
Isinisisi ng pamahalaang lungsod ng Cebu sa misinpormasyon at mga sabi-sabi tungkol sa measles-rubella vaccine ang dahilan kung bakit 486 na magulang ang tumangging pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa pahayag ni Kenneth Siasar, chief of staff ni Mayor Nestor Archival noong Agosto 17, kailangang paigtingin ng siyudad ang kampanya sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon upang tugunan ang mga agam-agam ng mga magulang sa bakuna.
“Ang uban, naa pod mugawas sa hunahuna nga ‘Kuyaw, basin unya’g madisgrasya, basin unya’g musamot ang ilahang sakit,’ ana. But we are now still in the process of giving awareness sa atong mga tawo in terms of the vaccine (Akala kasi ng ibang tao na may mas malalang mangyayari sa kalusugan nila, na mas lalala ang sakit kapag nagpabakuna. Pero patuloy pa rin naming binibigyang-kaalaman ang mga tao tungkol dito.),” saad ni Siasar.
Layunin ng lungsod na mabakunahan ang 90,000 kabataan bago sumapit ang 2028, ngunit sinabi ni Siasar na nasa 10% pa lamang ng target na ito ang naabot ng kampanya nitong Agosto 15.
Samantala, nagbabala naman si Dr. Elisse Nicole Catalan, health consultant ng Cebu Capitol, na ang ganitong pag-aalinlangan ay naglalagay sa panganib sa kalusugan ng mga bata at pwedeng magdulot ng muling paglitaw ng mga nakamamatay na sakit.
“Kung adunay libre nga bakuna apan dili nato pahimuslan, our children remain vulnerable, outbreaks become more likely and public resources may go to waste (Kung may libreng bakuna ngunit hindi natin itutulak o sasamantalahin, mananatiling vulnerable ang ating mga anak, mas malaki ang posibilidad ng mga outbreak, at maaaring masayang lamang ang mga pondo ng pamahalaan),” dagdag ni Catalan.
Binigyang-diin din ni Catalan na noong 2019 ay muling nagkaroon ng outbreak ng polio sa Pilipinas dahil sa mababang antas ng pagpapabakuna sa loob ng ilang taon, matapos ideklarang polio-free ang bansa noong 2000.
Hinimok ng mga opisyal ang mga magulang na sa mga doktor, nurse, barangay health worker, at Department of Health (DOH) sumangguni at magtanong hinggil sa bakuna sa halip na maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media.