
Kriztelle Sitoy
Humiling ang Commission on Higher Education (CHED) ng P33.9 bilyong pondo para sa taong 2026 upang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng libreng kolehiyo at mga subsidiya nang sa gayon makapag-aral kahit ang mga Pilipinong may suliraning pinansyal.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations noong Setyembre 11, sinabi ni CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis na P20.7 bilyon ang nakalaang badyet sa Tertiary Education Subsidy (TES) habang P6.7 bilyon naman sa Free Higher Education Program.
Ayon kay Agrupis, umabot na sa 5.2 milyong estudyante ang kasalukuyang naka-enroll sa tertiary level dahil sa suporta ng pamahalaan sa ilalim ng RA 10687 o The Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act (UNIFAST).
“Today, the enrollment in tertiary education reaches to historic 5.2 million [students]. This is due to the continued support of the government under the UNIFAST law,” ani Agrupis.
Binigyang-diin din niya na habang mataas ang bilang ng mga naka-enroll sa business, administration, at law, nananatiling mababa ang bilang ng mga pumapasok sa priority fields gaya ng ICT, agroforestry, arts and humanities, at natural sciences.
“In the bachelor’s degree, which ranges from [4- to 5-year program], the attrition rate is really very unfortunate, which is 29.39 percent with the graduation rate of 62.8 percent,” dagdag niya.
Gayunpaman, sinabi ni Agrupis na tumaas din ang bilang ng mga nagtapos sa nakalipas na taon, mula 275,000 noong 2020–2021 tungo sa 805,000 sa kasalukuyan.
“This make us catch up the participation rate in the ASEAN region. Before, we lag behind several ASEAN countries. Now, we are catching up second to Singapore in terms of participation rate,” aniya.
Nilinaw ng CHED na kailangan ng karagdagang P15 bilyon upang tuluyang masustentuhan ang libreng edukasyon, masuportahan ang mahihirap na estudyante, at matugunan ang kakulangan sa imprastruktura at standardisasyon ng matrikula.
Sa panukalang “wish list” para sa 2026, nais ng CHED ang patuloy na pondo para sa student subsidies, modernisasyon ng pasilidad, standardisasyon ng tuition fee, at pagpapatayo ng mga dormitoryo at silid-aralan sa mga state universities and colleges (SUCs).
Nagbabala ang ahensya na kung hindi ito matutugunan, libu-libong estudyante ang maaaring ma-displace at tataas pa ang attrition rate.
Kasabay nito, inilunsad ng CHED ang pitong-puntong “ACHIEVE” agenda na nakahanay sa Marcos administration’s socioeconomic program.
Sakop nito ang Advanced at Accessible Lifelong Learning, Centralized Human Capital Development Plan, Harmonized SDG-Based Research and Innovation, Integrated Real-Time Data Collection and Analytics, Expanded Internationalization, Vitalized Policies and Governance, at Effective Public Service.
“I would just like to emphasize that our seven-point agenda that is dedicated to address the seven challenges that we earlier identified is anchored in our national vision and our national goal,” ani Agrupis.
Samantala, tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Finance, ang kanyang suporta sa pagpapatupad ng repormang ito.
“As Chairman of the Senate Committee on Finance, I will ensure that the education budget we plan to create for 2026 will help CHED realize its ‘ACHIEVE’ agenda,” ayon kay Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, dapat mailinya ang pondo ng edukasyon sa mga prayoridad ng CHED, kabilang ang pagresolba sa job-skills mismatch, pagpapaigting ng internationalization, at pagpapalakas ng data collection at analytics.
Batay sa datos ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), bumaba ang pondo ng CHED para sa 2026 sa P34 bilyon kumpara sa nakaraang taon.
Sa kabuuan, 97.4 porsyento ng pondo o P33.1 bilyon ang mapupunta sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), 1.7 porsyento o P575.3 milyon para sa Personnel Services, at 0.9 porsyento o P295.4 milyon para sa Capital Outlays.
Ngunit nananatiling hamon ang mababang budget utilization ng CHED, na bumagsak mula 82 porsyento noong 2022 tungo sa 57.5 porsyento noong 2024, dahilan upang lumobo sa P22.5 bilyon ang unused appropriations.
Kasama ring isyu ang mataas na dropout rate sa ilang rehiyon, kabilang ang 93.4 porsyento sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 60.7 porsyento sa Region 7, at 59.9 porsyento sa Region 9.
Nananatiling limitado ang epekto ng TES dahil bumaba ito sa P10,000 kada semestre, sapat lamang para sa mga kursong may mababang matrikula.
Bukod dito, nananatiling suliranin ang job-skills mismatch kung saan ang mga college graduate ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng mga walang trabaho.
Sa June 2025 Labor Force Survey, lumabas na 50.4 porsyento ng unemployed ay mga nakapagtapos ng kolehiyo.
Iniriin ni Agrupis na kritikal ang dagdag na pondo upang hindi mapilitang tumigil sa pag-aaral ang libu-libong estudyante.
Dahil kung walang dagdag na pondo, tataas pa ang attrition rate at maraming kabataan ang mawawalan ng pagkakataong makapagtapos.
Inaasahan ang masinsinang deliberasyon sa kongreso hinggil sa pondo ng CHED para sa 2026.