
Kyla Edquilane
Sa dinami-raming trends na maaaring salihan, sa lantaran ng kamangmangan pa talaga makikipagsabayan ang mga Iskolar ng Bayan.
Kamakailan lamang, sumikat sa TikTok ang panimulang paksa na “Taga-UP ka? Matalino ka siguro,” na sinusundan ng mga screenshot na nagpapakitang hindi nagamit ng nagbahagi ang kaniyang buong talas ng pag-iisip sa pagtugon sa isang sitwasyon.
Halo-halong mga karanasan at kaligiran ang lumitaw sa daan-daang mga nakisali rito. Maraming mga sadyang nakakaaliw, tulad na lamang ng mga pagkakataong “lutang” na wari’y pansamantalang nagbakasyon ang isip ng nagbahagi at naiwan na lamang siyang mag-isa sa eksena. Ilan sa mga halimbawa nito iyong tinanong kung ano ang kaniyang “relihiyon” ngunit ang kaniyang tahanang “rehiyon” ang isinagot, o iyong nagpadala ng kaniyang profile picture sa Facebook nang hingan siya ng kaniyang kausap ng “DP” na nangangahulugan pa lang “down payment.”
Mayroon din iyong mga nasilo sa mga kaalamang naudlot ang pagtawid sa kanilang kabatiran—paano nga ulit ibinabaybay ang mga salitang “bouquet” at “baccalaureate”? “Rain check” daw, kahit mukhang maaraw naman sa labas? Isa rin sa pinakasumikat na entry rito iyong gumawa ng aktuwal na sertipikong may disenyo sa halip na isang pormal na liham ng katibayan ng pagdalo sa klase na lalagdaan ng kaniyang dalubguro.
Mayroon naman iyong mga sumasablay pagdating sa email etiquette, o iyong mga pagkakataong tila kailangan pang bigyan ng maghapong leksiyon hinggil sa common sense bago tuluyang sumagi sa kanilang isip ang kabuluhan ng kanilang sinabi o ginawa.
May mga entry rin kung saan ginawa na lamang coping mechanism ang paglahok sa trend upang pagaanin ang mga sitwasyong may kalakip na pagkabahala o tahimik na pakikipagbuno. Halimbawa, iyong mga nabiktima ng panlilinlang at iyong mga mismong nakikipagsapalaran sa loob ng pamantasan na literal na sinusubok sa numero ang tibay at tiyaga. Ang iba naman, hindi mo alam kung sadyang inilalaglag ang sarili sa katatawanan o wala lamang talagang ibang magawa sa buhay, gaya ng nagsumite ng 1×1 litrato sa posturang akala mo’y personal niyang idolo si Panying ng pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy.
Subalit hindi mawawala ang mga orihinal na pundasyon ng trend na ito — ang mga batak makiusap para bigyan sila ng karagdagang units o slots tuwing “prerog season,” isang kinagawiang yugto sa UP kung saan sumusugal ang mga estudyante sa paghahanap ng maaari pa nilang mapasukang kurso. Dito matutunghayan ang mga kulang na lamang magsulat ng mala-MMK na kuwento ng buhay, mga sumasayaw, mga kumakanta, o mga handang gawin ang lahat para lamang matanggap sa tinutumbok na klase. Masuwerte kung nagbubunga ang lahat ng iyon. Kadalasan, gayunpaman, nauuwi lamang ang pagsisikap sa kawalang-sagot o tahasang pagtanggi.
Higit sa lahat, hinding-hindi mawawala ang mga taga-UP na salat sa biyaya ng pag-ibig. Ito raw ang kahanay na manipestasyon ng wagas na pagmamakaawang ikinakabit sa karakter ng mga taga-UP. Dito naman masisilayan ang bunton mga talatang napakalaki ng agwat sa haba at bilang kumpara sa mensaheng tugon; iyong mga mistulang mekaniko na pilit inaayos ang kanilang relasyon kahima’t mapailang ulit na itong sadyang sinisira; o iyong mga daig pa ang mga altleta na habol nang habol kahit paulit-ulit na silang ipinagtutulakan at itinataboy.
Mayroon din namang yaong mga mala-Carson ng pelikulang I’m Drunk, I Love You sa tindi ng pagnanais sa isang taong hindi naman magawang suklian ang kanilang pagmamahal.
Sa mga ito, samot-sari rin ang reaksiyon ng mga netizens. Marami ang sumasakay sa katatawanan, ang iba’y nagbigay ng tuwirang real-talk, habang ang ilan nama’y nakikiramay at nag-aabot ng payo. Ngunit, pinakamarami marahil sa talastasan ang tanong na, “ano kaya ang thought process sa likod ng mga pangyayaring iyon?”
