
Zaijan Aromin Simeon & Maria Miguelle Aquino
Banaag sa mata ang nakukubling hiwaga ng sangkap na tila hinugot sa pinakamalumanay na ulap.
Bago pa man humalik sa panlasa, tila kabisado na ito ng diwa, dala-dala ang kakayahang ibalik ang piraso ng pagkabata. Sa bawat kagat ay hindi lamang asukal ang nalalasap, kundi pag-asang marahang nagtatagpi sa mga pangarap na minsang inakalang suntok sa alapaap.
Madalas masilayan ang kariton ng cotton candy sa mga kalsada ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo, ngunit para kay Andriana Joy Nepacina, 23 taong gulang, ito na ang mundong kaniyang kinamulatan.
Mula nang siya’y isinilang, kasabay nang nahabi ang kaniyang ambisyon sa mga hugis-ulap na panghimagas na nililikha ng amang si Amorlito Nepacina. Marahil hindi nagkataon na mayroong Amor sa kaniyang pangalan, sapagkat pag-ibig ang nagpapanatili ng tamis sa mga araw na tila mapait ang timpla ng buhay.
Kaya para kay Andriana, ang kariton ng kaniyang ama ay isang marangal na hanapbuhay na hindi ikinahihiya, kundi ipinagmamalaki bilang malaking bahagi ng kaniyang kuwento.
Kariton ng kahapon
Habang ang iba’y inihahatid ng mga sasakyan, isang kariton ang marahang umaruga sa batang Andriana.
Sa bawat lansangang tinatahak nila ng kaniyang ama ay hindi mawawala ang mga simpleng meryenda, nakahahawang tawanan, at walang-sawang kuwentuhan — mga alaalang hindi kayang tumbasan ng anumang karangyaan. Minsan, naitanong niya sa kaniyang ina kung bakit naka-kotse ang kaniyang mga kaklase samantalang sila ay wala. Ngumiti lamang ito at sinabing, “Okay lang iyan, may kariton ka naman” — mga salitang naging paraan upang ipadama na sapat ang mayroon sila.
Mula rito, tila nabatid niya ang kahulugan ng pangalang ipinagkaloob sa kaniya, sapagkat sa payak na simula unang naintindihan ang puso niya ang salitang ligaya.
Tulad ng karitong dumaraan sa mga bako-bakong lansangan, hindi rin naging banayad ang buhay na kanilang tinahak. Tahimik na naging saksi ang kariton sa bawat pagsubok at pagkakataon, hanggang sa magbago ang papel na ginampanan nito sa kanilang pamilya.
Hindi pa noon pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ang kariton. Sa loob ng halos dalawampu’t limang taon, karagdagang pinagkukunan lamang ito ng kita habang nagsisilbi bilang janitor sa Morning Dew Montessori ang ama. Ngunit nang mawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya, ang karitong minsang pandagdag lamang sa kabuhayan ang tuluyang naging pangunahing sandigan ng pamilya.
Mula noon, nasaksihan ni Andriana ang walang pagod na pagkayod ng kaniyang ama sa ilalim man ng tirik na araw o malakas na ulan upang maging puhunan sa kaniyang pangarap na makapagtapos sa Ateneo de Manila University (ADMU) sa kursong Bachelor of Science in Legal Management.
Kahit pasan ang bigat ng araw-araw, hindi kailanman sumuko ang kaniyang ama. Ang karitong nagdala sa kaniya simula pagkabata ang naghatid sa kaniya palapit sa mga pangarap.
Ikot ng tadhana
“Para kanino ko ba ito ginagawa? Paano ako susuko kung ang nagpapaaral sa akin ay hindi sumusuko sa paghahanap-buhay?” ito ang mga katagang patuloy na umaalingawngaw sa bawat sulok ng isipan niya sa kanyang landas tungo sa rurok ng tagumpay, ayon sa kanyang sagot sa interbyu ng Explained PH. Ang sangkap ng dangal at husay ang kanyang hinahabi upang makamtan ang pinakamatamis na bunga.
Mula sa dumadagundong na hiyawan at umaapaw na kulay ng iba’t ibang unibersidad sa istadyum ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), kung saan unang nahubog ang kanyang paghanga sa isang tanyag na Filipino Volleyball player na si Alyssa Valdez, ay nakuha niyang sungkitin ang ideya na maging parte ng ADMU.
“Seeing my parents work tirelessly every day, especially my father selling cotton candy, made me understand that education was also the best way I could help give them a better life in the future,” (Dahil sa walang pagod na pagtatrabaho ng aking mga magulang araw-araw—lalo na ng aking ama na nagbebenta ng cotton candy—napagtanto kong ang edukasyon ang pinakamainam na paraan upang matulungan silang magkaroon ng mas magandang buhay sa hinaharap.) ang karugtong na daloy ng mga salita na sinambit ni Nepacina.
Ang paslit na hinubog ng munting kariton ng bulak na kendi ay ngayong tumatayo bilang iskolar ng isang prestihiyosong paaralan — isang simbolo ng walang humpay na pag-alab ng kanyang mithiin na wasakin ang pader ng limitasyon ng kahirapan at iahon ang buong pamilya sa ngalan ng maginhawang kinabukasan.
