105 araw na paternity leave, isinusulong ni Diokno

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of Philstar/Philippine News Agency

Adrian Maravillas

Mula sa nakasanayang pitong araw na paternity leave, inilatag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at ng grupo ang Paternity and Parental (PAPA) Leave Act na naglalayong magkaroon ng 105 araw na paid leave ang mga ama para sa kanilang pamilya.

Ang PAPA leave act o House Bill No. 9891 ay isinampa nitong Hunyo 17 upang maitulak ang mga bagong benepisyo ng mga tatay katulad sa 105-day Expanded Maternity Leave na isinasakatuparan din ng grupo.

Ayon kay Diokno, hindi sapat ang pitong araw upang matugunan ng mga ama ang kani-kanilang responsibilidad.

“Pitong araw lang ang paid leave ng mga tatay? Kulang ito upang matulungan si misis at maalagaan si baby,” saad nito sa isang Facebook reel.

Tinututukan din ng panukala na mas magkaroon ng oras ang mga ama sa kritikal na child development ng sanggol kasama ang asawa.

Sa ilalim nito, ipinagtitibay ang 90 araw para sa live childbirth ng asawa at 60 araw kung ito’y makunan o magkaroon ng emergency termination.

Maaari ring magdagdag ng panibagong 15 araw sa loob ng isang taon ng pagkapanganak bilang pagsagot sa mga biglaang emergency sa pamilya, katulad ng pagkakasakit ng sanggol.

Magkakaroon ng 105 araw na ang paternity leave kung ito ay maipasa bilang batas.

“By investing in shared parenting, this measure advances gender equality, improves child and family wellbeing, and strengthens labor force participation,” ani Diokno sa isang panayam nitong Biyernes.

Ang paid leave sa programa ay maaaring mapakinabangan bago o pagkatapos man ng panganganak.

Gayunpaman, ang mga amang hindi magagampanan ang kanilang responsibilidad habang nasa paternity leave ay mapapatawan ng kaso sa paglabag ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

“It affirms that childcare is not solely the responsibility of women, but a shared parental duty that must be actively supported by the State,” aniya.

Nabanggit ni Diokno na ang sakop ng program ay hindi lamang sa mga kasal na ama, kundi pati na rin sa mga non-marital fathers at alternative caregivers na itinalaga ng nanay.

Lahat ng amang nagtatrabaho ay makikinabang sa benepisyo kasama ang mga informal workers at voluntary members ng Social Security System (SSS).

Sinigurado naman ng grupo ang security tenure upang hindi maalis sa pinapasukan ang mga benepisyaryo.

Binigyang-diin din ni Diokno ang pagpaparusa at pagpapakulong sa mga kompanyang lalabag sa proyekto.

“Deserve ni baby ang alaga, hindi lang ni mama, kundi pati ni papa. ‘Yan ang makatarungan, ipaglaban natin to!” giit ni Diokno sa dulo ng kanyang reel.

Kasama ng abogado sina Akbayan Reps. Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao sa paghain ng PAPA Leave Act sa House of Representatives.

Ipinagdiriwang din ngayong Hunyo 21 ang paggunita sa Araw ng mga Ama sa buong bansa.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...