
Neil Clarence Lagat
Bilang isang bansang tropikal, nararanasan ng Pilipinas ang tag-ulan sa halos kalahati ng taon. Mula Hunyo hanggang Nobyembre, kasabay ng hanging habagat at pagpasok ng mga bagyo, nakararanas ang bansa ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at iba pang hazard na may kaakibat na panganib sa buhay at kabuhayan.
Batay sa datos ng PAGASA, humigit-kumulang 20 tropical cyclones ang pumapasok o nabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bawat taon. Dahil sa lokasyon at heograpiya nito, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang higit na lantad sa mga panganib na dulot ng matitinding lagay ng panahon.
Ngunit higit pa sa isang penomenong pangkalikasan ang tag-ulan. Isa rin itong salamin ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Pareho ang ulan na bumabagsak sa lahat. Ngunit sa isang bansang malalim ang agwat sa oportunidad at seguridad, hindi kailanman naging pareho ang kahulugan ng bawat patak.
Kung ang tag-ulan ay ginhawa
May mga taong inaabangan ang pagdating ng tag-ulan.
Kapag nagsimula nang bumuhos ang ulan, nagiging paanyaya ito upang magtimpla ng mainit na kape, magbalot sa kumot, manood ng pelikula, o simpleng namnamin ang malamig na simoy ng hangin mula sa bintana. Sa social media, madalas itong inilalarawan bilang cozy weather o cuddle weather.
Ngunit ang kakayahang mahalin ang ulan ay kadalasang nakaugat sa seguridad.
May matibay silang tahanang hindi agad pinapasok ng baha o tinatagos ng ulan. Lumitaw sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority na 60.4% ng mga tinitirhang bahay sa bansa ang may outer walls na gawa sa concrete, brick, o stone, at 85% ang may matitibay na bubong na galvanized iron o aluminum.
May ilan ding may pribadong sasakyan na nagbibigay ng proteksiyon laban sa baha at matinding trapiko. Sa tala ng Land Transportation Office na na-report ng PSA, mahigit 14.5 milyon ang rehistradong motor vehicles sa bansa, kaya nananatiling umaasa ang malaking bahagi ng populasyon sa pampublikong transportasyon tulad ng jeep, bus, at tren, na kadalasang naaantala o tuluyang humihinto tuwing may malakas na ulan.
Para naman sa ilang manggagawa, hindi hadlang ang tag-ulan sa kabuhayan. Sa ilalim ng Republic Act No. 11165, o ang Telecommuting Act, pinapayagan na ngayon ng batas ang mga kumpanya na mag-alok ng work-from-home o hybrid na setup sa kanilang mga empleyado.
Ipinakita naman sa 2021/2022 survey ng Philippine Statistics Authority na humigit-kumulang 300,088 manggagawa sa mga establisimyentong may 20 o higit pang empleyado ang nasa ilalim ng alternative work arrangements, kung saan ang telecommuting o work-from-home ang pinaka-karaniwang uri (70.7%). Para sa mga empleyadong ito, hindi kinakailangang tumigil ang kita kahit malakas ang ulan sa labas.
Sa ganitong kalagayan, ang ulan ay nagiging panahon ng pahinga, hindi ng pangamba.
Kung ang tag-ulan ay pangamba
Ngunit hindi lahat ay may pribilehiyong mahalin ang ulan.
Para sa milyon-milyong Pilipino, ang unang patak ng ulan ay babala upang maghanda. Habang ang iba ay nagkakape sa loob ng komportableng tahanan, may mga pamilyang nagmamadaling magsalansan at magtaas ng kanilang mga gamit, o lumikas sa takot na pasukin ng baha ang kanilang bahay.
Pinakamatinding nararanasan ito ng mga pamilyang naninirahan sa mga informal settlements at mga komunidad na nasa tabing-ilog, estero, at iba pang flood-prone areas.
Marami sa kanilang tahanan ay yari sa magagaan at pansamantalang materyales, dahilan upang maging mas bulnerable sa malalakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa. Batay sa UN-Habitat Philippines Country Report na sinipi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), may tinatayang 3.7 milyong informal settler families, kasabay ng 6.5 milyong housing backlog sa bansa.
