Hindi lang tayo ang gustong makauwi 

Mga magulang na sabik makapiling ang kanilang mga anak. Mga estudyanteng gustong muling maramdaman ang yakap ng magulang. Mga manggagawang pagod, kulang sa tulog, ngunit puno ng pag-asang muling makauwi. Sila ang mga ilang oras nang naghihintay sa dyip at bus— hindi alintana ang init, siksikan, at trapiko, basta’t makabalik lamang sa mga probinsiyang matagal nang iniwan.

At habang sila ay naghihintay, may mga kamay namang mahigpit ang kapit sa manibela, mga katawang pagod ngunit pusong patuloy na lumalaban. Mga kamay ito ng isang tatay, kapatid, o anak na araw-araw humaharap sa usok, ingay, at init ng kalsada para sa pamilya niyang sabik na rin siyang yakapin.

Sa bawat businang umaalingawngaw at sa bawat pagpreno ng gulong, naroon ang mga kwento ng mga taong nagtatrabaho hindi lang para sa sahod, kundi para sa mga buhay na umaasa sa kanilang pagdating.

Sila ang mga drayber na halos wala nang pahinga, patuloy sa pagmamaneho sa gitna ng antok at pagod. Sila ang mga konduktor na tila bahagi na ng makina dahil sa taglay na alerto, bilis, at ngumingiti pa kahit paulit-ulit na ruta na lang ang binabagtas. At may mga pulis na nakabantay at gumagabay, sinisigurong may kaayusan at ligtas na makakauwi ang lahat.

Dahil sa kanila, makakauwi tayo. Kahit gaano kalayo, gaano kabigat ang trapiko, at gaano kahirap sumiksik para makaupo sa bus, may mga taong nagbibigay-daan.

Sa mga tsuper, drayber, konduktor, at pulis— salamat. Sa bawat pagod na hindi napapansin, sa bawat ngiting pilit pero totoo, at sa bawat biyahe na binabagtas natin ngayon, sana alam niyo na kayo ang tunay na daan.

Sana katulad namin ay makauwi na rin kayo sa inyong mga probisya’t tahanan.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...