
Chrislyne Faith Castillo
Ipinatupad ng Taliban ang pagbabawal sa paggamit ng smartphone para sa lahat ng kawani ng pamahalaan at militar sa Afghanistan kasunod ng kautusan ni Supreme Leader Mullah Hibatullah Akhundzad, kung saan walang katwiran ang naibigay para sa kautusang ito.
Kakastiguhin at papatawan ng mabibigat na parusa sa ilalim ng batas Sharia, kabilang ang pagkumpiska ng gadyet at pagkakatanggal sa serbisyo, ang sinumang opisyal na lalabag sa bagong direktiba.
“All the heads of departments in their respective provinces are advised to inform their staff, higher-ranking or lower-ranking, that using smartphones is strictly banned effective 17 June.” ayon sa kautusan.
Hindi nagbigay ng pahayag ang pamahalaan hinggil sa isyu, ngunit ayon sa Agence France-Presse, pinatunayan ng walong sibilyang kawani, mga pulis, at mga education professionals ang pagbabawal at sinabing nagsimula na itong ipatupad sa kanilang mga tanggapan.
Pinatunayan din ng isa pang opisyal ng isang lalawigan at ng isang opisyal mula sa Korte Suprema ang pagpapatupad ng utos sa kondisyong hindi sila papangalanan dahil wala silang pahintulot na magsalita sa publiko ukol dito.
‘Imposible ang trabaho’
Hindi pa ganap na malinaw ang lawak ng pagpapatupad ng pagbabawal sa buong bansa, subalit nagdulot na ito ng pangamba sa mga empleyadong umaasa sa smartphone para sa kanilang mga gawain at trabaho.
Ayon sa tatlong trabahante ng pamahalaan sa Badakhshan, naging mas mahirap ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin dahil sa pagkawala ng akses sa digital devices.
“Now, with this ban, our work can be disrupted and can even be made impossible,” pahayag ng isang empleyado sa departamento ng transportasyon at idinagdag na ginagamit na niya ang WhatsApp upang magbahagi ng impormasyon tungkol sa paggalaw ng mga kargamento sa kaniyang trabaho.
Tinawag naman ng isang guro ang desisyon bilang “truly heartbreaking” matapos makumpiska ang kaniyang smartphone.
“We need apps to stay connected with the students and hear their problems, for example, in the WhatsApp groups, they can share their classroom problems, questions related to their homework”, pagpapaliwanag niya.
Isang kawani naman sa sektor ng edukasyon ang nagsabing ginagamit niya ang mga Artificial Intelligence (A.I.) tool sa kaniyang smartphone upang isalin ang mga dokumento mula sa Dari patungo Pashto na ginagamit sa komunikasyon ng gobyerno.
Pinuna ng acting permanent representative ng Afghanistan sa United Nations ang naturang hakbang ng Taliban.
“While the world is improving people’s lives and creating new opportunities for progress and prosperity through science, technology, and artificial intelligence, the Taliban are depriving the people of Afghanistan of the most basic tools of communication and access to information,” ani Naseer Ahmad Faiq sa kanyang X post.
Kinondena naman ng Afghanistan Journalists Center ang pagbabawal at binigyang-diin na ito ay bahagi ng patuloy na paghihigpit sa kalayaan sa pamamahayag at pag-access ng mamamayan sa impormasyon.
Ayon sa grupo, ang restriksyon sa paggamit ng smartphone sa gitna ng technological development at A.I. ay maaaring maglimita sa daloy ng impormasyon sa bansa.
Lumalawak na paghihigpit
Itinuturing ang pagbabawal bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng Taliban upang higit pang higpitan ang kontrol nito sa komunikasyon at pag-access ng mamamayan sa internet sa Afghanistan.
Nauna nang nagpatupad ang mga awtoridad ng dalawang araw na internet blackout noong Setyembre 2025, na ipinaliwanag bilang paraan upang maiwasan ang “immorality.”
Nauna ring ipinatupad ang parehong pagbabawal sa Herat ilang buwan bago ang pambansang kautusan, kung saan nakumpiska at sinira ang ilang smartphone ng mga empleyadong lumabag sa patakaran.
Bagama’t hindi tumugon ang mga kinatawan ng pamahalaan sa mga kahilingan para sa pahayag, pinatunayan ito ni Khalid Ahmad Fazli, opisyal ng komunikasyon sa lalawigan ng Daikundi, nang kaniyang sabihin na, “We have received the order and are in the process of implementing it.”
Kabilang sa mga lalawigang saklaw ng nasabing paghihigpit ang Herat, Kandahar, Maidan Wardak, Ghor, at Panjshir.
Kasunod ng mabilis na pagkalat ng balita, lumitaw naman ang ilang bidyo na nagpapakita ng pagsira sa mga smartphone bilang pagsunod sa bagong kautusan.