
“And the winner is… Broken leadership!”
Matapos “ipagtanggol” ang administrasyon laban kay Baste Duterte noong nakaraang buwan, sinibak si Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III sa kaniyang poste, sa bisa ng memorandum na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Isang utos na walang paliwanag, tila isang tahimik na sampal na mas malakas pa kaysa mismong hamon sa ring.
Matatandaan na sa tatlong buwan niyang panunungkulan bilang PNP chief ay naging mabunga. Sa kaniyang karera, nadakip ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa kinakaharap nitong kasong ‘crime against humanity’ sa International Criminal Court (ICC). Naging tanyag rin siya sa kaniyang patakarang five-minute response ng mga pulis sa tawag ng pangangailangan. At noong Setyembre ng nakaraang taon, bilang Davao Chief, ay nasakote niya ang Kingdom of Jesus Christ leader na si Apollo Quiboloy.
Sa kabila ng mga ito, hindi ito biglaang nangyari. Sa isang explainer ng Rappler, ipinaliwanag nito na nahatong sa tanggalan ang alitan ng National Police Commission (Napolcom) at ni PNP Chief Torre dahil na rin sa mga mga appointment at reposition nang hindi dumadaan sa Napolcom. Kabilang dito ay ang maugong na pagkakalipat ni Deputy General Melencio Nartatez Jr, sa Western Mindanao Command.
Bakit mahalaga ang isyung ito sa masa? Pagpapakita kasi ito na bagamat may hangaring magdisiplina ang pangulo ay mas mahalaga sa kaniya na ayusin ang lamat na ito sa burukrasya ng kapulisan kaysa mas pagtuunan ng pansin ang paghahanap ng kasagutan at pagpapanagot sa mga mandarambong ng flood control sa DPWH. Ayon na rin sa Makabayan bloc, ay isa itong pagpapakita ng bitak-bitak at malawak na pagkakahati sa loob ng Administrasyong Marcos, Jr.
Sa panlipunang perspektibo, ang pagpapauna sa ganitong mga isyu ay maituturing na paglihis sa mga kasalukuyang problema na mas nangangailangan ng aksyon. Dahil panahon na naman ng tag-ulan at baha, malawakan ngayon ang imbestigasyon sa mga patong-patong na korapsyon sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Habang nagkakandaugaga ang kapulisan na ayusin ang kanilang hanay ay siya namang paghahanap ng mga tao sa kakulangan ng pagtugon ng pamahalaan sa mga danas ng sambayanan—problemang pangkalusugan, kabuhayan at bilang bunga, kakulangan ng pagkain. Mahalagang maunawaaan na hindi lang flood control ang isyu rito, babalik at babalik tayo sa accountability at pagbibigay ng agarang aksyon sa mga mas mahalagang bagay. Maaaring tignan ang mga pangyayari bilang “Corruption over another corruption”. Ang talunan sa huli ay ang dapat na serbisyo at seguridad para sa mamamayang Pilipino.
Ang pagkakabitak at pag-aaway sa loob ng PNP ay isang pagpapakita ng isang ng kahinaan sa iisang direksiyon at pamumuno, gayundin ng patuloy na tensyon sa pagitan ng personal na interes at kolektibong tungkulin.
Sa malayong banda, maaaring may taktik ulit ng pangulo sa pagtatangka na pababain ang tensiyon. Makikita ang posibilidad na ilagak ang kampeon na si Torre sa ibang posisyong pamahalaan, tulad ng courtesy resignation noong Mayo matapos ang eleksiyon. Sa lente kasi ng isang leader, tapat, maasahan at loyal naman si Torre.
Subalit ang ganitong galaw ay hindi simple na posibleng administratibong hakbang. Kung nagkatotoo ay pagpapakita ito kung paano mas pinapahalagahan ng pamunuan ang paghawak sa kapangyarihan at pagbalanse sa mga paksyon kaysa sa pagpapatatag ng institusyon. Sa lente ng isang lider, maituturing ngang tapat, maasahan, at loyal si Torre. Ngunit sa lente ng mamamayan, hindi sapat ang personal na loyalty kung ang kapalit naman ay kawalang-katiyakan sa direksiyon ng pambansang pulisya.
Sa huli, ang pagtanggal kay Torre ay nagsisilbing paalala na sa pulitika at pamahalaan, walang tunay na permanente—maging ang mga tinaguriang kampeon ay maaaring mabuwag sa gitna ng alitan at interes. Ngunit ang mas mahalagang tanong ay hindi lamang kung sino ang papalit, kundi kung paano muling maitatag ang tiwala ng taumbayan sa isang institusyong paulit-ulit na yayanigin ng mga banggaan sa itaas.
Sa halip na unahin ang pagresolba sa mga anomalya sa flood control projects ng DPWH—isang usaping malinaw na may direktang epekto sa kaligtasan at kabuhayan ng mamamayan—mas pinili ni Pangulong Marcos Jr. na ituon ang atensyon sa intriga at kontrol sa loob ng PNP.
Kung ang liderato ng pambansang pulisya ay patuloy na magiging larangan ng personal na interes, at kung ang mga kritikal na usaping tulad ng korapsyon sa imprastruktura ay mananatiling nakatengga, mananatiling talunan ang mga mamamayan na higit na nangangailangan ng tunay na serbisyo, seguridad, at pananagutan mula sa kanilang gobyerno.