
Magpapatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mas pinaigting na mga programang panlipunan sa 2026 matapos taasan ang pambansang badyet sa P264.45 bilyon.
Layunin nitong palawakin ang tulong sa mga mahihinang sektor ng lipunan at paghusayin ang kahandaan ng bansa sa mga sakuna.
Isa sa pangunahing pokus ng pinalawak na badyet ay ang pagdaragdag ng 500,000 benepisyaryo sa Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC).
Matagal na umanong nasa waiting list ang mga senior citizen, hindi lamang agad naisama dahil sa limitadong pondo; ngunit dahil alokasyon na P51.8 bilyon, mas marami nang matatandang Pilipino ang makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang hangarin ng program na pagaanin ang suliraning pinansyal ng mga senior citizens.
“Ang Social Pension Program ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga indigent senior citizens para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin tulad ng pambili ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan,” ani ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng P1,000 kada buwan, na ipinapamahagi kada tatlong buwan.
Ayon sa Republic Act No. 11916, ang indigent senior citizens ay yaong may edad 60 pataas na maaaring mahina ang pangangatawan o may kapansanan, walang pensyon, walang regular na kita, at walang sapat na suportang pampamilya.
Hindi lamang senior citizens ang saklaw nito kundi pati na rin ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ay tumanggap ng P63.9 bilyon para sa gastusing medikal, pagkain, transportasyon, at paglilibing para sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng krisis.
Samantala, pinalawak din ang supplemental feeding program para sa mga daycare learner sa P9.56 bilyon, kung saan nadagdagan ang feeding days mula 120 hanggang 180 araw.
Para sa social development naman, pinalakas at pinalawak din ang mga bagong programa tulad ng: Project Aruga para sa mga pamilyang may miyembrong may kapansanan, Project SAFE na naglalayong itaguyod ang ligtas na internet environment laban sa online exploitation, at ProtecTEEN na tumutulong sa reintegration ng teenage mothers sa kanilang komunidad.
Pinalakas rin ang ugnayan ng DSWD sa mga non-government organizations sa pamamagitan ng P216 milyon para sa licensing, accreditation, at suporta sa mga NGO at private care facilities na kumakalinga sa mga biktima ng pang-aabuso.
Kasabay nito, nadagdagan ang Quick Response Fund ng ahensya upang mas maging maagap sa pagtugon sa mga sakuna, mula sa dating P1.25 bilyon, ito ay aabot na sa P3 bilyon.