
Mary Kate Francine Entia & Gweneth Pablo
Kapag kumatok na ang pananagutan, tila alam ng ilang mga pulitiko ang pinakamabilis na daan paalis.
Bigong nakapunta sa National Bureau of Investigation (NBI) si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste at isakatuparan ang subpoenang inihain sa kanya noong ika-6 ng Agosto matapos nitong lumipad paalis ng bansa. Ang naturang subpoena ay may kaunayan sa alegasyong kinasasangkutan niya sa isang “honey trap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto. Ayon pa kay NBI Director Melvin Matibag, kasama ni Leviste ang kanyang ina, si Senador Loren Legarda, sa pag-alis sa bansa, bagama’t magkaiba ang kanilang flight.
Saktong inanunsyo ng Ombudsman ang mga reklamong plunder at graft laban sa mag-ina na may kaugnay sa mga proyektong solar energy bago nila lisanin ang bansa. Kabilang sa alegasyon ang conflict of interest at pakikipagsabwatan umano upang magkaroon ng monopolyo sa solar energy, gayundin ang sinasabing hindi nabayarang mga obligasyong pinansyal na nagkakahalaga ng mahigit ₱10.44 bilyon.
Mahirap magpalagay, ngunit mas mahirap ipikit ang mga mata sa mga piraso ng katotohanang tila kusang nagdurugtong. Lalo na’t isa sa mga tanyag na estratehiya ng mga politiko tuwing hinahabol sila ng pananagutan ay mag-isip ng sandamakmak na dahilan upang makatakas sila sa kamay ng batas.
Nariyan ang ilang beses na pag-alis sa bansa gaya na lamang ng ginawa ng Senador na si Ronald “Bato” dela Rosa, na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan, matapos maghain ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) dahil sa pagkakasangkot niya sa War on Drugs ng dating pangulo na si Rodrigo “Digong” Duterte. Nariyan din ang isa sa mga pinakamalaking salarin sa isyu ng flood control na si Zaldy Co kung saan una siyang namataan sa Czech Republic na naghahanap ng asylum, bago siya napadpad sa Paris, France na diumano’y namamalagi na sa isang bahay na nagkakahalaga ng ₱14 bilyon.
Kung hindi naman sila umaalis ng bansa, bigla-bigla nalang silang dinaratnan ng kung anu-anong karamdaman.
Tulad na lamang ng sikat na neck brace ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo na sumusulpot lamang kapag nagsisilabasan na naman ang kanyang mga kaso. Ganito rin ang naging estratehiya ng Senador na si Jinggoy Estrada kung saan nagkaroon siya ng tatlong sakit kasabay ng tatlong plunder cases niya. Una ay ang iniinda niyang sakit sa kanyang puso, hanggang sa dumapo ang sakit sa kanyang mga balikat, at ngayon sa tuhod naman dahil sa iniinda niyang osteoarthritis.
Maraming dahilan ang mga pulitiko at mukhang mabilis na natuto si Legarda sapagkat parehong estratehiya ang kanyang ginawa.
Ayon sa pahayag na inilimbag niya sa kanyang Facebook account noong ika-7 ng Agosto, naghain siya ng pormal na medical leave mula August 3 hanggang August 5, ayon sa tuntunin ng Senado. Dagdag rito, pinayuhan rin niya ang publiko na huwag agad maghinuha ng mga alegasyon na walang basehan. Bukod pa rito, naglabas din siya ng pahayag noong nag-anunsyo ang Ombudsman ukol sa mga graft and plunder cases laban sa kanya at ng kanyang anak na si Leviste.
Katawa-tawang sa statement na inilabas ni Legarda, iginiit niyang hindi siya kailanman lumihis sa integridad. Pero sa sarili niyang kaso na pinakakailangan ang kaniyang pananagutan, paghuhugas-kamay ang unang aksyon at kinaya pang umalis ng bansa kasama ang kanyang anak.
Ngunit ang higit na nakapagtataka ay hindi lamang kung bakit tila napakadaling makaiwas sa pananagutan ang ilang politiko, mas nakapagtataka kung bakit tila sila lamang ang may pribileyong gawin ito.
Kung titignan natin ang pribilehiyo ng mga ordinaryong Pilipino, hinding-hindi nila kayang takasan ang pananagutan ng ganito kadali. Hindi sila makakaalis ng bansa sapagkat marami sa atin ang kapos sa pera at hindi kayang bayaran ang plane ticket upang takasan ang pananagutan. At kung sakit naman ang idadahilan, baka hindi rin kapani-paniwala, sapagkat mahirap magkasakit ang isang indibidwal na walang access sa maayos na serbisyong pangkalusugan.
Kung gayon, kung walang ganitong pribilehiyo ang karaniwang Pilipino, lalong hindi dapat ito taglayin ng isang taong nasa posisyon–lalong lalo na ang isang politiko na gumagawa ng mga batas na ating sinusunod.
Alam nating trabaho ng isang senador ang magsulong at magsulat ng mga batas, kaya nakaririmarim kung si Legarda pa mismo ang lalabag dito. Isiniwalat ni Ombudsman Anti-graft Chief Jesus Crispin Remulla na maaaring ginamit ng Senador ang kanyang posisyon bilang Chairman ng Finance Committee ng Senado noong mga panahong nagsumite ng franchise para sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) ang kanyang anak na si Leviste. Sa puntong ito, hindi ko na alam kung ang serbisyo ni Legarda ay para ba sa kaniyang pamilya o para sa mga Pilipino.
At dito lalong nagiging mapait ang kabalintunaan ng mga alegasyong kinahaharap ni Legarda. Sapagkat kung mapatutunayang may katotohanan ang mga ito, hindi lamang pera ng bayan ang maaaring nasayang–maging ang mismong layunin ng proyektong dapat sana’y nagsisilbi sa publiko.
Ang solar energy ay kilala bilang isang hakbang tungo sa may malinis at mas abot-kayang enerhiya para sa mga Pilipino. Ngunit kung mapapatunayan na ang pondong ipinagkatiwala para sa ganitong layunin ay nauwi lamang sa pansariling interes, para kanino ba talaga ang proyekto?
Higit pa rito, hindi rin makatarungang sa gitna ng pagdaraos ng impeachment trial nya pa nakuhang umalis. Siya ay inihalal ng masa upang maglingkod, lalo na’t nagsisilbing impeachment court ngayon ang senado. Hindi pupuwedeng umalis na lamang siya ng bansa sa panahong siya ay pinalilibutan ng mga anomalya.
Kinakailangang magpakita si Sen. Legarda at Rep. Leviste ng pananagutan sa mga kasong isinasampa sa kanila—kailangan nilang ipakita ang totoong ‘integridad’ na hindi lamang nakasulat sa papel ngunit nakikita ng masa. Sana ay pagkatapos ng lahat ng ito, kami ay makaramdam ng tunay na hustisya.
Alam naming magaling tumakbo ang mga pulitiko, pero sa mga posisyon dapat ‘yun gumagana—hindi sa mga kaso.