Ngunit hindi lamang tahanan ang nalalagay sa panganib.
Para sa mga magsasaka, ang ilang buwang pag-aararo, pagtatanim, at pag-aalaga ng pananim ay maaaring mabura sa loob lamang ng ilang oras dahil sa pagbaha at malalakas na hangin.
Sa isang pag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas gamit ang datos mula 2011 hanggang 2020, tinatayang ₱295 bilyon ang kabuuang pinsala ng mga kalamidad sa sektor ng agrikultura sa loob ng isang dekada. Halos 88% nito ay dulot ng mga bagyo, katumbas ng humigit-kumulang ₱26 bilyon kada taon.
Ang mga pagkaluging ito ay kabuhayang nawala at kawalang-katiyakang haharapin pa ng libo-libong pamilyang umaasa sa agrikultura.
Kung sa lupa nawawala ang ani, sa dagat naman nawawala ang pagkakataong kumita.
Kapag nagbabala ang PAGASA at Philippine Coast Guard laban sa paglalayag dahil sa masungit na panahon, wala silang magagawa kundi manatili sa pampang. Walang laot ang katumbas ng walang kita.
Noong Nobyembre 2025, halimbawa, sa ulat ng UN OCHA, umabot sa 84,375 magsasaka at mangingisda ang direktang naapektuhan nina Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino, na may pinagsamang pinsalang humigit-kumulang ₱4.14 bilyon.
Hindi rin ligtas sa epekto ng ulan ang mga manggagawang ang sahod ay nakabatay sa bawat araw na kanilang pinapasukan. Kabilang dito ang mga construction worker, ambulant vendor, delivery rider, at iba pang nasa impormal na sektor.
Itinala naman na halos dalawang-katlo (2/3) ng mga empleyadong manggagawa ay nasa impormal na sektor, kung saan kulang o walang social at labor protection. Kapag tumigil ang trabaho dahil sa ulan, tumitigil din ang kita.
Hindi rin ligtas sa epekto nito ang edukasyon. Noong Nobyembre 2025, halos 8 milyong mag-aaral sa 18,004 pampublikong paaralan ang naapektuhan ng suspensyon ng in-person classes dahil sa Bagyong Verbena, isa lamang sa maraming pagkakataon kada taon.
Sa datos naman ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), taun-taon umaabot sa ₱17.98 bilyon ang nawawala sa sektor ng edukasyon dahil sa mataas na exposure ng bansa sa sakuna.
Iisa lamang ang pinatutunayan ng mga kuwentong ito: hindi pare-pareho ang epekto ng ulan. Para sa ilan, ito ay panahon ng pahinga. Para sa iba, ito ay panahon ng pag-aalala.
Ang iisang ulang nagbibigay ng lamig at ginhawa sa ilan ay siya ring nagbabanta sa tahanan, kabuhayan, edukasyon, at maging sa buhay ng iba.
Ang puwang sa pagitan
Hindi masamang mahalin ang tag-ulan.
Walang mali sa paghahanap ng ginhawa sa malamig na panahon o sa pag-asang makapagpahinga kapag bumuhos ang ulan. Ngunit mahalagang kilalanin na ang kakayahang tingnan ito bilang panahon ng pahinga ay isang pribilehiyong hindi pantay na nararanasan.
Habang ang ilan ay naghihintay sa ulan bilang sandali ng pamamahinga, ang iba naman ay naghahanda sa maaaring mawala—tahanan, kabuhayan, at kapanatagan.
At marahil, iyon ang pinakamahalagang paalala ng tag-ulan. Hindi ang panahon ang lumilikha ng agwat. Sa halip, inilalantad lamang nito ang matagal nang masalimuot na problema sa hindi pagkakapantay-pantay sa pagkakataon, seguridad, at kakayahang makabangon.
Sapagkat bagama’t iisa ang ulang bumabagsak sa lahat, hindi pareho ang bigat ng bawat patak.