May pasobra sa kulungan dahil special ka?

aljacutinEXPLAINERS17 minutes ago

Hanggang ngayon, talamak pa rin ang siksikan ng mga preso sa Pilipinas. Kahit na bumuti ito kung ikukumpara sa huling walong taon, nanatili itong problema sa sistema na lumalabag sa makataong pangangailangan. Isang patunay na hindi sapat ang pagbabago kung hindi mapapaunlad ang kalagayan ng mga taong naapektuhan nito. 

Sa 426 na kulungang napapasailalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), tinayang nasa 296% ang congestion rate o antas ng siksikan noong Mayo 2025. Bumaba ng 26% kung ikukumpara sa datos ng Mayo 2024. Sa kabila ng pag-iba ng porsyento, labis pa rin ang mga siksikan ng mga preso. Masasabi mang nagbago ang numero, hindi ibig sabihin nito na lumawak ang espasyo. 

Pagkukulang sa kulungan

Ang siksikan sa kulungan ay nangangahulugang ang detainees o mga detenado ay mayroong limitadong paggalaw, lugar na matutulugan, at bentilasyon. 

Madalas din silang nag-uunahan para sa maiinom na tubig, magagamit na palikuran, at pasilidad na pangkalusugan. Dahil dito, maasahan ang paglaganap ng mga bakterya, birus, at mikrobyong nagdadala ng mga sakit. Mabilis naman itong kumakalat sa pagitan ng mga detenado, kanilang mga bisita, at mga empleyado ng kulungan. 

Masasabing dahilan na rin ng siksikan ang hindi maasahang sistema. 87.32% ng lahat ng persons deprived of liberty o PDL ay naghihintay lamang ng paglilitis o hatol. Ang mahabang pagkaatala ng panghukumang mga proseso ay nagdudulot din ng malalimang mental o sikolohikal na epekto sa mga PDL kayaga ng pagkabalisa at kawalan ng pag-asa. Para sa maraming detenido, ang paghihintay ay siya na ring parusa.

Dinaanan na ng iba’t ibang administrasyon at lumipas na ang panahon. Maraming mamamayan ang napapatanong kung may tugon pa ba ang problema o bahala na. May pagbabago pa kaya sa presinto ng mga pangako? 

Paano namamahala ang pamahalaan?  

Noong Marso 2023, naglunsad ang BJMP ng programa na nagpapatupad ng mga silid-aralan sa mga bilangguan upang maisama ang pagbabasa sa proseso ng rehabilitasyon ng mga PDL. Layunin ng programa na magkapagbigay ng pagkakataong makapag-aral at personal na pagpapaunlad. Nagpapahiwatig na may lugar ang pagkatuto sa loob ng bilangguan.

Samantala, nangako naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla noong Mayo 2026 ng mas maigting na pagpapatupad ng reporma sa BJMP. Layon nitong maibsan ang labis na siksikan sa bilangguan at pagbutihin ang kalagayan ng pamumuhay ng mga PDL. 

Aminado si Remulla na matagal nang hindi nabibigyan ng atensyon ang kondisyon ng mga bilangguan at mga PDL sa bansa. Hindi na maaaring ipagpaliban at bigyan ng hindi sapat na pansin ang siksikan sa selda. Lalo na kung ang mga tao rito ay wala na sa mabuting kalagayan. Parte rin ito ng pagpapanatili ng hustisya at pampublikong kaligtasan. 

Binigyang-diin din na ang pagpapabuti ng kondisyon sa mga bilangguan ay mangangailangan ng pangkabuoang tulong ng pamahalaan mula sa pambansang mga ahensya hanggang sa mga local government unit o LGU.

Dapat na pagtrato sa isang preso 

Ang United Nations mayroong pamantayan sa kung paano dapat ang tinatrato ang mga nabilanggo. Ang Nelson Mandela Rules ay nagbibigay sa mga estado ng masinsinang mga alituntunin sa pagpoprotrekta sa karapatan ng mga PDL. Mula sa mga detenidong hindi pa nililitis, hanggang sa mga presong may hatol na. 

