Lunod sa kahirapan, new normal?

aljacutinEditorials33 minutes ago

Hindi lamang sa baha nalulunod ang mga Pilipino kundi sa mga tagpi-tagping resolusyon at pagpapaliban sa kahirapang nararanasan dahil ito ay “new normal” sa mata ng pamahalaan.

Ang mga kasalukuyang pagbaha sa bansa ay mga resibo ng kakulangan at kagahaman ng gobyerno. Ngayong Agosto, lubos na binaha ang ilang bahagi ng CALABARZON at Metro Manila. Dito makikita ang pagpapahirap sa mga Pilipino kapag usaping baha na hindi nabibigyan ng sapat na atensiyon at konkretong solusyon ng pamahalaan kahit ilang beses nang pinagdadaanan taon-taon. Hindi natatapos ang laban sa pagharap sa tinatawag na “new normal” na ang pagbaha, dahil ang kalaban ay ang mga tiwali at ang mga walang modo na naghaharing-uri.

Ang mga elitista tulad ni Pangulong Marcos Jr. ay ignorante sa epektong bunsod ng labis na pag-ulan sapagkat hindi niya kailanman naranasan ang delubyong dala nito. Halintulad sa nangyari sa Pampanga, lubog sa baha ang ilang parte ng lalawigan. Hindi kukulangin sa 269,775 na pamilya ang apektado ng baha na umaabot ng 6 ft hanggang 14 ft. Nasaan na ang kasabihan na “hanggang tuhod na lamang ang baha”? Hindi magiging sukat ng progreso ang kabawasan sa lebel ng tubig-baha na patuloy na tinitiis ng mga mamamayang Pilipino. 

Sawa na ang lahat sa paghihirap at sa buwis-buhay na pagtitiis sa problemang noon pa dapat binigyan ng solusyon. Kumbaga, insulto para sa mga biktima at may pang-araw-araw na danas ang pagtawag sa baha bilang isang “new normal”. 

Kaakibat din ng delubyong dala ng pagbaha ang kabagalan ng katarungan sa kinurakot na flood control budget ng mga walang-hiyang kontratista tulad ng mga Discaya at dating Congressman Zaldy Co at ilang opisyal ng gobyerno tulad ni Senator Estrada, Ex-House Speaker Martin Romualdez at Senator Joel Villanueva. Mga substandard na proyekto at ghost projects ang tumihaya sa harap ng publiko na nagresulta sa mas pinairal na paghihirap at pakikipatintero sa kamatayan. Patuloy ang pagtatanong at pag-iimbestiga sa korte at ang pagpaplano para sa “master plan”. Ngunit nasaan na ang pagkilos sa pagpapatupad ng standardized na flood control sa ilang kritikal na lugar tuwing tag-ulan? Buhay ang kapalit dahil sa substandard projects na hindi man lang kayang masolusyunan noong umusbong ang isyu sa flood control. 


Ilang milyong Pilipino ang apektado kada taon at hindi kukulangin sa 215 ang nasasawi dulot ng pagbaha. Hindi na maituturing na isang “natural disaster” ang sanhi ng paghihirap; resulta na rin ito ng pangungurakot at pagpapaikot sa mga mamamayan ng Pilipinas. 

Taon-taon, halos 20 na bagyo ang dumadaan sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA. Dahil sa hindi maiwasang katotohanang ito, taon-taon ang digmaan ng mga mamamayan laban sa kapahamakan upang mapanatili ang kanilang mga kabuhayan at sa bawat pagkakataon, paulit-ulit lamang ang mga mensaheng iniaabot ng mga nasa itaas: ‘be resilient’ o ‘maging matatag kayo’. 

Nakababahalang isipin na matagal nang ipinapaigting sa mga Pilipino ang konsepto ng resiliency na ito, kung saan pinipilit tayong manatiling matatag, matapang, at matibay sa kabila ng masasamang dulot ng pagbaha, kahit nawawasak na ang mga tahanan, natatangay na ang mga komunidad, at nalalagay na ang buhay ng milyon-milyong Pilipino sa panganib. Kung kalikasan ang kalaban, walang labis na magagawa ang tao upang ipatigil ito. Kaya naman, nakagagalit na inaasahang kaya ng bawat Pilipino ang tiisin at labanan ang mga sakunang hindi naman nila hiniling na harapin. 

