
John Aldrin Cullat
Matapos ang apat na taong pagkakaantala mula sa finals, muling aarangkada ang Chery Tiggo Crossovers matapos idiskaril ang Cignal HD Spikers, 25-17, 16-25, 25-21, 25-23, sa semifinals ng 2025 PVL on Tour nitong Martes, Agosto 12 sa Smart Araneta Coliseum.
Huling napasakamay ng Crossovers ang silya sa finals noong 2021 PVL Open Conference na pinangunahan ni Jaja Santiago na nagdala sa kanila ng kauna-unahang korona sa naturang torneyo.
Hindi pinalampas ni Ara Galang ang pagkakataon para sa kanyang unang PVL finals appearance, matapos kumolekta ng 15 puntos mula sa 14 kills at isang block, kasabay ng 15 puntos ni Cess Robles at 12 puntos ni Imee Hernandez.
“Oo nga po eh [first PVL finals]. Sobrang saya, sobrang saya lang ng nararamdaman ko. Ngayon siguro mage-enjoy, pero onto the next na rin…ayoko nang tumigil dito,” saad ni Galang sa panayam ng ABS CBN News.
“Nasa finals na kami, so ‘yung opportunity gusto ko lang talaga i-grab. Pero masaya, sobra,” dagdag pa niya.
Bago makuha ang finals ticket, dumaan muna sa matinding pagsubok ang Crossovers matapos sumugod ang HD Spikers sa huling bahagi ng ikaapat na set.
Nirespondehan ng reserve spiker na si Heather Guino-o ang nawawalang signal ng HD Spikers gamit ang krusyal na ace kasabay ng tatlong kills ni Erika Santos matapos idikit sa single digit ang bentahe ng Crossovers, 22-23.
Subalit agad naapula nang tumipa ng atake si Hernandez na agad sinagot ni Santos, 24-23, bago isalpak ni Galang ang pampanalong crosscourt hit.
Matindi rin ang ipinakita ni Santos na nagtala ng 26 puntos mula sa 22 attacks at apat na blocks, ngunit nabigo pa ring itulak ang HD Spikers laban sa pinagsamang opensa ng Crossovers.
Samantala, haharapin ng Crossovers ang PLDT High Speed Hitters na nagpatalsik sa 10-time PVL tiltist na Creamline Cool Smashers sa darating na final series, Linggo, Agosto 17 sa Mall of Asia Arena.