
Bago naging bahagi ng kultura at industriya, nagsimula ang pelikula bilang isang bagong paraan ng pagtingin at pag-unawa sa mundo. Sa paglipas ng panahon, lumampas ito sa pagiging simpleng teknolohiya ng larawan at naging daluyan ng mga kuwentong humuhubog sa alaala ng isang panahon.
“Lahat ng pelikula ay pagtutol, mga kuwento ng pakikipaglaban para sa isang mas mabuting mundo. Walang taong nabubuhay nang hiwalay sa nangyayari sa kaniyang lipunan” — Ricky Lee, Pinilakang Tabing
Ang pananaw na ito ay nagbibigay-konteksto sa mahabang paglalakbay ng sinehan sa bansa: mula sa mga unang gumagalaw na larawan na ipinakilala mahigit isang siglo na ang nakalipas hanggang sa mga obrang patuloy na nakikibahagi sa usapan ng lipunan.
Ang kuwento sa loob ng mga kuwento
Noong Agosto 31, 1897, unang naipalabas sa Maynila ang mga larawang gumagalaw sa pamamagitan ng cinématographe. Karamihan sa mga ito ay maiikling eksena ng pang-araw-araw na buhay sa Europa, tulad ng mga taong naglalakad sa lansangan, mga sasakyang dumaraan, at iba pang simpleng tagpo na nagpapakita ng bagong teknolohiya ng gumagalaw na larawan. Wala pa itong banghay o mga tauhang katulad ng sa mga pelikulang nakikilala natin ngayon, ngunit ipinakilala nito sa mga Pilipino ang isang bagong midyum ng pagkukuwento at pagpapahayag.
Pagkaraan ng mahigit dalawang dekada, inilabas ni José Nepomuceno ang Dalagang Bukid (1919), na kinikilala bilang kauna-unahang full-length Filipino film. Hango sa isang sarsuwela, isinasalaysay nito ang kuwento ng isang dalagang humaharap sa mga pagsubok ng pag-ibig at mga pamantayang panlipunan noong panahon nito. Mula rito, nagsimulang magkaroon ng sariling industriya ang Pilipinas at unti-unting nabuo ang isang sinemang nakaugat sa mga kuwentong malapit sa buhay at kultura ng mga Pilipino.
Kasabay ng pag-unlad ng bansa ay pag-unlad din ng pelikulang Pilipino. Itinuturing ang dekada 1950 bilang unang “Golden Age” ng lokal na sinema dahil sa pag-usbong ng studio system, mas organisadong produksiyon, at pagtaas ng kalidad ng mga pelikula. Sa panahong ito, umani ng papuri ang mga pelikulang gaya ng Anak Dalita (1956), Badjao (1957), Biyaya ng Lupa (1959), at Kundiman ng Lahi (1959), na nagtakda ng mataas na pamantayan sa pag-arte, pagsulat, at direksiyon. Kasabay nito, mas lumawak ang representasyon ng iba-ibang kultura at pamayanang Pilipino sa sinehan. Nakatulong ito upang mas makilala ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay at pagkakakilanlan sa buong bansa.
Makalipas ang ilang dekada, namukadkad ang ikalawang “Golden Age” noong huling bahagi ng dekada 1970 hanggang 1980. Sa kabila ng sensura noong Batas Militar, lumitaw ang mga pelikulang naging matapang sa pagtalakay sa mga isyung panlipunan at pampulitika. Kabilang dito ang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975), Insiang (1976), Kisapmata (1981), at Himala (1982), na hanggang ngayon ay itinuturing na mga haligi ng pelikulang Pilipino.
Pagsapit ng dekada 2000, humina ang produksiyon ng lokal na pelikula dahil sa paglaganap ng piracy, paglipat ng maraming manonood sa telebisyon at home entertainment, at tumitinding kompetisyon mula sa mga banyagang pelikula. Mula sa humigit-kumulang 140 pelikula bawat taon noong 1960 hanggang 1999, bumaba ito sa tinatayang 73 pelikula bawat taon noong 2000 hanggang 2009. Kasabay nito ang pagdami ng banyagang pelikula sa mga sinehan at ang pagharap ng industriya sa mga bagong hamon tulad ng limitadong badyet at kakulangan ng mga sinehang nagpapalabas ng lokal na pelikula
Sa gitna ng pagbabagong ito, sumigla ang independent filmmaking. Sa tulong ng mas abot-kayang digital technology at mga programang tulad ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, na itinatag noong 2005, nabigyan ng pagkakataon ang mga bagong filmmaker na makalikha. Hanggang ngayon, patuloy na umuunlad ang industriya, dala ang iisang layunin: isalaysay ang mga kuwentong sumasalamin sa lipunan at karanasan ng mga Pilipino.
