Sana may oras din ng dalaw ang langit para masabi ko sa’yo kung gaano kita kamahal

Mike Gil Padayao at Jett Morales

Nangangalawang na ang mga medalya sa aking taguan.

Nababalot na ng alikabok ang aking mga tropeyo.

Ilan naman sa mga sertipiko ko’y hindi na maaninag—gusot-gusot na. 

Marami na akong tagumpay, pero kahit isa sa mga ito’y hindi mo na nasaksihan.

Isa lang naman ang hiling ko: ang makita ka sa likod ng mga madla—pumapalakpak nang pinakamalakas para sa mga pangarap ko na ikaw ang nag-udyok.

Ilang entablado na aking natungtungan.

Ilang beses nang natawag ang aking pangalan.

Ilang taon na ang ginugol para mahanap ka.

Pero, wala ka. 

Hindi kita nakita. 

Hindi mo ako nakita.

Dahil siguro, hindi mo na ako makikitang tumatahak sa landas ng bawat tagumpay ko.

Marahil hindi agad lumulubog sa aking kamalayan ang katotohanang wala ka na sa mismong araw na tuluyan ka nang nagpaalam. Sa gitna ng pagdadalamhati, may mga sandaling para bang pansamantala ang lahat.

Na sa anumang saglit, muling kakalkal ang susi sa pintuan, muling sasalubong ang iyong mga hakbang, at muling mauulit ang mga payak na tanong na dati’y hindi ko binibigyang-halaga.

Kusa pa ring hinahanap ng aking puso ang iyong anino sa mga sulok ng tahanan at sa mga oras na aking kinagisnan, ngunit ang katotohanan ay hindi dumarating na tila sigwa kundi dumarating ito nang paunti-unting pagpatak, sa mga tahimik na sandaling wala na tayong masilungan, matawagan, o mahihintay na umuwi.

At doon ko lamang lubos na naunawaan na may mga pamamaalam palang hindi na kayang suplingan ng pagbabalik, at may mga taong gaano man natin yakapin sa ating alaala ay hindi na kailanman muling hahawak sa ating mga kamay.

Sa pag-agos ng panahon, natututo akong bumuo ng kanilang rebulto sa mga naiwang pira-pirasong labi ng kanilang pag-iral. Sa damit na nagtataglay pa rin ng pamilyar mong halimuyak, sa resipe ng pagkaing minsan mong inihain na sinusubukan kong gayahin, sa mga paulit-ulit na birong dati’y nakakairita ngunit ngayon ay tila musika na, at sa mga aral na noon ay itinuring nating ingay lamang.

Hindi rin maiwasang gumapang ang inggit sa aking dibdib kapag nakikita ko ang iba na malayang yumayakap sa kanilang mga mahal sa buhay.

May lihim na sugat na bumubukas habang pinapanood ang mga pamilyang buo sa hapag-kainan, ang mga anak na nakakapagsumbong pa sa kanilang magulang, o ang magkakaibigang buo ang paniniwalang may bukas pa silang paghahatian.

Hindi ito dahil sa pagnanais na mawala ang kanilang ligaya, kundi dahil sa pag-asam sa sarili kong nakaraan—noong ang oras ay tila walang hanggan, noong ang mga yakap ay hindi pa binibilang, at noong ang mga salita ay malaya kong ipinagpapaliban dahil sa malalim na pananalig na “may bukas pa.” 

Marahil, ito ang isa sa pinakamapait na latay ng pagkawala, ang makitang tuloy-tuloy na umiikot ang mundo ng iba habang ang sarili kong mundo ay huminto sa araw na umalis sila.

At sa tuwing lumilipas na ang kalendaryo, unti-unti na ring nagbabago ang ihip ng hangin.

Mga kaarawan. Pasko. Graduation.

Sa mga araw na inaasahan kong mapupuno ng tawanan at kasiyahan, may isang bahagi ng aking sarili na tahimik na naghihintay sa presensyang hindi na darating.

Maaari pa ring magkaroon ng handaan, makatanggap ng pagbati, at makisabay sa tawanan ng mga taong nasa paligid ko, subalit may pangungulilang hindi kailanman kayang takpan ng ingay ng pagdiriwang.

Kung may oras lamang ng dalaw ang langit, ang nag-iisang panalangin ko ay marahil ang makahiram kahit isang saglit—upang maipagtapat ang mga hindi nasabing salita, maiyak ang mga natagong luha, at maiparamdam ang pagmamahal na hindi naipahayag noong ika’y narito pa.

