
Ang wikang Filipino ay ipinagdiriwang sa taglay nitong yaman, ngunit unti-unti itong pinapatay sa pagsasabuhay ng AI sa diwa nito.
Ang buwan ng Agosto ay para sa wikang Filipino, isang pagdiriwang na ginagawa isang beses sa isang taon ng mga Pilipino. Simula nang ideklara ni dating Pangulong Manuel Quezon na ang pambansang wika ay Filipino, hindi Ingles o anumang mala-kolonyal na wika na idinala ng mga dayuhan sa ating lupain. Ang mga pagdiriwang ay puno ng buhay at likha sa bawat proyektong ipinapasa ng sektor para sa pambansang pagdiriwang.
Sa kabila ng malikhain at makulay na selebrasyon bawat taon, naging kuwestiyonable ang tema ng pagdiriwang sa Buwan ng Wika. Sadyang nakakapagpabagabag at kakaiba na pinangalanang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman na Impormasyon” ang tema para sa Buwan ng Wika 2026 ng Deped. Kung titingnan sa mababaw na pagtingin, hindi naman mali, ngunit kung babasahin ang mga memorandum, sadyang mapanira ito sa kapasidad ng isang estudyante na magsaliksik at lumikha.
Hindi makatarungan ang paggamit ng AI at pagpo-promote nito dahil may mga education-related issues na nagdurugtong rito. Isa sa mga isyu ay ang pagkawala ng critical thinking sa karamihan sa mga estudyante. Ayon sa EDCOM, ang Pilipinas ay pang-anim sa huli sa larangan ng sipnayan at pagbabasa ng literatura sa ginanap na PISA 2022. Hindi na nakapagtataka ang numero dahil nilamon na ng AI ang sistema ng edukasyon sa bansa. Naging masyadong progresibo at hindi na nakasabay ang mga mag-aaral rito dahil patuloy ang pagtanggap ng impormasyon at wala na ang pag-unawa rito.
Hindi lamang sa critical thinking nagkatalo-talo ang mga estudyante sa Pilipinas— pati na rin sa larangan ng pagsusuri at saliksik. Ang Buwan ng Wika ay konektado hindi lamang sa literatura, kundi sa pananaliksik. Kung gagamitan ng Artificial Intelligence ang pagdiriwang, lalo na sa paggawa ng mga saliksik—wala na ang diwa ng selebrasyon dahil hindi na mismo ang mga mag-aaral na nagsisikap sa pananaliksik kundi inilahad na ang trabaho para sa AI. Ayon sa ipinasang memorandum, kapansin-pansin ang isang aktibidad na tinatawag na “AI-Saliksik” na naglalayong gamitin ang AI sa pananaliksik at pagkuha ng mga ideya. Kung titingnan, maayos naman ang programa, ngunit ang AI ay isang learning machine at paano matitiyak ang katunayan ng impormasyon mula rito kung ito ay nagkakamali? Ang nais ng Deped ay magkaroon ng mga estudyanteng handa para sa kinabukasan, ngunit ang paghubog sa mga kabataang mag-aaral ay paurong dulot ng pagpo-promote ng mananakop na AI. Hindi nagiging “tech-savvy” ang sangkabataan kung tinutulak lamang ng edukasyon na dumepende sa AI at ibatikos ang kahalagahan ng tunay na kaalaman.
Ang Artificial Intelligence ay nagmula lamang sa tao. Isa itong katotohanan na madalas hindi nakikita dulot ng tulong at ginhawa na naidulot nito sa karamihan. Ang kaalaman ng isang tao ay mas mayaman pa kaysa sa anumang teknolohiya. Kapansin-pansin na rin ang pagyakap ng edukasyon sa AI sa mga pagpapatupad ng mga aktibidad para sa ilang mga pambansang selebrasyon. Mula sa paggamit ng AI sa mga infographics at anunsyo, napunta ito sa pagpapalaganap sa mga programa. Nawawala ang pagiging malikhain at sining sa tunay na paggawa ng mga programa, anunsyo, at iba pa sa larangan ng edukasyon. Lubos na sumandal ang mga Pilipino sa AI sa puntong pati ang pagiging malikhain ay namamatay. Katunayan, umabot sa 46% ang mga Pilipinong mas sumasang-ayon sa AI-generated na gawa kaysa sa taong-gawa noong 2024.
Kung titingnan ang dalang inobasyon ng Artificial Intelligence sa mundo, ito ay prominente at inaasahan sa ilang bagay tulad ng pagma-manage ng mga schedule at tasks sa malalaking kumpanya. Inaasahan din ito sa pagpapadali ng paggawa at trabaho at iba pa. Ginagamit din ito ng mga guro at iba pang propesyonal dahil sa taglay nitong bilis sa pagbibigay ng impormasyon o pag-generate ng mga presentasyon at dokumento. May magsasabi rin na gagamitin lamang ito sa pagsasaliksik, data-gathering, at hindi gagawin ng AI ang kabuuang awtput.
Hindi ito sapat sa pagpatay sa lakas at kaalaman ng tao, lalo na sa sektor ng edukasyon kung saan ang mga nakababatang henerasyon ang hinuhubog. Kawalan ng katarungan at pagpatay sa katalinuhan ang ipinapamalas ng Artificial Intelligence sa larangan ng edukasyon at programang pambansa tulad ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Hindi lamang ang esensya ng pagdiriwang ang nawawala kundi pati na rin ang kapasidad at kakayahan ng mga estudyante. Ang AI ay nangunguha rin ng trabaho ng isang propesyonal gaya ng mga nasa larangan ng midya at pagtuturo. Halintulad ito sa unang AI-sportscaster ng GMA na naging usapin noong 2023.
Sa kabila ng pagpatay ng pantaong kaalaman at pagnanakaw ng trabaho ng ilang propesyonal, ang AI ay unti-unti ring pinapatay ang ating kalikasan. Ang Pilipinas ay mayroong 40+ data centers sa kasalukuyan at plano ring palawakin sa hinaharap. Kung papansinin ang Deped Core Values, ay nakapaloob dito ang pagiging makakalikasan. Ang pagpo-promote ng AI sa mga selebrasyon ay pinsala na rin sa kapaligiran. Napadali nga ang pagsasaliksik at pagkuha ng ideya, ngunit ang kalikasan ay namamatay dahil sa polusyon na dulot nito. Maraming tubig at enerhiya ang kinokonsumo ng mga ito sa isang araw at ang bawat konsumo ay sapat na para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga estudyante at residente.
Ang Buwan ng Wika ay dapat ipagdiriwang na may kasamang kultura at ang mayamang tradisyon ng wikang Filipino. Walang lugar ang AI sa selebrasyon lalo na sa ilang pinsala nito sa kalikasan, edukasyon, at mga propesyonal. Ang tunay na selebrasyon ay ang patuloy na pagpapayaman sa sariling wika at hindi ang pagpatay sa kaalaman ng sangkatauhan.