Pinilakang tabing bilang isang salamin
Sa bawat yugto ng kasaysayan nito, madalas na hinuhugot ng mga filmmaker ang kanilang mga kuwento mula sa mga karanasang pamilyar sa maraming tao, kaya nagiging mas madaling maunawaan ang mga usaping panlipunan sa pamamagitan ng sinehan. Halimbawa, inilantad ng Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975) ang kahirapan, migrasyon, at pagsasamantala sa mga manggagawa sa lungsod. Sa Himala (1982), ginamit ni Ishmael Bernal ang kuwento ng isang baryo upang talakayin ang pananampalataya, kahirapan, at impluwensiya ng kapangyarihan. Makalipas ang ilang dekada, ipinakita naman ng On the Job (2013) ang ugnayan ng krimen at pulitika, habang binigyang-diin ng Respeto (2017) ang karanasan ng kabataang nakikipagbuno sa karahasan at karapatang pantao.
Dahil dito, nagiging mahalagang kasangkapan din ang pelikula sa edukasyon at paghubog ng kamalayan. Muling pinasigla ng Heneral Luna (2015) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018) ang interes ng publiko sa kasaysayan ng Rebolusyong Pilipino, habang nagbigay ng mas personal na pagtingin ang Liway (2018) sa karanasan ng isang pamilyang naapektuhan ng Batas Militar. Sa pagsasama ng impormasyon at emosyon, nagiging mas malapit sa mga manonood ang mga aral tungkol sa kasaysayan, karapatang pantao, at iba pang mahahalagang usaping panlipunan.
Higit pa rito, nagsisilbi ring tagapangalaga ng kultura at identidad ang pelikulang Pilipino. Bilang isang bansang binubuo ng mahigit 7,600 isla at gumagamit ng mahigit 180 wika, mahalagang maipakita ang iba-ibang karanasan ng mga pamayanan sa buong kapuluan. Inilapit ng Thy Womb (2012) ang pamumuhay ng mga Sama-Bajau sa Tawi-Tawi, samantalang ipinakita ng Patay na si Hesus (2016) ang isang kuwentong gumagamit ng wikang Cebuano. Sa pamamagitan ng mga pelikulang ito, naitatala at naipapasa ang mga wika, tradisyon, at pananaw na bumubuo sa pagkakakilanlang Pilipino.
Kasabay nito, patuloy ding umuunlad ang pelikula bilang isang anyo ng sining. Pinagsasama nito ang panitikan, teatro, musika, potograpiya, disenyo, at teknolohiya sa iisang likhang-sining. Dahil dito, nakabuo ang mga direktor tulad nina Kidlat Tahimik, Mike de Leon, Lav Diaz, at Brillante Mendoza ng mga natatanging paraan ng pagkukuwento na kinilala sa iba’t ibang pandaigdigang film festival. Ang mga pagkilalang ito ay nagpalawak sa espasyo sa pandaigdigang entablado at nagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga lokal na filmmaker.
Kasabay ng ambag nito sa kultura at sining, may mahalagang papel din ang industriya sa ekonomiya. Ayon sa pag-aaral na isinagawa para sa World Intellectual Property Organization (WIPO), ang mga industriyang nakabatay sa copyright, kabilang ang pelikula at audiovisual media, ay bumubuo ng 7.34% ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas at 14.14% ng kabuuang empleyo, batay sa datos noong 2010. Libu-libong Pilipino ang umaasa rito para sa kabuhayan, mula sa mga artista, direktor, manunulat, editor, production crew, animator, hanggang sa mga manggagawa sa mga sinehan.
