500 sa Pasko, insulto sa Pilipino!

Tuwing Disyembre, pikit-matang tinatanggap ng maraming Pilipino ang napipitang badyet para sa Pasko. Hindi na mantel ng kasiyahan at paggunita ang nasa hapag, kundi mantel ng kahirapan at pagtitiis. Laging bitin ang handaan kung 500 pesos lang ang tanging sandigan. Sa pahayag ng DTI na kakasya ang halagang ito para sa isang handaan, lalo lamang lumilitaw ang agwat sa opisyal na pagtaya at sa totoong karanasan ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa kulturang Pilipino, ang Noche Buena ay higit pa sa isang simpleng hapunan. Ito ay ritwal ng pagkakaisa at pag-ibig, at madalas nag-iisang araw sa bawat taon para sa espesyal na salu-salo ng pamilya. Kahit simpleng spaghetti, hamon, o fruit salad, may bigat ito ng tradisyon at alaala. Kaya hindi nakapagtataka na tinutulan ng marami ang ideyang 500 pesos ay sapat, hindi dahil sa hiling ng karangyaan, kundi sa hangarin na maging marangal at makabuluhan ang pagdiriwang ng sariling pamilya.

Sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya sa Pilipinas, maraming pamilya ang nahaharap sa mababang pasahod at tumataas na presyo ng bilihin—isang kumbinasyon na nagpapabigat sa pang-araw-araw na pamumuhay. Maraming manggagawa ang tumatanggap ng suweldo na hindi sapat para sa araw-araw at kapag dumating pa ang gastos sa Noche Buena, mismo ang pangunahing pangangailangan para sa pagkain at kuryente ay madalas na nauuna kaysa sa pagdiriwang. Idagdag pa ang inflation kung saan habang tumataas ang demand at gastos sa produksyon, ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay patuloy na tumataas. Ito ay isang realidad na hindi kinikilala ng simpleng pahayag na sapat na ang 500 pesos panghandaan.

Marami ring pamilyang Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line at sapat lang ang kita, kaya sa bawat pisong ginagastos sa pagkain, kuryente, pamasahe, o edukasyon ay tunay na mabigat sa badyet. Sa ganitong kalagayan, ang pagtaya na 500 pesos ay “sapat” ay tila hindi kumikilala sa tunay na kahirapan ng masa. Ang Noche Buena, na dapat simbolo ng pagmamahalan at pag-asa, ay nagiging sandaling puno ng pangamba at pagtitipid. Ang pamantayan ng marangal na pagdiriwang ay hindi dapat ibatay sa numero, kundi sa totoong pangangailangan at kondisyon ng pamilyang Pilipino.

Sa totoong presyo sa pamilihan, malinaw kung bakit duda ang karamihan. Ang 1/4 kilo ng hamon ay umaabot na sa halos 425 pesos, at ang mga pangunahing sangkap tulad ng keso, pasta, sauce, gatas, mantika, at sibuyas ay patuloy na nagtataas-presyo. Sa gitna ng inflation at mababang sahod, ang 500 pesos ay agad na mauubos lalo na kung higit sa dalawang tao ang kakain. Higit pa rito, hindi pa kasama sa “budget guide” ang bigas, LPG, at kuryente na kailangan sa kahit anong lutong handa, pero hindi maaaring hindi gastusan.

Hindi rin makatwiran ang pahayag na sapat na ang 500–700 pesos para sa maliit na pamilya. Ang ganitong paninindigan ay tila pagpapaalala na dapat tanggapin ng mga Pilipino ang bare minimum na pagsasalo, kahit na ang mismong pagdiriwang ay nangangailangan ng dignidad at hindi pagtitiis. Hindi luho ang Noche Buena. Hindi rin ito eksenang dapat pagtipiran hanggang magmukhang obligasyon na lamang. Ito ay kultura, tradisyon, at bahagi ng pagkakakilanlan ng bansa. Ang pagtakda ng napakababang pamantayan para rito ay tila paglimot sa tunay na diwa ng Pasko.

Marami ang nagsabing nakasasakit at nakakababa ng dignidad ang tawaging “simpleng Noche Buena” ang handang pinilit pagkasyahin sa napakaliit na halaga—lalo na’t ang Pasko ay isa sa pinakamahalagang tradisyon ng pamilyang Pilipino. Sa iba’t ibang social platforms, may mga naghamon pa na subukan mismo ng mga opisyal na mamili at maghanda gamit ang halagang 500 pesos upang makita nila ang tunay na bigat ng sitwasyon. Para sa karamihan, ang ganitong mungkahi ay hindi lamang kulang kundi nagpapakita ng paglayo ng pamahalaan sa realidad ng mga mamamayan.

Sa ganitong kalagayan, may responsibilidad ang mga institusyon ng pamahalaan na magpakita ng empatiya at makatotohanang pagtingin sa kalagayan ng mga mamamayan. Hindi sapat ang paglalabas ng “listahan ng murang bilihin” kung hindi nito isinasama ang kasalukuyang reyalidad ng kahirapan, mababang pasahod, at pagtaas ng presyo. Walang silbi ang mga gabay kung ito mismo ay hindi tugma sa tunay na kalooban at kakayahan ng karaniwang Pilipino.

Hindi kailanman magiging simbolo ng pagkamalikhain ang pamilya na tanging sandigan ay 500 pesos para magpasko—ito ay kakapusang matagal nang pasan ng maraming Pilipino. Hindi dapat maging normal ang Paskong idinidikta ng kakarampot na badyet, lalo na’t ang diwa nito ay pag-asa, hindi pagtitiis. Ang tunay na pagdiriwang ay hindi nakalatag sa manipis na perang papel, kundi sa dignidad at katarungang dapat maramdaman ng bawat pamilya. Hangga’t ang Noche Buena ay idinidikit sa halagang hindi tumutugma sa realidad, mananatili ang pagkabitin sa saya at sama-sama ngayong paparting na kapaskuhan. 

7 Votes: 5 Upvotes, 2 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...