Kung sabagay, may punto nga naman. Minsan, hindi tugma sa imaheng ipinapataw sa ating mga mag-aaral ng UP ang mga maliliit at subconscious na pagpapasyang nabubuo natin. Sa loob ng silid-aralan, tinuturuan tayong maging lohikal, mapanuri, masinop, at makatuwiran. Samantala, sa paglabas ng pinto, may mga desisyon at aksyon tayong kusang nababahiran ng emosyon, pagod, kawalang-kamalayan, o desperasyon na absuwelto na sa saklaw ng ating grado.
Sapagkat sa likod ng pagiging “taga-UP,” tao pa rin naman tayo na nagkakamali, nadadala ng damdamin, nauubusan ng lakas, o naiipit sa pagitan ng dalawang masalimuot na pagpipilian. Hindi naman nabubura ang pagiging tao natin sa sandaling pumasok tayo sa isang institusyong may mataas na pamantayan ng kahusayan.
Kaya para sa mga may pagkakataong “nalulutang” ang pag-iisip—ayos lang ‘yan! Minsan, sa dami nating iniintindi at gunam-gunam, hindi na napaglalaanan pa ng sapat na puwang sa isip kahit ang pinakasimpleng mga bagay. Maaaring hudyat lamang ito na kailangan munang pagpahingagin ang iyong utak na araw-araw mong itinutulak hanggang sa sukdulan. Ika nga nila, huminga ka lang.
Para naman sa mga taong ngayon lamang nakatagpo ng mga konsepto o impormasyong pangkaraniwan na sa nakararami, tandaan na wala namang taong kayang malaman o makabisado ang lahat-lahat — kahit pa ang pinakamatalinong tao sa mundo.
Hindi dapat maging batayan ng panghuhusga ang lawak ng kaalamang tangan ng isang tao, dala ng magkakaiba tayo ng pinanggalingan, nakasanayan, at paraan ng paglinang at pagtuklas. Ang mahalaga, hindi nauulit ang parehong pagkakamali sa ating nga palad.
Para sa mga nakaranas ng panlilinlang, hindi sana kailanman sumagi sa inyong isip na kabiguan ang naging ugat ng sitwasyong iyon. Hindi magkakaroon ng panlilinlang kung walang nanlilinlang, at hindi makatarungang sisihin ang sarili sa mga bagay tanging ang oras lamang ang makakapag-bigay alam.
Para sa mga hindi naging biro ang tinahak sa UP bago tuluyang makalabas, ipinagmamalaki kayo at lubos na hinahangaan ang inyong pagpupunyagi. At para sa mga kapwa ko Iskolar ng Bayan na nakikipagsapalaran pa rin sa UP—kaunting kapit pa. Maaaring madapa basta’t muling babangon para abutin ang pangarap.
Para sa mga nakikipag-agawan sa edukasyong patuloy na ginagawang laro ng sistema, huwag natin itong iromantisa sa kabila ng mga biro at banat. Hindi dapat maging taunang seremonya ang pagsusumamo para lamang matamasa ang kalidad na espasyo ng pagkatuto na karapatan naman ng bawat isa.
At para sa mga lason sa pag-aaral ang pag-ibig—wala namang masama at dapat ikahiya sa kung minsang nagpapadala tayo sa tawag ng puso, bilang isa ito sa may pinakamalalakas na puwersang humuhubog sa mga landas na ating tinatahak.
Gayunpaman, gaya ng pagmulat natin sa iba’t ibang isyu sa loob at labas ng pamantasan, kailangan nating matutuhang mamulat sa sarili nating halaga at gamitin ang parehong talas sa pagkilatis sa kung aling pag-ibig ang karapat-dapat ipagpalaban at alin ang unti-unti nang umuubos sa ating dignidad.
Katuwaan man sa mata ng lahat, marami tayong maaaring mapagmunihan sa sinasalamin ng trend na ito. Tulad na lamang ng kung paanong hustong hinuhubog ng pressure ang mga mag-aaral ng UP. Maaari mang may pananagutan tayong maging matalino sa mga pagkilos na nakakaapekto sa taumbayan, ngunit maaari rin naman natin itong tuparin kasabay ng pagharap sa sarili nating mga kahinaan nang may parehong pag-unawang ipinagkakaloob natin sa iba.
Gayundin, ipinapagtanto sa atin ng trend na ito na walang iisa at ganap na hulmahan ng pagiging matalino. Maaaring magaling kang maghimay ng mga kumplikadong suliranin at mahirapan pa ring magproseso ng ibang mga kalakaran. Hindi naman maaaring ihiwalay ang isang pagkilos o pagpapasua sa konteksto nito at doon na agad timbangin ang buong pagkatao ng isang Iskolar o ng kahit sino pang tao.
Hindi ibig sabihing huwad ang ating angking talino sa isang iglap na hindi natin naisakatuparan ang pinakamatalinong hakbang. Ang kahandaang unawain at tanggapin ang katotohanang ito, sa ganitong konteksto, ang siyang tanda ng isang tunay na matalino.