Ang mga eksenang hindi nakikita
Sa kabila ng mayamang kasaysayan nito, patuloy na humaharap ang pelikulang Pilipino sa iba’t ibang hamon. Isa sa pinakamalaki ang kompetisyon mula sa mga banyagang pelikula. Lalo na ang mga Hollywood blockbuster, na karaniwang nakatatanggap ng mas maraming screen at mas mahabang panahon ng pagpapalabas sa mga sinehan. Dahil dito, maraming lokal na pelikula ang nahihirapang makahanap ng sapat na manonood, kahit pa positibo ang naging pagtanggap ng mga kritiko.
Kasabay nito ang suliranin ng piracy, na patuloy na nakaaapekto sa kita ng industriya. Tinataya ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) na umaabot sa ₱38.2 bilyon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa ilegal na pamamahagi ng copyrighted content. Sa 2022 Piracy Landscape Survey ng YouGov, lumabas din na ang Pilipinas ang may pinakamataas na antas ng paggamit ng piniratang content sa Asia-Pacific.
Dagdag pa rito ang limitadong badyet ng maraming lokal na produksiyon, lalo na ng mga independent filmmaker, na kadalasang umaasa sa grants at suporta ng maliliit na production house. Hamon din ang kakulangan ng mga sinehang regular na nagpapalabas ng lokal at rehiyonal na pelikula. Maraming premyadong pelikula ang naipapalabas lamang sa piling sinehan, kaya nananatiling limitado ang pagkakataon ng mas maraming Pilipino, lalo na sa mga probinsya, na mapanood ang mga ito.
Paglikha ng espasyo para sa mga kuwento
Sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng pelikulang Pilipino, nagsisilbing mahalagang plataporma ang mga film festival at iba pang inisyatiba na nagbibigay ng pagkakataon sa mga lokal na pelikula at filmmaker. Hindi lamang sila nagbibigay ng pagkilala, kundi tumutulong din sa pagpopondo, distribusyon, at pag-abot ng mga pelikula sa mas maraming manonood.
Isa sa mga pangunahing halimbawa nito ang Metro Manila Film Festival (MMFF) Ito ay nagsimula noong 1975 at taun-taong naglalaan ng espasyo para sa mga pelikulang Pilipino tuwing kapaskuhan. Samantala, ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, na itinatag noong 2005, ay nakatuon sa pagsuporta sa mga independent filmmaker sa pamamagitan ng mga production grant at kompetisyon. Kasama rin dito ang QCinema International Film Festival, Pista ng Pelikulang Pilipino, Sinag Maynila Film Festival, ToFarm Film Festival, at Puregold CinePanalo Film Festival, na pawang nagbibigay ng mas malawak na pagkakataon para maipakita ang iba’t ibang kuwento, estilo, at pananaw ng mga Pilipinong filmmaker sa publiko.
Kasama rin sa mga hakbang upang palakasin ang industriya ang mga panukalang nagbibigay ng mas malaking espasyo para sa lokal na pelikula, gaya ng House Bill 6300 o Local Movies Act, na naglalayong magkaroon ng mas pantay na paghahati ng screening time sa pagitan ng lokal at banyagang pelikula. Gayunpaman, nananatiling mahalaga ang suporta ng mga manonood, dahil ang patuloy na pagtangkilik sa pelikulang Pilipino ang nagbibigay-buhay sa mga kuwentong nagmumula sa sariling karanasan ng bansa.
Lumikha, Lumilikha, Lilikha
Mahigit isang siglo nang kasabay ng Pilipinas ang pelikulang Pilipino. Habang nagbabago ang lipunan, nagbabago rin ang mga kuwentong isinasalaysay nito, mula sa mga usapin ng kahirapan at kasaysayan hanggang sa pagkakakilanlan, pamilya, at pang-araw-araw na karanasan.
Sa huli, ang pagpapatuloy ng pelikulang Pilipino ay nakasalalay sa ugnayan ng mga lumilikha at mga tumitingin, ng mga kuwentong nais sabihin at mga taong handang makinig. Dahil ang bawat pelikulang nalilikha ay bahagi ng mas malaking naratibo ng bansa, isang patunay na ang sining ay patuloy na naghahanap ng mas mabuting mundong maaaring mabuo.