
Tangan ang pag-asang muling maibalik sa España ang korona, tuluyang pinaamo ng UST Growling Tigresses ang NU Lady Bulldogs upang selyuhan ang titulo ng UAAP Season 88 Women’s Basketball Finals, 79-64, sa Mall of Asia Arena noong Linggo, Disyembre 14.
Sa tagumpay na ito, minarkahan ng Tigresses ang kanilang pagbabalik sa tuktok matapos muling angkinin ang kampeonato, kasunod ng huli nilang titulo noong Season 86.
Matapos magtala ng 15 puntos sa Game 2 ng best-of-three Finals series, muling pinangunahan ni Jane Pastrana ang Tigresses sa kanyang 16 puntos, siyam na rebounds, at limang assists—sapat upang igawad sa kanya ang karangalang Finals Most Valuable Player (MVP).
Mabilis na bumawi ang Tigresses mula sa kanilang mabagal na simula matapos burahin ang 10-puntos na lamang sa loob lamang ng dalawang minuto upang itabla ang laban sa 23-all, bago tapusin ang unang quarter na may pitong puntos na bentahe.
Mula rito, tuluyan nang kinontrol ng UST ang takbo ng laro matapos magpakawala ng 15-4 run sa third quarter upang palawakin ang kanilang abante sa 71-53.
Tinangkang putulin ni NU’s Tine Cayabyab ang momentum matapos pababain ang lamang sa 10 puntos, 64-74, sa huling yugto ng laban, ngunit agad itong sinagot ng Tigresses upang selyuhan ang panalo, 79-64.
Naitala rin ng UST ang kanilang ika-13 kampeonato sa Women’s Basketball, mula nang unang masungkit ang titulo noong 2006.
Nagdagdag sina Isioma Onianwa, Eka Soriano, CJ Maglupay, at Karylle Sierba ng pinagsamang 45 puntos upang itulak ang España-based squad sa rurok ng tagumpay.
Sa panig ng NU, nanguna si Cayabyab na may 21 puntos, subalit hindi ito naging sapat upang pigilan ang decisive run ng Growling Tigresses.