Liwanag sa liwasan ng alaala

#CartoonOnPoint by Tori

Higit pa sa taunang pagdiriwang ang Undas. Ito ay isang mapagmalasakit at banal na pagpaparangal sa gunita ng minamahal na yumao. Sa diwa nito, bitbit ang bulaklak, kandila, dasal, at alay, pinapatunayang malalim na nakaugat sa puso ang alaala ng naging buhay at sakripisyo.

Sa ganitong pagpapahalaga, hindi lamang tahimik na saksing-bato o memorial site ang mga puntod, moseleyo, at kolumbaryo, kundi isang mapayapang liwasan kung saan nabibigyang-anyo ang ating pag-ibig, panalangin, at memorya. Sa bawat sindi ng kandila at alay na bulaklak, naipapahayag ang walang hanggang dangal na siyang nagiging sandigang pantulong sa paghilom at personal na paglago. Nagtitipon-tipon ang mag-anak upang magsalaysay ng mga kuwento at karanasan kasama ang namayapa, na pumapawi sa naging pagtangis at nagpapatibay ng pag-asa sa isa’t isa.

Dulot nito, napakalaking bagay ng mga pampublikong sementeryo para sa mga pamilyang walang pinansiyal na kakayanang ipagkaloob ang pribadong pahingahan. ​​At sa tulong ng mga tagapangalaga nito, ay ang lumilikha ng isang mapayapa at marangal na espasyo para sa mga pamilyang naggugunita. Ang kandilang noo’y nagpapaliwanag sa hapag ay alay na rin para sa minamahal.

Bagama’t ang pagpapanatili ng sementeryo ay mahalaga para sa kaayusan, kalusugan, at paggalang, nakalulungkot na madalas ay kitang-kita ang kakulangan sa pangangalaga ng ating mga pampublikong sementeryo. Sa Pilipinas, ang pamamahala sa mga sementeryo ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Local Government Units (LGUs) , na responsable sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo at pasilidad. Ngunit ang sektor na ito ay madalas na isinasantabi o minamarhinalisa pabor sa mas agarang mga prayoridad katulad ng food insecurity, krisis sa edukasyon, kakulangan ng trabaho, alitan sa teritoryo at iba pa.

Nakalimutang Dangal

Ang kawalan ng sapat na pangangasiwa ay nagdudulot ng seryosong problema para sa mga nagdadalamhati at sa mga naninirahan. Na siya nagbubukas din sa problema ng kasalatan ng affordable housing para sa mga mamamayang napipilitang maging mga informal settler sa pampublikong sementeryo katulad ng Manila North Cemetery, isang 54-ektaryang pampublikong libingan na tinatayang umaabot sa 6,000 pamilya ang naninirahan doon, kasama ang higit isang milyong yumao.

Isa sa mga pinakadamang problema para sa dumadalaw ay ang pahirapang paghahanap ng puntod ng kanilang mahal sa buhay, dahil sa magulong plaka o tomb markers at sira-sirang daanan. Ang palibot at pundasyon ng puntod ay madalas na marumi at nalulusaw sa panahon. Bukod dito ay ang kakulangan sa sistematikong pamamahalang nababahiran ng mga uri ng korapsyon tulad ng talamak na padrino system. Mayroon ding mga reklamo at isyu tungkol sa karapatan sa lote (lot tenancy). Halimbawa, sa Baguio, may mga kamag-anak na bumibisita at nakakakita na ang puntod ng kanilang mahal sa buhay ay inokupa o natabunan na ng ibang libingan, kahit pa mayroong 5-taong tenancy period na itinakda sa Waiver and Agreement. May mga ulat din sa Panabo City hinggil sa iligal na paghuhukay ng bangkay (illegal exhumation) nang walang pahintulot, na nagiging dahilan upang hindi na mahanap ng mga kamag-anak ang mga puntod. 

Pinaka peligroso sa lahat ang banta sa kalusugan at kaligtasan. May mga kaso kung saan nakita ang paglabag sa sanitation at building codes, tulad ng sa Mandaue City. Ang mga tagapangalaga ng libingan (cemetery caretakers) na kabilang sa impormal na sektor ay humaharap din sa kakulangan ng pagsasanay at kagamitan para sa ligtas at malinis na paghukay (exhumation), na nagpapataas ng panganib na makakuha ng nakakahawang sakit.

Ang Kalunos-lunos na Kuwento ng Nabubuhay sa Libingan

Sa likod ng mga puntod, may mas matingkad na kuwento ng kawalan ng marangal na tirahan. Ang matinding kahirapan at kakulangan sa pabahay ang nagtutulak sa mga Pilipino na manirahan sa loob mismo ng mga sementeryo.

Ang mga informal settlers na ito ay nagtatatag ng pansamantalang tirahan sa ibabaw ng mga puntod at mausoleums. Ang ilan ay kumikita sa pamamagitan ng pagtitinda ng meryenda o paglilinis at pag-aalaga ng mga puntod, na kumikita ng hanggang ₱1,700 sa bawat puntod tuwing Undas.

Puno ng pangamba at stigma ang ganitong pamumuhay. Ang sementeryo ay para sa patay at hindi para sa nabubuhay, at ang mga caretakers ay kinakailangan lamang para panatilihin ang mga mausoleums. Ang mga naninirahan ay kadalasang nabibiktima ng banta ng demolisyon na nangyayari, hindi bababa sa, minsan sa isang taon. Ang kawalan ng pormal na pagkilala at pormal na serbisyo (tulad ng informal na kuryente at tubig) ay maaaring ituring na isang sadyang subtle forms of neglect o kawalang-bahala ng lungsod, na layuning itaboy sila paalis. Ang mga batang naninirahan ay nakararanas din ng pambu-bully dahil sa kanilang tirahan ngunit hindi naman nila pinili ang manirahan doon. Hindi nila kontrolado ang asymmetric power relations  at alokasyon ng resources ng gobyerno. Nararapat lamang na ang lahat ay nangangarap ng marangal na bahay at buhay.

Panawagan para sa buhay at alaala

Dalawang magkasalungat na katotohanan ang mababatid sa kada Undas: ng matimyas na paggunita at ang matinding spatial inequality na dinaranas ng mga maralita.

Kung kaya, panahon din ito ng panawagan. Tungkulin ng pamahalaan na hindi lamang magpalabas ng mga alituntunin at regulasyon kundi tiyakin na ang bawat “liwasan ng alaala” ay may paggalang at patlang para sa liwanag. Kailangan ang malinaw na talaan, tamang management, at pananagutan.

Bigyan-diin din sana ang mga problemang kinakaharap ng mga tagapangalaga ng libingan at siguruhin ang sapat na pondo at programa. Higit sa lahat, aksyunan na sana ang inaasam-asam na pabahay at kabuhayan sa mga pamilya. Sa halip na takutin ng demolisyon ang mga walang tahanan, dapat magsilbing panata ang diwa ng Undas upang gawing dignidad at pag-asa ang bawat liwasan ng ala-ala para sa lahat, mayaman man o mahirap

5 Votes: 4 Upvotes, 1 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...