
Joseph Juanillas
Bagama’t halos 12 taon na mula noong ilabas ng Department of Health ang kontrobersyal na patalastas tungkol sa Family Planning noong 2014, isa pa rin ang mga hindi planadong pagbubuntis sa mga krisis na nakaaapekto sa buong Pilipinas na hindi gaanong nabibigyan ng pansin ng publiko.
Sa 2022 State of World Population (SWOP) Report ng United Nations Population Fund (UNFPA), ika-56 sa 150 na bansa ang Pilipinas sa mga kaso ng di-planadong pagbubuntis, na 71 beses na nangyayari sa bawat isang libong Pilipina bawat taon.
Kahit na mayroon nang mga batas tulad ng Republic Act No. 10354 o ang Reproductive Health Law na layong mabigyan ng akses ang mga Pilipino sa impormasyon at pangangalaga sa kalusugang sekswal at reproduktibo, hindi pa rin nito nasosolusyunan ang problema.
Ayon sa 2022 Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), 58% palang ng mga ikinasal nang babae at 41% ng mga babaeng hindi pa ikinakasal na edad 15-49 ngunit aktibong nakikipagtalik ang sumasailalim sa anumang paraan ng family planning, tulad ng pills o injectables.
Inilahad rin ng Commission on Population Development (CPD), na 0.1% pa lang, o katumbas ng higit 5,800 na lalaki ngayong 2026 ang sumailalim sa vasectomy sa Pilipinas.
Marami pa ring mga maling paniniwala na pumapalibot sa vasectomy, kung kaya’t mahalaga na maintindihan ng publiko ang proseso nito, ang mga benepisyo, at kung paano ito makakatulong sa paglutas sa problema ng bansa sa mga hindi planadong pagbubuntis.
Ano nga ba ang vasectomy?
Isa ang vasectomy sa mga permanenteng kontraseptibo na maaaring gamitin ng isang lalaki, na kung saan ay pinuputol at sineselyuhan ang vas deferens, ang tubo na nagdadala ng sperm mula sa bayag (testes) papunta sa semilya.
Tradisyonal itong ginagawa sa pamamagitan ng paghiwa sa parte ng scrotum gamit ang isang scalpel, na parang isang maliit na kutsilyo, upang mailabas ang vas deferens.
Subalit, nariyan din ang no-scalpel vasectomy (NSV), na gumagamit ng ring clamp na dinisenyo upang kapitan ang vas deferens na siyang bubutasan at ilalabas gamit ang sharp-pointed dissecting forceps, isang uri ng tiyanì na may matulis na dulo.
Inaabot lang ang parehong proseso ng vasectomy ng mula 15 hanggang 20 minuto. Ngunit dahil sa napakaliit na butas na dulot ng NSV, nakababalik sa normal na pamumuhay ang mga sumasailalim dito pagkatapos lamang ng ilang araw.
Gayunpaman, kailangan pang maghintay ng ilang buwan bago makumpleto ang proseso sa parehong paraan ng vasectomy, dahil kailangan pang maalis ang natitirang sperm sa semilya na maaari pa ring makabuntis.
Dahil isahang operasyon lang ang vasectomy, mas mura ito sa pangmatagalan, kumpara sa ibang paraan ng family planning tulad ng mga medikasyon na pangontra sa pagbubuntis.
Mga konsiderasyon at maling impormasyon
Kahit na isa ang vasectomy sa mga pinakaepektibong kontraseptibo, hindi pa rin ito gaanong popular sa Pilipinas, lalo na at may mga haka-haka pa rin tungkol dito, kagaya ng paghahalintulad nito sa pagkakapon (castration) na pinipigilan ang paggawa ng katawan ng testosterone.
Dahil pinuputol lang ang vas deferens sa vasectomy, hindi maaapektuhan ang bayag (testes) na siyang gumagawa ng sperm at testosterone, at sinisipsip lamang ng katawan ang sperm na ginagawa nito, na walang negatibong epekto sa katawan.
Salungat din sa paniniwala ng iba, hindi naman nakaaapekto sa ibang bahagi ng sistemang reproduktibo ng lalaki ang vasectomy, at hindi rin ito nagdudulot ng prostate cancer o kondisyon sa puso.
Hindi napipigil ng vasectomy ang pagpasa ng sexually transmitted disease (STI) katulad ng chlamydia at Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa ibang tao, kung kaya’t kailangan pa ring magsagawa ng safe sex practices, tulad ng pagsuot ng condom.
At kahit maari pa ring maibalik sa dating ayos ang vas deferens, mahal na ang operasyon para dito at hindi na maibabalik sa dating lakas ang pagdaloy ng semilya, kung kaya ay mahalaga na sigurado nang hindi na magpaplanong magkaroon ng anak ang sasailalim sa operasyon.
Paghahanda para sa hinaharap
Ayon sa World Health Organization, mahalaga ang pagkakaroon ng family planning upang maiwasan ang mga hindi planadong pagbubuntis, na nagreresulta sa mas malusog na ina at anak. at maihahanda ng mag-asawa ang mga gastusin para dito, na magbibigay sakanila ng kalayaan upang gumawa ng mga desisyong magpapaganda sa kalidad ng buhay na maibibigay sa kanilang sarili at ng kanilang pamilya.
Mahalaga na mas marami pang mga Pilipino ang maturuan tungkol sa family planning, kung kaya’t patuloy ang pagsulong ng CPD sa paglahok ng mga lalaki sa family planning sa pamamagitan ng kanilang programang KATROPA – Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya.
Subalit, mas ginagamit na ng mga mamamayan ang social media, kung kaya’t magiging susi ang paggawa ng mas agresibo at komprehensibong kampanya tungkol sa vasectomy at ibang paraan ng family planning dahil mas madali itong maaabot at mababasa.
Habang patuloy na humaharap ang bansa sa mga problemang nakaaapekto sa antas ng pamumuhay tulad ng hindi planadong pagbubuntis, mahaba pa ang lalakbayin para sa mas aktibong pagsali ng kalalakihan sa family planning.
Mahalaga na mapaigting pa ang mga programa’t adbokasiya upang maalis ang mga pangamba’t maling paniniwala, at mas maging bukas ang publiko sa pagtanggap sa vasectomy at iba pang uri ng family planning sa hinaharap.