Base ang mga panuntunan, obligasyong tratuhin ang lahat ng bilanggo ng may respeto sa kanilang dignidad at halaga bilang mga tao. Hinahangad nitong mapigilan ang posibleng pang-aabuso at iba pang uri mararahas na pagtrato. Detalyadong mga patnubay ang nakapaloob sa Mandela Rules katulad ng mga hakbang sa pagdidisiplina at mga serbisyong pangkalusugan.

Pinahihigpitan din ang paggamit ng solitary confinement o ang pagkukulong sa isang preso sa maliit na silid kung saan wala siyang ugnayan sa kahit sino. Isang bilangguan sa loob ng presinto. Sinasabing madalas na kalunos-lunos ang bunga ng solitary confinement sa parehong mental at pisikal na kalusugan. Maaring umabot sa problema sa pag-iisip, hallucination, paranoia, at pagwawakas sa sariling buhay. 

Sa kaso pa lang ng kulang na espasyo sa selda, masasabing nilalabag ng Pilipinas ang Mandela Rules. Kagaya na lamang ng ika-12 na tuntunin na nagsasabing ang mga selda o silid para sa pagpapahinga ay hindi dapat tinutulugan ng higit pa sa isang tao. Salungat sa pamantayang ito ang kalagayan sa Pilipinas kung saan tinatayang nasa 28 na bilanggo ang naghahati-hati sa kada 4.7 metro kuwadrado na nakalaan para sa isang tao lamang. 

Sumusobra pero kulang

Hindi na bago sa atin ang makarinig ng mga kwento patungkol sa mga politikong nakakatanggap ng naiibang serbisyo kumpara sa ordinaryong mamamayan kapag may hinaharap na kaso. 

Ang mga political prisoners ay mga taong kinukulong dahil sa kanilang mga paniniwala at mga aksyon na madalas kontra o tutol sa pamahalaan. 

Noong Hunyo 2025, itinalang 696 ang mga political prisoner ang nasa iba’t ibang detention centers sa bansa. Inaresto ang 163 sa kanila sa ilalim ng administrasyong Marcos, kasama na ang 136 na kababaihan, 93 na nakakatanda, at 89 naman ang mayroong sakit o karamdaman. 12 sa kanila at nakatakdang kawani o konsultant sa peace negotiations sa pamamagitan ng rehimeng Marcos Jr. at ng National Democratic Front of the Philippines. 

Sa kabilang dako, nakatanggap ng pambabatikos ang BJMP dahil sa sinasabing “special treatment” na ibinigay nito kay Senator Jinggoy Estrada na humaharap sa mga kasong plunder, graft, at bribery. 

Dinala sa pribadong ospital si Estrada dahil sa problema nito sa tuhod. Ayon sa mga political prisoner support group, espesyal daw ang trato rito kung ikukumpara sa mga political prisoners na pinagkaitan ng karapatang pantao, kalayaan, at maayos na suportang medikal. Sinabi naman ng BJMP na sumusunod lang ito sa utos ng korte.  

Kung mayroong pasobra ang sistema sa mga politikong nagkakasala, ano ang palusot nito kapag nagkukulang sa masa?  

Kultura ng kakulangan 

Madalas nating nakikita ang kakulangan ng espasyo sa iba’t ibang aspekto. Sa mga sambahayan, mga silid-aralan, sa daloy ng trapiko, at sa loob ng presinto. Kapag sumisibol ang suliranin, marami ang nangangarap ng tunay na pagbabago at aksyon mula sa gobyerno. 

Sa pagdaan ng panahon, mag-iiba ang statiska ng krimen at siksikan sa selda. Ngunit sa huli, ang tunay na pagbabago ay hindi makikita sa numero kung hindi sa kalagayan ng mga tao. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...