Ang tadhana ay may sariling mekanismo upang laruin ang umiikot na makina ng buhay. Kaakibat ng pagiging iskolar ang bigat ng tanong kung tunay ba siyang nabibilang sa mundong minsang inakala niyang hindi para sa kaniya.
Subalit, sa kabila ng lahat ay muli siyang bumangon, lumaban, at nanungkulan sa iba’t ibang organisasyon ng Ateneo — tulad ng Ateneo COMELEC (Electoral Officer for Communications & Comelectures Creative Management Head), Ateneo AEGIS (Projects Associate Head for Logistics), Ateneo LEX (Lex for a Cause Partnerships Deputy), at JGSOM Sanggunian (Community Building Officer) — upang magbigay-balik sa biyayang mga dumaan.
“Those experiences inspired me to one day pay forward the kindness and opportunities that were given to me,” ani Nepacina. Sa bawat organisasyong kanyang pinasukan, at ginampanan itinatak niya sa kanyang pagkatao ang layunin na hindi lamang pagtibayin ang sarili kung hindi pati na rin ang pagbabalik-tanaw sa komunidad na humubog sa kanya. Isang lider ang unti-unting umusbong mula sa mga binhi ng oportunidad na dala ng edukasyon, isang lider ang handang magsilbi para sa bansa.
Para sa pamilya. Para sa bayan. Para sa batang unang kumislap ang mga mata sa bawat hibla ng kendi.
Pagwasak, pagtulak, pag-apak
Nalulusaw man ang ulap sa ilalim ng ulan, hindi nito kayang tangayin ang pag-asang matagal nang pinanghahawakan.
Sa pagbabalik-tanaw ni Andriana, hindi naging madali ang mga unang hakbang sa Ateneo. Bago pa man niya matawag na Atenista ang sarili, kinailangan munang mag-ipon ng kanilang pamilya ng ₱600 sa gitna ng pandemya upang maipasa ang kaniyang aplikasyon sa ADMU.
Sa panahong ang bawat pisong naitatabi ay may katumbas na pangangailangan, ipinuhunan nila ito sa isang pagkakataong hindi nila tiyak kung magbubukas ng pinto o tuluyang magsasara. Hindi nasayang ang kanilang pagtaya. Mula sa isang aplikasyong sinabayan ng pagkabalisa, nabuksan ang pintong naghatid kay Andriana sa financial aid scholarship.
Hindi pa man tuluyang tumitibay ang kaniyang mga hakbang sa Ateneo, isang mabigat na hamon agad ang kaniyang hinarap. Sa unang taon niya sa kolehiyo, hindi niya nagawang maipasa ang Calculus. Kasabay ng markang iyon ang pag-aalalang mawala ang kaniyang scholarship. Bilang isang iskolar, mabigat ang pananagutang mapanatili ito, at sa isang iglap ay tila nakasalalay sa iisang asignatura ang lahat ng pinaghirapan at itinaya ng kanilang pamilya.
Habang inaalalayan siya ng Office of Admission and Aid sa proseso ng kaniyang apela, patuloy namang ipinaalala ng kaniyang mga magulang na naniniwala sila sa kaniya, maging sa mga sandaling siya mismo ang nawawalan ng tiwala sa sarili. Hindi nila hinayaang ang isang marka ang magtakda ng kaniyang halaga.
Mula sa karanasang iyon, mas naging mabigat ang bawat galaw bilang iskolar. Ipinagpalit niya ang pahinga at oras sa pag-aaral, at maraming pagkakataong tumanggi sa mga paanyaya ng mga kaibigan upang makapagtuon ng pansin sa akademiko at sa kaniyang mga tungkulin sa pamumuno.
Kaya nang tuluyan niyang maapakan ang entablado upang tanggapin ang kaniyang diploma, bawat hakbang ay pasan ang mga taong hinubog ng pagod, pananalig, at pagmamahal ng kaniyang pamilya. Ang karitong minsang humakot ng mga ulap ang siya ring humubog sa abot-langit na kinabukasan ng isang anak.
Tamis ng kinabukasan
Isang takal ng asukal, isang hangarin ang umiikot sa makina ng pagkakataon.
Habang patuloy niyang sinusuong ang kanyang legasiya papunta sa pagiging abogado, baon niya ang matamis at mainit na pagmamahal ng kanyang magulang. Dala-dala niya ang umuusbong na adhikain na bigyang diin ang mga boses na tinatangkang lupigin ng kadiliman at ang mga boses na nais makawala sa limitasyon na minsan ding humadlang sa kanya.
Sa paglipas ng mga pahina, ang munting kariton ay habang-buhay na magiging tatak ng walang katapusang pagragasa ng pag-asa, pagod, sakripisyo, at pagmamahal. Sa bawat bulak ng kending inihain sa lansangan ay katumbas ng tapang na tahakin ang mga landas na noon ay hindi pa naabot ng mga kalyadong kamay. Walang pangarap ang mabubulok sa taong punong-puno ng paninindigan na ipaglaban ito — kahit na ang buhay ay hindi kasintamis at lambot ng isang cotton candy.