Hindi naman ako napag-iiwanan. Nasanay lang akong ihambing ang sarili sa mga narating ng iba

Mike Gil Padayao at Xandra Gonzaga

Hindi naman ito katotohanan, sadyang sinasampal lang ako ng paniniwala ko. 

Isang medalya.

Isang pangarap. 

Isang tagumpay. 

Wala — umiikot na naman ang mundo ko sa pagkukumpara. 

Alam ko namang hindi kabawasan ang pagpalakpak sa tagumpay ng iba — pero hindi ko maiwasang sambitin ang samu’t saring tanong na gumugulo sa aking isipan.

Bakit habang umuusad ang iba, ako naman ay napag-iiwanan na?

Bakit kahit anong pilit ko sarili ko, hindi ko maiwasang tumingin sa tagumpay nila?

Bakit kahit anong subok ko, hindi ko mapantayan kung anong mayroon sila?

Malumanay siguro ang takbo ng aking buhay kung ito ay isang pelikula. Sa pananaw ng mga manonood, tila normal lamang ang bilis ng mga pangyayaring humuhubog sa aking kapalaran. Pero hindi nila nakikita ang pagtingala ko sa mga taong napasakamay na ang mga bituin — hindi nila naririnig ang mga panalanging ibinubulong ko sa hangin. 

Paano ko tatahakin nang matuwid ang sariling daan kung hindi ko maiwasang masilaw sa tagumpay ng iba? 

Tila sa bawat bersiyon ng sarili kong nakikipagsapalaran sa daan-daang panghabang-buhay, alam kong hindi kailanman mamumukadkad ang kasiyahan sa hardin ng puso ko. 

Mawawalan ng tingkad ang maliliit na kaluguran sa mundo kapag nariyan ang panganib ng paninibugho. 

Nasanay akong gawing batayan ng kadakilaan ang taas o layo ng aking kinaroroonan. At dahil sa pagtuon ko sa hinaharap upang makahabol, nakalimutan kong dumungaw sa lupang inaapakan. 

Nakaukit din pala rito ang yapak ng mga taong kasalukuyan kong hinahangaan.  

“Comparison is a thief of joy.”

Ibahin man ang ayos ng mga salita, iisa pa rin ang pinipilit na pagpapakahulugan na isinisiksik ko sa kokote ko.  Dahil kahit ano mang paraan nang pagbato sa akin ng kasabihan na ito, lumalabas lamang ito sa kabilang panig ng tainga ko. 

Pero ang dalawang mata ko — hindi ito kailanman nagsinungaling.

Nakita nito sila.

Masayang nagdiriwang.

Malayo na ang nararating.

Marami nang napatunayan.

At sa bawat tagumpay nilang nasasaksihan ko, unti-unti kong hinayaang hubugin ng pagkukumpara kung paano ko nakikita ang sarili ko. Hindi ito ang bagay na nais kong matutuhan — ang sukatin ang sariling landas batay sa pamantayan nila.

Marami na akong sana” na binitawan sa hangin. Mga sana” na hindi kailanman lumabas sa kabilang panig ng tainga ko. 

Sana ako naman.

Sana ako rin.

Sana ako na.

“Malayo na, pero malayo pa.” O baka, “Hindi ko na kaya dahil malayo na sila.”

Pero kung malayo na sila, hindi ba’t malayo na rin naman ako?

Marahil hindi lang talaga angkop ang pamantayan nila sa sarili kong paglalakbay. Dahil iba naman ang daang aking tinatahak sa daang tinahak nila bago pa nila makamit ang mga bagay na ipinagbubunyi nila. 

Ang daang tinahak nila ay minsang madilim, maputik, madulas, mabato, at pasikot-sikot. Hindi nasaksihan ng mga mata ko ang mga paghihirap na pinagdaanan nila — bunga lamang ang nakita ko.

Marahil minsan ay hindi ko nakikita ang pag-usad ko, at hindi ibig sabihin na hindi na ito nangyayari. Sapagkat iba lang talaga ang naging proseso ng aking paglalakbay. 

Ibang kabanata lamang ang aking binasa.

Ibang pintuan lamang ang aking binuksan.

Ibang lampara lamang ang aking naging tanglaw.

Hindi naman kasi nasusukat ang takbo ng buhay ko sa kung ano ang narating nila, kung anong posisyon at organisasyon ang napasakamay, at kung gaano karaming medalya at diploma ang kanilang natamo. 

Dahil ang mga “simple” at mga “ipinagdarasal” ko ay siya namang hindi ko na namamalayan. Mga bagay na walang katiyakan noon na ngayo’y mayroon na.

Ang simpleng pagsubok na magsimula.

Ang simpleng paghingi ng tulong.

Ang simpleng pagpili sa sarili.

Hindi ko naman pala agad kailangan ng malaking pagbabago para mapatunayan sa sarili kong umuusad ako. Dahil minsan, ang mga maliliit na hakbang at tahimik na panata ay patunay na malayo na.

Kaya siguro natutuwa ako sa mga puno dahil lubos kong nauunawaan ang metapora nito. 

Parang puno lang din tayo — kapag may katabi tayong punong hitik sa bunga, madaling isipin na hindi na lumalago ang sarili. Ngunit ang hindi nakikita ng mga mata natin ay ang mga punong nagpapalalim pa lamang ng ugat, may mga punong ngayon pa lamang sumisibol at namumulaklak, at may mga punong hindi pa ngayon ang panahon para mamunga.

At dito ko higit na naunawaan na sarili ko lamang ang pinakamalaking kakumpetensiya sa karera ng buhay. Hindi ko kailangan ng isa pang kalaban; ang kailangan ko ay matutuhang maging kakampi ang sarili. Nais kong matutuhang lakasan ang tulak kung kinakailangan at magpahinga kahit labag sa kalooban. 

Marahil ang tunay na pag-usad ay hindi nasusukat sa kung gaano ko ito kabilis narating, kundi sa ilang beses kong piniling huwag tumigil. Hindi ko naman agad kailangang mamunga kasabay ng iba — dahil pagpapalalim lamang muna ng ugat ang kailangan kong matutuhan.

Hindi naman talaga huminto ang buhay ko, ang pagkukumpara lamang ang nagpaniwala na nabulag ako sa sariling pag-usad. Dahil ang mga mata ko ang nakakita ng bunga kaya nagkamali ako ng paniniwala. Pero ngayon, naunawaan kong bunga lang pala ang nakita ko — hindi ang buong paglalakbay. 

At marahil, sapat na dahilan ito upang ipagpatuloy ko ang sarili kong paglalakbay.

Nang sa huli’y sa akin din manggagaling ang pinakamalakas na hiyaw at palakpak — mahuli ma’y hawak ko ang huling halakhak.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...