
Carl Kristofe Malinao
Pinalawak ng Department of Education (DepEd) ang access sa pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa kasabay ng patuloy na pagtugon sa iba’t ibang suliraning pangkalusugan na nakaaapekto sa mga mag-aaral at guro.
Isinagawa ang nationwide health drive noong Setyembre 14 sa 91 pampublikong paaralan bilang bahagi ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat service caravan.
Target nitong mapaglingkuran ang humigit-kumulang 47,600 benepisyaryo, kabilang ang 22,000 guro, 18,700 mag-aaral, 6,000 magulang at tagapangalaga, at 900 non-teaching personnel.
Ang pagpapalakas ng school-based healthcare ay isinagawa sa gitna ng iba’t ibang health concerns na dati nang tinutugunan ng DepEd, kabilang ang mga kaso ng influenza-like illnesses, dengue, mental health concerns, at iba pang kondisyong maaaring makaapekto sa kalagayan at pagkatuto ng mga mag-aaral.
Noong Marso 2025, iniulat din ng DepEd ang dengue outbreak na nakaapekto sa mga mag-aaral at guro sa ilang bahagi ng Luzon, kung saan 124 na kaso ang naitala sa mga learners mula sa National Capital Region, Central Luzon, CALABARZON, at Cordillera Administrative Region.
Sa ilalim ng bagong health drive, nakipagtulungan ang DepEd sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang gawing primary healthcare hubs ang 91 pampublikong paaralan sa 85 lungsod at lalawigan.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng school-based Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) upang mailapit ang primary healthcare services sa school community, kabilang ang mga lugar na malayo sa mga regular na pasilidad pangkalusugan.
Kabilang sa mga serbisyong inialok ang on-site registration para sa bagong PhilHealth members, pag-iisyu ng PhilHealth ID at Member Data Record (MDR), at pagpaparehistro sa itinalagang YAKAP primary care clinic.
Nagkaloob din ang mga participating school ng paunang medical consultation, preventive health registration, at pamamahagi ng mga pangunahing gamot sa ilalim ng GAMOT program.
Nakilahok din ang DepEd sa Handog ng Pangulo health drive sa Kalinga Sports Center kasama ang Department of Health (DOH), Philippine Statistics Authority (PSA), at PhilHealth.
Isinagawa ang school-based caravan kasabay ng nationwide wellness break para sa mga guro at mag-aaral upang maihatid ang serbisyong pangkalusugan nang hindi naaantala ang regular na klase.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang pakikipagtulungan sa PhilHealth at iba pang ahensya upang matiyak na may access sa libre at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan ang mga guro, mag-aaral, at kanilang pamilya.
Binigyang-diin din ni Angara na ang malusog na school community ay mahalaga sa pagkatuto, dahil ang pangangalaga sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral ay nakatutulong sa mas produktibo at masiglang learning environment.