
Sa ikalawang pagkakataon, isang panalo na lang ang kailangan ng defending champions na NU Lady Bulldogs para muling angkinin ang titulo ng UAAP Season 88 Women’s Basketball matapos maungusan ang UST Growling Tigresses, 84-79 sa Game 1 ng best-of-three final series nitong Sabado, Disyembre 6 sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang 67-66 pagsalba mula sa free-throw line sa semifinals kontra Ateneo De Manila University, muling namayani para sa kampo ng Jhocson si Angel Surada na pumukol ng 19 puntos, pitong rebounds, tatlong assists, at limang steals, sapat para mailapit ang Bulldogs sa ika siyam na overall UAAP title.
Mas pinatalim naman ni head coach DA Olan ang estratehiya ng Jhocson-based squad matapos maipaghiganti ng kanyang kampo ang nakaraang kabiguan sa elimination round at ipatikim sa Growling Tigresses ang natatanging kabiguan sa naturang season.
“During the elimination round, we lost to them. We’re happy to finally win against them one at a time here in the finals. In our first two meetings, masyado kaming naging conservative,” ani ni Olan.
Muntik masayang ang itinayong 45-37 abante ng Bulldogs sa third frame matapos humarurot ng 16-2 run ang Growling Tigresses para sunggaban ang kalamangan sa kamay ni Season 85 MVP na si Eka Soriano, swak para irehistro ang pinakamalaking bentahe ng UST, 47-53.
Sa fourth period, pumukol ng dalawang sunod na tres si Marga Villanueva para burahin ang 67-70 abante ng Tigresses at agawin ang manibela para sa Lady Bulldogs sa huling apat na minuto, 73-70.
Naidikit pa ng mga taga España sa 79-78 ang dikdikang laban matapos banderahan nina Kent Pastrana at Oma Onianwa ang nalalabing 1:30 minuto.
Subalit tuluyang napaamo ng Bulldogs ang Tigresses nang magtulong sina Surdano, Aloha Betanio, at Tin Cayabyab para tuldukan sa 5-1 run ang labanan.
Kumamada ng game-high na 20 puntos, limang rebounds at dalawang assist mula sa 8-of-13 shooting si Soriano subalit hindi sumapat para mas patalasin ang pangil ng Tigresses sa reigning champs na Lady Bulldogs.
Nagdagdag din ng 15 at 14 puntos sina Pastrana at Karylle Sierba ayon sa pagkakasunod habang kumonekta ng kabuuang 21 puntos sina Onianwa at Brigette Santos.