Kapag kulturang Pilipino ang pag-uusapan, bakit pagkain ang unang naiisip kaysa sa sining at panitikan?

Jhovance Alecxis Dajao

Adobo, lechon, sinigang, halo-halo o bigas—ito ang kadalasang isasagot ng iilan kapag binabanggit ang kulturang Pilipino. Bihira lamang ang panitikan, arkitektura at sining ang unang pumapasok sa isip ng tao. 

Bakit nga ba ang pagkain ay nangingibabaw sa imahe ng kulturang Pilipino? 

Hindi Lang ito Basta Pagkain

Ang pagkain ay isa sa mga pinakamadaling makita at maranasan sa ating kultura. ‘Di gaya ng panitikan at sining ay nangangailangan pa ng oras, pag-aaral at kailangan ng mas malawak na pagkakalantad upang mapahalagahan, ang pagkain ay nararanasan sa pang-araw-araw na buhay anuman ang edad, katayuan, at pinagmulan.

Ayon kay Jean Anthelme Brillat-Savarin, “Tell me what you eat and I will tell you who you are.” Sa kanyang paliwanag, ang pagkain ay isang makapangyarihang simbolo at pagkakakilanlan sa kultura, na binibigyang-diin na ang kinakain ng mga Pilipino ay sumasalamin sa kanila bilang isang komunidad. 

Sa Pilipinas, ang mga pagkain ay magkakaugnay sa mga selebrasyon, pagtitipon, panrelihiyong okasyon, at sa pang-araw-araw na buhay.

Kulturang Nakasentro sa Pagsasalo

Malaki ang pagpapahalaga ng kulturang Pilipino sa aspeto ng pagkakaisa. Ang family reunions, pistahan, pagdiriwang ng kaarawan at ng Pasko ay karaniwang nakasentro sa pagkain.

Higit pa sa nutrisyon ang ugnayang ito. Ayon kay Ariana B. Manalo sa kanyang thesis tungkol sa panitikan sa pagkain noong 2025,  ang pagkaing Pinoy ay nagdadala ng kuwento, alaala, at samahan, na nagtatakda nito bilang isang mahalagang bahagi kung paano pinangangalagaan at ipinapasa ng komunidad ang kultura sa pamamagitan ng mga tradisyon, pagkukwento, at mga sama-samang ibinahagi sa hapagkainan.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting humina ang pag-alala ng mga bahagi ng kasaysayan at panitikan. Ayon kay Fernan Tupas noong 2008, “history forgetting is a structured forgetting”, na nagpapahiwatig na ang paglimot sa kasaysayan ay bunga rin ng mga salik na panlipunan at pang-edukasyon.

Ngunit tatak pa rin sa isip nila ang mga pagkaing inihain sa mga espesyal na okasyon sa kanilang buhay.

Bakit hindi ang sining at panitikan?

Ang Pilipinas ay tahanan ng maraming mahuhusay na manunulat, pintor, artista, musikero na kinikilala sa buong mundo. Mula sa nobela ni José Rizal hanggang sa mga gawa ng mga Pambansang Alagad ng Sining at Panitikan, ang mga ito ay nananatiling mahahalagang haligi ng pambansang pagkakakilanlan.

Gayunpaman, ang mga ganitong kultura ay hindi madalas napapansin sa pang-araw-araw na usapan. Halos lahat ng mga Pilipino ay nakakaharap ang pagkain araw-araw, habang ang pagkakalantad sa panitikan, mga museo, at sining ay limitado. 

Makikita rin ito sa gawi ng mga tao. Ayon sa 2023 National Readership Survey, 42% lamang ng mga Pilipino sa hustong gulang ang nagbabasa ng mga aklat na hindi kinakailangan sa paaralan. 

Bunga nito, ang pagkain ay isang mas direktang simbolo ng kultura, hindi dahil mas mahalaga ito, kundi dahil ito ay mas laganap sa buhay ng mga tao.

Papel ng Kasaysayan

Ang lutuing Pilipino ay sumasalamin din sa kultural na pagbabago. Ipinakilala ng mga Tsino ang mga pagkaing gaya ng pancit, habang nag-iwan naman ang mga Espanyol sa mga putaheng tulad ng adobo at embutido. Samantala, pinalaganap ng mga Amerikano ang mga paggamit ng de-lata at iba pang prosesong pagkain. Ipinapakita ng mga impluwensiyang ito kung paano nahubog ang lutuing Pilipino ng kasaysayan at iba’t ibang kultura.

Batay sa National Library of the Philippines, ang lutuing Pilipino ay nagsisilbing salamin sa kasaysayan, halaga, at pamana ng kultura sa mahigit 7,000 na pulo sa bansa. Ito ay nagpapakita kung paano ang isang putahe ay kumakatawan sa mga henerasyon ng impluwensiya at tradisyon.

.

Pagkain Bilang isang Simbolo ng Pagkakakilanlan

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, madali lang din maibahagi ang pagkain. Ang mga kuha nito na kumakalat sa social media ay tumutulong sa pagkain bilang isa sa mga pinakakilalang simbolo ng kultura sa buong mundo.

Para sa karamihan ng mga Pilipino, isang adobo o isang sinigang sa mesa ay agad na nagpapabalik ng mga alaala ng kanilang tahanan at pamilya.

Kung Saan Nagtatagpo ang Kultura

Ang katanyagan ng pagkain sa kulturang Pilipino ay hindi nakakabawas sa kahalagahan ng panitikan, sining, musika at iba pang mga kultural na tradisyon. Sa halip, ito ay sumasalamin sa kung paano kadalasan naaalala ang kultura sa pang-araw-araw na buhay.

Kapag kultura ang pinag-uusapan ng mga Pilipino, pagkain ang unang pumapasok sa kanilang isipan, hindi dahil kulang ang bansa sa sining at panitikan, kundi dito nagtatagpo ang kasaysayan, alaala, at komunidad sa pinakamadaling paraan.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...