
Jed Harme
Nagwagi ng First Special Mention in Acting si Marietta Subong, na mas kilala bilang Pokwang, sa 41st Mar del Plata International Film Festival sa Argentina dahil sa pagganap niya sa pelikulang 2 Valid IDs.
Iginawad ang pagkilala sa aktres sa ilalim ng International Feature Film Competition ng nasabing film festival. Pinuri ng mga hurado ang kaniyang pagganap bilang isang makataong pagsasalarawan ng pakikibaka, katatagan, at pagmamahal sa gitna ng burukrasya.
Sa direksiyon ni Ma-an L. Asuncion-Dagñalan at panulat ni Abet Pagdagdagan Raz, tinatalakay ng pelikula ang mga suliraning kinahaharap ng mga Pilipino sa pagkuha ng mga dokumento at pag-access sa mga serbisyong kailangan nila.
Hindi ito ang unang pagkilala kay Pokwang para sa naturang pelikula. Noong Agosto, nagtabla sila ni Ruby Ruiz sa Best Actress category ng 2026 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Nakuha rin ng 2 Valid IDs ang Audience Choice Award at Special Jury Award para sa full-length film category.
Patuloy ring pinapanood ang pelikula sa mga sinehan sa bansa. Ayon sa producer na Super Entertainment, lumampas na sa ₱115 milyon ang kinita nito sa takilya.
Ang Mar del Plata International Film Festival ay isa sa mga pinakamatagal at pinakaprestihiyosong film festival sa Amerika. Taun-taon itong ginaganap sa Argentina at nagtatampok ng mga pelikula mula sa iba’t ibang bansa.