
Habang papalapit na ang kapaskuhan, kaniya-kaniyang parinig na ang mga inaanak sa kanilang ninong at ninang, samantalang ang mga tito’t tita ay handa na ang aguinaldong matagal nang naitabi para sa kanilang mga pamangkin. Ito ang diwa ng pasko sa Pilipinas—mapagbigay, makulay, at umaapaw sa pagmamahal.
Ngunit higit pa sa ugali ng mga Pilipino na maging mapagbigay sa pasko man o ordinaryong araw, may siyensiyang nagpapaliwanag kung bakit nagdudulot ng saya ang pagbibigay, at kung paano nakaaapekto sa pakiramdam at koneksyon ng tao sa iba.
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ang paggawa ng kabutihang-loob ay nakatutulong sa utak ng tao upang maglabas ng hormones o mga espesyal na kemikal na nagpapadala ng mensahe para kontrolin ang iba’t ibang gawain ng katawan at damdamin, dahilan kung bakit masarap sa pakiramdam ang makagawa ng mabuti.
Nakasaad sa detalyadong ulat ni Summer Allen ng Greater Good Science Center ng University of California, Berkeley na ang generosity o ang pagiging mapagbigay ay kabilang sa mga kilos ng tao na binibigyang-halaga ang kapakanan ng iba.
Dagdag pa niya, ito ay hindi lamang bunga ng personal na karanasan, kundi nakaugat din sa biology o haynayan at sa sa ebolusyon ng tao. Sa madaling sabi, likas sa tao ang tumulong at magbahagi.
Ang maka-agham na paliwanag dito ay nakasentro sa hormones na oxytocin at dopamine, na nagpapalakas ng pakikipagkapwa at nagbibigay ng ligayang dulot ng pagbabahagi.
Nakamarka na sa puso ng mga Pilipino ang pagbibigayan dahil hinubog ito ng kultura sa mahabang panahon, ngunit marahil ay dahilan din ang mga hormone na ito kung bakit patuloy na nagbibigayan ang mga tao sa kahit anong oras o pagkakataon.
Sa likod ng kabutihang-loob
Sa pag-aaral nina Paul J. Zak, direktor ng Center for Neuroeconomics Studies sa Claremont Graduate University, napag-alaman nilang may mahalagang papel ang oxytocin sa paghubog ng pagiging mapagbigay at pakikisalamuha ng tao, na iniuugnay sa Golden Rule.
Ibig sabihin, may mga prosesong nagaganap sa utak na likas na nagtutulak sa tao na magpakita ng malasakit at kabutihan sa pakikitungo sa iba.
Natuklasan ng grupo ni Zak na ang utak ay gumagawa ng oxytocin kapag nagtitiwala ang isang tao sa iba, at ito rin ang nagtutulak sa tao na suklian ang kabutihan. Kahit sa mga taong hindi nila kilala ay maaaring magpadala ang oxytocin ng senyales na mapagkakatiwalaan ang isang tao.
Ang oxytocin ay kilala rin bilang ‘love hormone’ na ginagawa ng katawan, partikular na ng hypothalamus, na siyang tumutulong sa tao na makaramdam ng tiwala, malasakit, at koneksyon sa kapwa.
Batay naman sa pananaliksik ng psychologist na si Pei-Ying Lin at ng kaniyang mga kasamahan, ang mga kalahok na nabigyan ng oxytocin bago panoorin ang ilang public service announcements (PSAs) ay mas marami ang donasyong ibinigay. Dahil ito sa epekto ng oxytocin sa utak na mas nagparamdam sa kanila ng malasakit sa mga tao na kanilang napanood.
Hindi lamang oxytocin ang inilalabas na hormone ng pagiging mabuti, kabilang din dito ang dopamine—isang uri ng hormone na kilala sa tawag na ‘reward chemical’ o ang nagdudulot ng pakiramdam ng gantimpala tuwing nakagagawa ng mabuti.
Bagama’t tiyak na may gampanin ang oxytocin at dopamine sa pagiging mapagbigay, karamihan sa mga ebidensya sa pag-aaral ay nanggaling sa kontroladong eksperimento. Sa tunay na buhay ay higit pa sa hormones na ito ang nakaaapekto sa pagiging mapagbigay.
Kabilang sa mga salik na dahilan ng may kabutihang-loob ang personalidad, kultura, at pamumuhay na kanilang kinabibilangan. Kaya naman, hindi pa tiyak kung paano nagkakaugnay ang oxytocin-based at dopamine-based systems sa lahat ng sitwasyon.
Diwa ng pusong Pilipino
Ang Pilipinong may malasakit ay hindi nag-aatubiling tumulong o magbigay sa abot ng kanilang makakaya. Kilala sila sa kanilang di-matatawarang bayanihan sa oras ng sakuna o sa bukal sa puso na pagbibigayan sa mga espesyal na okasyon.
Sa mga kaganapang ito ay makikita ang natural na paggana ng oxytocin at dopamine sa utak na siyang nagpapalabas ng mga ugaling likas sa kulturang Pilipino.
Sa panahon ng kalamidad, ang pagbibigay-tulong sa kapwa ay pinapalakas ng oxytocin sa utak, na nagdudulot ng pakiramdam ng koneksyon, habang ang dopamine naman ang nagpaparamdam ng kasiyahan tuwing isinasagawa ang kabutihang-loob, kaya mas natural para sa tao ang magtulungan.
Gayundin tuwing kapaskuhan ay tradisyon na ang pagbibigay ng mga regalo sa pamilya o kaibigan. Kasabay nito, nararamdaman ang koneksyon dahil sa oxytocin na nagpapatibay ng malasakit at dopamine na nagdudulot ng kasiyahan, kaya parehong masaya ang nagbigay at ang nakatanggap.
Sa mga pag-aaral na nakatuon sa mga nasabing hormones, pinapatunayan lamang nito na ang mga kinagisnang kultura sa Pilipinas tulad ng pagiging mapagbigay at umaapaw sa pagmamahal ay hindi lamang pinagtagpi-tagpi ng panahon kundi bahagi rin ng malawak na siyensiya.