Lulusong sa ngalan ng pag-ibig

Malas ang ulan para sa iba, pero sa Pilipinas, isang malalim na tradisyon ang paniniwalang biyaya ang ulan at ang baha. Na ito’y sagisag ng paglilinis, bunga ng grasya, tanda ng bagong simula. Sa harap ng ulan, walang kanselasyon — ang seremonya, panata at pag-iisang dibdib ay tumutuloy.

Ang mga kwento ng mga bagong kasal qna naglakad sa baha, sumakay sa kalabaw, o hindi nagpatalo sa unos ay hindi viral gimmicks. Sila’y repleksyon ng matagal nang kaugalian: ang pagtanggap sa kaguluhan bilang saksi sa sumpa at pagyakap sa kusang biyayang hatid ng langit.

Altar sa baha

Sa Malolos, Bulacan, noong Hulyo 22, 2025, binalot ng ulan at baha ang Our Lady of Mount Carmel Parish na kilala rin bilang Barásoain Church. Binaha ang simbahan kung kaya’t abot-tuhod ang tubig sa aisle nito.

Pero hindi ito naging hadlang kina Jao Verdillo at Jam Aguilar — magkasintahang sampung taon nang magkasama. Lumakad si Jam, hawak ang laylayan ng kanyang puting gown, habang si Jao ay naghihintay sa altar suot ang magara niyang Barong Tagalog.

“Matagal na po namin inaantay ito… Mas masaya po sana kung dry pero ito po ang ibinigay ni Lord.” ani Jam sa ABS‑CBN News, kahit sa gitna ng baha.

Ang Barásoain Church ay hindi basta lugar ng kasal. Noong panahon ng pananakop ng Espanya, ito’y naging sumbungan at tagpuan ng mga ilustrado—ang mga edukadong Pilipinong nagtulak ng reporma, kalayaan, at reporma sa pamahalaan. Dahil sa kanilang paninindigan, itinuring silang suwail ng mga awtoridad ng Kastila, dahilan upang ikulong at ipatapon ang ilan sa kanila. Mula rito, itinawag ng mga kolonisador sa simbahan ang bansag na “baras ng suwail”—isang mapanghamong taguri para sa isang banal na lugar na naging pugad ng pagkamakabayan.

Dito rin itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas noong Enero 23, 1899, na siyang unang republika sa Asya. Dahil dito, kinikilala ang Barásoain Church bilang “Cradle of Democracy in the East“—isang mahalagang haligi ng kasaysayan, simbolo ng paninindigan, at dambana ng malayang pag-iisip.

Sa makalumang altar ng Barásoain, hindi lamang mga puso ang nagsusumpaan kundi pati kasaysayan, panata, at dugo ng isang lahing laging handang lumaban para sa dangal at kinabukasan.

“Hindi lang kami nag-iisang magkasintahan rito… kundi bilang Pilipinong handang harapin ang anumang bagyo,” ani Jao sa Instagram.

Ulan bilang biyaya

“Malas ‘pag umulan sa kasal,” ang karaniwang bulong. Ngunit para sa maraming Pilipino, kabaligtaran ang paniniwala: ang ulan ay basbas. Isa itong sagradong paalala ng paglilinis, pagbibigay-buhay at pag-ulan ng grasya.

Ang paniniwalang ito ay may ugat sa relihiyosong pananampalataya: ang ulan bilang simbolo ng binyag, paghuhugas at pagpapala. Sa bawat patak, tila sinasabing: “Mapapalad kayong nagmamahalan, sapagkat kahit ang langit ay nakikiisa.”

Ganito rin ang pananaw ng mga kasalang lumusong sa baha at tumawid sa unos. Hindi ito hadlang — kundi bahagi ng ritwal.

Noong 2023 sa Malolos, Bulacan, hindi alintana ng bride ang baha. Sa suot niyang gown, nilusong niya ang tubig habang nakatsinelas. 

“Basta nagmamahalan kami,” aniya. Pati ang mga bisita’y nagpaa para lang masaksihan ang kanilang panunumpa. 

Sa Malabon naman, sina Paulo at Mae Padilla ay pinilit pa ring maglakad sa baha. “Even if our vehicle is sinking… we still wanted to push through,” wika ni Paulo sa panayam ng The Guardian.

Kalabaw bilang katambal ng kasal

Kung may mga lumusong sa baha, meron ding mga sumakay sa kalabaw.

Sa Lasam, Cagayan, nagviral ang isang kasal kung saan isinakay sa kalabaw ang bride, groom, pati buong entourage upang makatawid sa baha. Sa halip na wedding car, kalabaw ang nagsilbing tagahatid sa kanilang sumpaan.

Samantala, sa Sultan Kudarat, isang couple naman ang gumamit ng kariton na hinihila ng kalabaw. Sa balita mula sa GMA news, makikita ang bride na nakasakay sa kahoy na kariton, hawak ang laylayan ng gown habang pinapalakpakan ng mga bisitang aliw na aliw sa eksena.

Ang kalabaw, bilang sagisag ng tiyaga at lakas, ay hindi lamang hayop sa kasal na ito — isa itong metapora: handang sumuong, handang humila, handang magtaguyod.

For better or for wetter

Ang mga kasalang ito — sa ulan, sa baha, sa kalabaw — ay patunay na sa Pilipinas, ang “for better or for worse” ay hindi lamang panata kundi pamumuhay. Hindi ito drama, kundi realidad.

Sa bawat basang laylayan, sa bawat tsinelas na sumadsad sa putik, sa bawat kalabaw na humila sa kariton, naroon ang pag-ibig na hindi sumusuko dahil hindi lahat ng pagmamahalan ay nangyayari sa sikat ng araw. Minsan, sa gitna ng unos, mas lumilitaw ang tunay at wagas na pag-ibig

Sa gitna ng baha, may basbas

Sa bansang palaging binibisita ng bagyo, sanay na tayong lumusong, umalalay at magpatuloy. At sa araw ng kasal — na para sa maraming Pilipino ay pinakabanal sa buhay, ang ulan ay hindi kontrabida, kundi kasamang saksi.

Ito ang sabi ng puso: Tuloy ang kasal.

Dahil sa bawat patak ng ulan, may dasal. Sa bawat baha, may basbas. Sa bawat putik, may pag-ibig na hindi madudungisan.

At kung sakaling dumating pa ang mas mabibigat na unos sa buhay — handa silang sumakay sa kalabaw, lumusong sa baha, o maglakad nang nakapaa… basta’t magkasama.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...