
Nabigo ang Alas Pilipinas Women na masungkit ang tansong medalya matapos yumuko sa Indonesia sa battle for bronze, 28-26, 13-25, 30-28, 28-26, noong Disyembre 15 sa Indoor Stadium Huamark sa Thailand.
Pinangunahan ni Megawati Hangestri Pertiwi ang opensa ng Indonesia matapos bumandera ng 26 puntos upang tuluyang pahirapan ang Alas sa laban para sa ikatlong puwesto.
Hindi napigilan ang emosyon sa kampo ng Alas matapos ang pagkatalo, kung saan inamin ni team captain Jia Morado-De Guzman na ibinigay ng koponan ang lahat upang makapasok sa podium ng SEA Games.
“Ganito kami ngayon kasi binuhos talaga namin lahat ng maibubuhos namin. Sabi namin, manalo man o matalo, basta lahat maiwan namin sa court,” ani Morado-De Guzman sa panayam ng One Sports.
Umasim ang simula ng Alas sa unang set matapos makuha ng Indonesia ang panalong puntos mula kay Megawati upang agawin ang set, 28-26.
Bumawi ang Alas sa ikalawang set matapos paganahin ang kanilang opensa at ipasok ang mga key players upang dominahin ang Indonesia, 25-13.
Muling nadiskaril ang Alas sa ikatlong set habang bumilis ang tensyon at pinaigting ng Indonesia ang kanilang depensa at opensa sa net, na nagbigay sa kanila ng panalo sa set, 30-28.
Sa huling set, tuluyang inagaw ng Indonesia ang momentum sa sunod-sunod na power attacks upang selyuhan ang panalo, 26-24.
Matatandaang muling nagtapos sa ikaapat na puwesto ang Alas Pilipinas, matapos ding mabigo kontra Indonesia sa nakaraang edisyon ng SEA Games.