
Tinuldukan ng Alas Women’s Beach Volleyball Team ang walong sunod na paghahari ng host Thailand matapos magwagi sa dalawang sunod na laban sa 33rd Southeast Asian Games women’s beach volleyball, 21–17, 21–15 at 21–13, 17–21, 15–6, nitong Disyembre 19 sa Jomtien Beach, Chonburi, Thailand.
Bago ang tagumpay na ito, tanging tansong medalya lamang ang napagwagian ng Pilipinas sa women’s beach volleyball noong 2005, 2019, at 2021, dahilan upang maituring ang panalo bilang makasaysayang sandali para sa koponan.
Agad nagpasiklab ang tambalang Cherry “Sisi” Rondina at Bernadeth Pons, na tinaguriang “SiPons,” matapos tapatan ni Rondina ang matangkad na Thai blocker na si Kongphopsarutawadee gamit ang kanyang trademark running attack na tinawag na “Cherry Bomb,” 21–17.
Sa ikalawang set ng unang laban, nahulog agad sa 3–0 deficit ang Pilipinas ngunit mabilis itong binura ng back-to-back attacks ng SiPons para tuluyang maisara ang match, 21–15.
Samantala, namayagpag din sa Chonburi sina Dij Rodriguez at Fil-Am Sunny Villapando matapos bumuo ng 19–11 bentahe mula sa sunod-sunod na cross-court at running attacks, sapat upang masungkit ang unang set ng ikalawang laban, 21–13.
Nagbago ang ihip ng hangin sa ikalawang yugto nang magbukas ang deciding set pabor sa Thailand, 17–21, matapos mahirapan ang Alas sa buhangin.
Gayunpaman, muling bumawi ang Filipina bets sa huling yugto matapos mag-init si Villapando at igiya ang 9–3 run na tuluyang nagselyo sa gintong medalya, 15–6.
Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling dominanteng puwersa ang Thailand sa volleyball matapos makuha ang ika-14 na gintong medalya sa women’s indoor volleyball ng SEA Games.