Dahil sa dulo ng lahat, hindi ko hinihiling na baguhin ang itinakda ng tadhana. Ang tangi ko lamang na minimithi ay ang makatayo muli sa iyong harapan, yakapin nang higit pa sa huling pagkakataon, bago muling padaluyin ang panahong walang habas sa pag-agos.

Ilang taon na ang nagdaan—hinahanap ko pa rin ang kahulugan ng buhay ko nang lisanin mo kami. 

Bawat segundo. Bawat minuto. Bawat oras.

Unti-unti kong natutuhang magpatuloy.

Pero mahirap pala talaga. Ang akala ko kasi kapag itinulog ko lang ang bawat hikbi ay maiibsan na ang bawat dalamhati. 

Akala ko kaya ko. Akala ko kakayanin ko. Akala ko kakayanin ko na.

Akala ko lang pala.

Sa tuwing maiisip ko kung paano ka kinuha sa amin ng langit, hindi ko magawang hindi magtanim ng sama ng loob. Para akong isang takureng paulit-ulit lamang kumukulo, umuusok, at naghihimutok sa kawalan. Para akong isang sirang plakang bumubuntong-hininga sa mga tanong na gumagambala sa akin.

Ilang palito pa ba ng posporo ang lilingas?

Ilang kandila pa ba ang sisindihan?

Ilang bulaklak pa ba ang iaalay?

Dahil hindi ako nagsawang kwestiyunin ang langit kung bakit napakaaga, kung anong rason, at kung anong saysay. Gabi-gabing saksi ang aking mga unan sa paghahangad ng kalinga mo. May mga panahon ding bigla na lang sasagi sa isip ko kung bakit sa mga pinakapayak na araw ay bigla ko na lamang maaalalang hindi ka na pala babalik.

Kung bakit ba kasi bumiyahe ka sa rutang papuntang langit kaya hindi ka na ngayon makababa riyan. 

Kung bakit ba kasi nagpakuha ka pa sa mga UFO kaya tumigil ang mundo mo. 

Kung bakit ba kasi napakabilis mong tumakbo kaya hindi na agad kita naabutan.

Wala—madaya ka.

Dahil nang pinagkaitan ka ng pangalawang buhay, para na rin akong binawian ng buhay. Hindi lang naman kasi buhay mo ang kinuha sa akin, kundi pati ang mga alaalang mananatili na lamang alaala. 

Hindi ko na maririnig ang boses mo.

Hindi ko na masisilayan ang ngiti mo.

Hindi ko na mararamdaman ang yakap mo.

Hindi ko na matitikman ang masasarap mong putahe.

Noong bata ako, akala ko ‘yong pagkakaroon ng sugat mula sa pagkakadapa ang pinakamasakit. Pero habang lumalaon ang panahon, sinampal nito sa akin na mali pala ako. Dahil noong bata ako, maaga akong nagkaroon ng sugat, hindi tipikal na sugat. Ito ang sugat na natutuhan kong indahin anumang panahon ang dumating.

Ito ang sugat ko na hindi ko pipiliing maghilom.

Ito ang sugat ko na kahit anong budbod ng gamot ay hindi na malulunasan.

Ito ang sugat ko na mananatiling bukas—nang sariwa kailanman.

Alam ko namang hindi trapiko, hindi ko lang kayang umusad dahil hindi ko alam ang ruta kung saan muli kitang mahahagkan.

At kung ang pangungulila ko lamang naman pala ang magbibigkis at magdurugtong sa mga alaalang minsan nating pinagsaluhan—hindi ako magsasawang magluksa at balikan ang mga ito. 

Sapagkat kung pipiliin kong umusad, para ko na rin bang inilibing at kinalimutan ka?

Hindi naman tuluyang mawawala ang pangungulila, nasanay lang siguro akong pasanin ang bigat sa paglipas ng panahon. 

Dahil siguro, hindi naman talaga paglimot ang pag-usad. Nag-iiba man ang paraan ko ng pagdadalamhati, pero hindi nito inilalayo sa akin ang bahagi ng buhay ko noong nabubuhay ka pa.

Sana nananaginip lang ako. Sana panaginip na lang ang lahat ng ito. Sana sa panaginip ko man lang ay magpakita ka.

Sana may oras din ng dalaw ang langit para masabi ko sa’yo kung gaano kita kamahal.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...