hindi para sa pansariling kapakanan, kundi para sa kapakanan ng bayan.