
Sabi nila, anong gagawin sa damo kung patay na ang kabayo? Ngunit paano kung ang damo ay patuloy pa ring ipinagdaramot kahit yumao na ang kabayo?
Ganito ang reyalidad ng healthcare system sa Pilipinas. Hindi na nga maipagkailang napakataas na ng presyo ng mga bilihin, ngunit patuloy pa ring ibinababa ang mga mahihirap.
Pasakit na Pasanin
Batay sa datos na itinala ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa tinatayang ₱615 billion ang out-of-pocket (OOP) noong 2024. (https://businessmirror.com.ph/2025/07/29/philippine-healthcare-families-drowning-in-out-of-pocket-expenses/). Ito ang mga gastusing hindi na nararapat akuin ng mamamayan; sa halip, ito ay pasanin na ng pamahalaan.
Kaugnay nito, tumaas ng 11.8 bahagdan ang OOP kumpara sa nakaraang taon. Kaya malinaw na may palya talaga ang sektor pangkalusugan ng Pilipinas. Sa halip na ang mismong pamahalaan ang aakay sa mga naghihirap, tila ba ay nagbibigay pa ito ng dagdag-pasanin.
Ibinubunyag ng mga impormasyong ito na 42.7 porsyento ng gastusin ng naturang sektor ay mula sa OOP. Samantala, 44.7 bahagdan lamang ang naitutulong ng pamahalaan sa mga nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.
Kung susumahin, nakapaliit na lamang ang pagitan ng nagagastos ng mamamayan mula sa kanilang bulsa, kumpara sa mula sa pamahalaan.
Binibigyang-diin nito na talagang hindi makatuwiran ang sistema ng pamahalaan. Habang lumalago nang 29.5 porsiyento ang pondo nito, sadyang hindi pa rin talaga nila matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng bawat pamilyang Pilipino pagdating sa kalusugan.
Pasilyo ng Pagsusumamo
Noon pa lamang, matagal nang underfunded ang mga pampublikong hospital. Kaya ang nangyayari ay kulang sa kama, silid, kagamitan, personnel, at mga mahahalagang pangangailangan.
Sa katunayan, dahil dito—marami pa ngang mga pasyenteng ginagamot sa pasilyo. Maaari namang lumipat ang mga ito sa pribadong ospital, ngunit mas mahal. Batay sa isang pag-aaral, (https://www.axa.com.ph/finlithub/health-and-protection/things-you-must-know-about-the-true-cost-of-being-hospitalized) ang isang hospital room sa pribadong hospital ay tinatayang nasa ₱500 hanggang ₱6,000. Hiwalay pa ito sa doctor’s fees, medical procedures, use of specialized equipment, use of the operating room and intensive care unit, medicines, at marami pang iba. Kaya ang magiging total nito ay aabot sa daan-daang libong piso.
Bagaman mayroong PhilHealth o ang Philippine Health Insurance Corporation na isang government-owned corporation na nakatakdang tumulong sa mamamayang Pilipino, lalo na sa pagbabawas ng OOP—mayroon naman itong limitasyon:
Kaugnay pa nito, marami rin itong system gaps na mas nagpapasalimuot sa simpleng paghiling ng tulong ng mga Pilipino. Partikular na ang mga:
(“PhilHealth to review rules on ‘24-hour confinement’ | Reine Juvierre S. Alberto” https://businessmirror.com.ph/2026/06/15/philhealth-to-rwview-rules-on-24-hour-confinement/)
(“PHILHEALTH CIRCULAR NO. 0031, S. 2013 – ALL CASE RATES (ACR) POLICY NO. 1 – GOVERNING POLICIES IN THE SHIFT OF PROVIDER PAYMENT MECHANISM FROM FEE-FOR-SERVICE TO CASE-BASED PAYMENT – Supreme Court E-Library” https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/10/68174)
(“Republic Act No. 11223” https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2019/ra_11223_2019.html)
(“Republic Act No. 7875” https://lawphil.net/statutes/repacts/ra1995/ra_7875_1995.html)
Ngunit sa kabila ng mga ito, malinaw pa rin ang katotohanang tila ba ang mga pangakong ito ay patuloy pa ring nagiging pangako, hindi pantay ang healthcare service, lalo na sa mga probinsya at liblib na lugar, nagmimistulang ang karapatang pangkalusugan ay nagiging isang pribilehiyo, at halos katiting lang ang napa-implementa rito, at ang iba ay tila suntok pa rin sa buwan.
Ngunit sa kabutihang palad, sa pamamagitan ng mga nasabing batas—napalalakas na rin kahit papaano ng pamahalaan ang sektor pangkalusugan upang matulungan ang bawat pamilyang nangangailangan.
Bunsod nito, medyo mas napaaalwan ang pasanin ng bawat Pilipino at hindi na gaanong mabigat sa bulsa, kahit pa hindi nito talagang nababayarang buo ang lahat ng gastusin.
Perlas na Nasa Rehas
Sa kabilang banda, hindi lang ang mga pasyente ang dehado dahil sa bulok na sistemang ito—kundi pati ang buong sambayanang Pilipino.
Nagkakaroon ng “domino effect” ang pagbulusok ng antas ng sektor pangkalusugan. Halimbawa, kung ang sahod ng isang minimum wage earner sa isang kinsenas ay aabot sa ₱12,500 (nasa 750 kada araw), kung ikakaltas pa rito ang nakasisilaw na gastos para sa serbisyong medikal—wala na halos matitira sa sahod nito para sa basic daily needs.
Implikasyon din nito ang pagsisitaasan ng mga bilihin, kaya paunti-unting malulugi ang maliliit na negosyo, at maraming Pilipino ang mababaon sa utang.
Pag-ahon sa Pagkabaon
Samakatuwid, sana’y hangga’t hindi pa patay ang kabayo—sulitin na ang damo kahit ito ay ipinagdaramot.
Sa totoo lang, hindi lamang ito umiikot sa damo—damay rin pati ang ugat at kapaligiran nito. Kaya kung ang karapatang makaramdam lamang ng kaginhawaan mula sa tulong ng sektor pangkalusugan ay mananatiling pangarap, hinding-hindi maaabot ng Pilipino ang mga ulap ng pag-unlad.
Sa halip, unti-unti pang malilibing sa sariling utang. Kung mababaon man ang sambayanang Pilipino sa kahirapan, sino ang maghuhukay upang sila ay maiahon mula sa kailaliman?
Walang iba kundi ang kababayan at pamahalaan. Kaya’t sana, ang karapatang makatanggap ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay hindi na gawing suntok sa buwan. Nang sa gayon, wala nang umaalingawngaw na boses ng pagsusumamo sa bawat pasilyo ng ospital, at wala nang luhang may poot ang pumatak sa ibabaw ng kabaong ng taong minamahal.