Robotic Hand Orthosis para sa ‘stroke rehabilitation’ ng UP study, nakapagtala ng 86% ‘accuracy response’

Photo Courtesy of OVPAA UP

Lynxter Gybriel Leano

Bagong pag-asa sa stroke rehabilitation ang isang teknolohiyang kayang basahin ang galaw ng kalamnan. Nakapagtala ito ng 86 porsiyentong response accuracy base sa pag-aaral ng University of the Philippines-Diliman na gumagamit ng muscle signals upang makatulong sa muling paggalaw ng kamay.

Isa sa mga karaniwang epekto ng stroke ay ang paghina ng kakayahan ng kamay na kumontrol sa paghawak o pag-grip. Dahil dito, hindi agad nakakabalik sa pang-araw-araw na gawain ang pasyente sapagkat kinakailangan muna nitong sumailalim sa rehabilitasyon sa loob ng ilang buwan. 

Bagama’t posible ang paggaling sa pamamagitan ng tradisyunal na therapy, patuloy pa ring hinahanap ang mga alternatibong paraan upang mapadali ang recovery ng isang pasyente.

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, nakikitaan ng solusyon ang paggamit ng robotic assistive technology. Isa sa mga inisyatibo ng mga mag-aaral mula sa University of the Philippines-Diliman, sa pamamagitan ng kanilang pananaliksik na “3D Printed Myoelectric Hand Orthosis with Force Control,” ay layon nitong suportahan ang galaw ng kamay ng pasyente habang isinasagawa ang therapy. 

Ayon sa mga mananaliksik na sina Micah Angelo R. Bacani at Manuel Ramos Jr. mula sa Electrical and Electronics Engineering Institute, kinakailangan ang aktibong pakikilahok ng pasyente upang maging epektibo ang device, isang pamamaraang itinuturing na mas mainam ng mga eksperto kaysa sa simpleng pagsunod sa awtomatikong galaw ng makina.

Dito pumapasok ang papel ng Surface Electromyography (sEMG) signals, isang non-invasive na pamamaraan na sumusukat sa electrical signals na nalilikha ng kalamnan. Sa pamamagitan ng paglalagay ng mga electrode sa balat, natutukoy ang muscle activity at naisasalin ito bilang signal na maaaring gamitin upang kontrolin ang isang assistive device.

Sinuri ng mga mananaliksik ang kakayahan ng sEMG signals na magsilbing basehan ng puwersang ilalabas ng isang myoelectric hand orthosis. Layunin nitong gawing proporsyonal ang galaw ng aparato sa intensyon ng pasyente, ibig sabihin, kung gaano kalakas ang nais na paghawak, ganoon din ang magiging tugon ng device. Dahil dito, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng pasyente upang mas mapadali ang kanyang paggaling.

Batay sa resulta ng pananaliksik, natuklasan na may direktang ugnayan ang lakas o magnitude ng sEMG signal at ang puwersang inilalapat ng pasyente. Ipinapakita nito na maaaring gawing proporsyonal ang galaw ng aparato sa intensyon ng gumagamit.

Pinatunayan din ng prototype ang malaking potensyal nito nang makapagtala ito ng hanggang 25.48 newtons na puwersa, sapat upang makatulong sa paghawak ng mga bagay. Higit sa lahat, nakamit nito ang 86 porsiyentong response accuracy sa mga galaw ng paghawak at pagbitaw, patunay ng mataas na antas ng pagiging maaasahan ng sistema.

Sa pag-usbong ng teknolohiyang kayang basahin ang galaw ng kalamnan, unti-unting nagiging posible ang mas mabilis na rehabilitasyon ng stroke patients. Gayunpaman, kinakailangan pa ng mas malawak na pagsusuri at testing upang tuluyang mapakinabangan ang potensyal nito.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...