
Sa halip na tuldukan ang kakayanan ng mga nakatatanda, ibinabalik ngayon ng Cebu Province at Cebu City ang mga senior citizens sa sentro ng lipunan – hindi para alagaan, ngunit muling maging bahagi sa mundo ng manggagawa.
Sa kolaborasyon ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), Department of Tourism (DOT), Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), at mga lokal na pamahalaan, inilunsad nila ang inisyatibong pagbibigay-oportunidad sa mga matatandang may tamang kaliksihan pa at kagustuhan na muling makapagtrabaho.
“Able and capable, and third, willing,” saad ni Dr. Mary Jean Loreche, Chairperson at CEO ng NCSC ukol sa tatlong simpleng kwalipikasyon na bumubuo sa puso ng programa.
Oportunidad sa Turismo para kina Lolo at Lola
Sa pagbubukas ng NCSC Central Visayas Office noong Agosto 1, nangako si Cebu Governor Pamela Baricuatro na kukuha ng mga matatandang empleyado sa Kapitolyo at sa bagong satellite office sa Balamban.
Ibinahagi naman ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang plano niyang magsulong nga ordinansang mag-oobliga sa mga institusyon sa lungsod na magtalaga ng isa hanggang tatlong porsyento ng kanilang workforce para sa mga senior citizen, basta sila ay physically able and willing.
“We are waiting for meetings here in Central Visayas in hotels and resorts associations, the business sectors, and we want to develop that kind of relationship here,” ani Loreche tungkol sa planong pagsasanay ng mga lolo at lola bilang mga tour guides.
Bukod sa pensyon, pasyon nila’y bibigyang-halaga
Bukod sa oportunidad sa trabaho ang hatid ng programang ito, may retraining at retooling ring alok ang TESDA sa mga industriyang hindi mabigat sa katawan gaya ng turismo, housekeeping, food preservation, at digital literacy.
“Some retirees have a second passion… So we want to give them importance there,” dagdag ni Loreche.
Tinutukan din ng NCSC ang pakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE) para mapag-usapan kung maaaring tumanggap ng parehong benepisyo ang mga matatandang manggagawa tulad ng mga regular employees.
Plano rin ang pag-uusap sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang makapagbigay ng tax incentives sa mga kompanyang kukuha ng senior workers.
Bagama’t may limitasyon sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) benefits dahil sa edad, layunin ng programa na mabawasan ang pagdepende sa anak o kapwa at muling bigyan ng pagkakataon ang mga matatanda na kumita ng marangal.
“Retired teachers, for example, still have so much to offer,” saad ni Tabo-Tabo, na sinabing puwedeng bigyan ng tatlong oras kada araw na work schedule ang mga matatanda, depende sa kakayanan nila.
Pagtanda, hindi katapusan ngunit panibagong simula
Para kay Dr. Loreche, higit sa kabuhayan ang iniaalok ng programa, ito ay tungkol sa dignidad, mental well-being, at pagbabalik ng pakiramdam ng pagiging bahagi ng lipunan.
“You know, when an elderly person retires, he feels like he has no use in the world. So that feeling of isolation and the absence of belongingness… weighs heavy on a senior citizen. Given them a purpose. Give them value. And this actually will become a model for the young generations as well,” ani Dr. Loreche.
Kung kaya, hindi lamang sa pagiging pensyonado ang solusyon sa pagretiro ng mga katandaan sa Cebu, kundi ang pagbibigay ng bagong direksyon at oportunidad bilang bahagi ng lipunan.