Totoo naman na kahanga-hangang katangian ang resilience, pero hindi dapat ito maging trademark ng bansa dahil lang palagi itong tinatamaan ng sakuna o kalamidad, na sa katotohanan ay pinalalala lamang ng walang hiyang korapsyon at pagiging kurakot ng mga tinaguriang ‘servants of the public’. 

Walang problema ang mga Pilipino pagdating sa katatagan, ngunit hindi dahil nasa dugo at kultura na natin ito ay dapat tayong mabuhay kasabay ng pagsubok, pighati, at panganib. Ilang taon nang inuuto ang masa ng mga pangako ng ‘tulong’ at ‘serbisyo’, pero sa kalagitnaan ng kalamidad, habang nag-aagaw-buhay ang mga mamamayan laban sa dagsa ng baha, nananatiling bulag ang mga opisyales na kinukuha lamang ang pera ng sambayanan, ginagawang mangmang ang taumbayan, at ipinapahamak ang ating kinabukasan.

Gayunpaman, kahit na nangyayari ang masasamang suliraning ito, buhay na buhay pa rin ang sistema ng “ayuda”. Nitong Pebrero 2026, naitala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 100 percent payout ng kanilang Emergency Cash Transfer (ECT) na ipinamigay sa mga pamilyang apektado ng Typhoon Tino. Mayroon ding P360 milyon na pondong ipinamahagi ng DWED nitong July 2026 upang makatulong sa biktima ng malakas na baha noon. Bagaman nakatutulong nga ang mga ayudang ito upang ipanumbalik ang mga nawasak na komunidad, hindi dapat ito ang maging pangunahing aksyon ng gobyerno sa pagsagip ng mga mamamayan. 

Ito ay isang matinding halimbawa lamang ng band-aid governance, na nagbibigay lamang ng panandaliang lunas sa matinding sakit na dinaranas ng buong Pilipinas. Matagal nang umiiral ang sistemang ito sa pamahalaan, ngunit panahon na upang umaksyon laban sa hamon, bago at habang nangyayari ito—hindi kung kailan lunod na ang buong kapuluan. Ang tunay na pangunahing aksyon ay mga pangmatagalang solusyon na mananatiling matatag sa mahabang panahon, pati na rin mga prevention measures na makatutulong upang mapigilan ang isang krisis bago pa man ito magsimula. 

Sa katunayan, hindi nga dapat hinahayaan na lumala o tumindi ang pagbabalewala ng sistema ng proteksyon ng bansa laban sa kalamidad. Katulad lamang ng pagbabakuna na tumutulong sa pag-iwas at pagbibigay-lunas sa malubhang sakit, dapat nagsasagawa ang pamahalaan at mga ahensya ng mga programa na naglalayong maiwasan ang pagkalala ng baha at ang mga epekto nito. Kung patuloy lamang silang darating sa panahong tapos na ang kalamidad at kung kailan huli na ang lahat, dahan-dahan nang mawawalan ng pag-asa ang Pilipinas upang makabangon muli. 

Kung tutuusin, may saysay naman ang mga taong nagsasabi na bahain talaga ang Pilipinas, at kung susumahin ang kakayahan ng mga mamamayan laban sa lumalalang kalagayan ng kalikasan, maaari nga na walang malaki o konkretong magagawa upang malutas ito. Ngunit hindi sapat na hahayaan lamang nating malunod ang bansa sa hagupit ng alon ng korapsyon. 

Bago tunay na umunlad ang bansa, kailangan munang ipadalisay ang mga tiwaling gawain na patuloy na sumisira rito. Kinakailangang mabigyan ng nararapat na hustisya ang mga kasalukuyang imbestigasyon sa mga flood control anomalies upang tunay na mapalaya ang Pilipinas mula sa nakakasakal na tanikala ng korapsyon na patuloy na humihila rito pababa. Ang mga politiko, ahensya, at opisyales ng pamahalaan na naging kinatawan ng kasakiman ay may bahagi sa kalagayan ng bansang nasadlak sa baha at mga sakuna. Dahil dito, nararapat na magsagawa ng mga angkop na hakbang upang muling makabangon ang bansa mula sa ingay ng korapsyon na tila lumulunod at pumipigil sa pagdinig ng ating mga hinaing.

Sa bahagi naman ng mga mamamayan, malaki rin ang gampanin ng bawat isa upang tuluyang maprotektahan ang bayan sa malakas na pagbaha. Sa pamamagitan ng wasto at striktong pagsasakatuparan ng waste management regulations ay maiiwasan nating mapuno at maharangan ang mga drainage na unang sandata ng mga kabahayan laban sa baha. Malaki rin ang ambag ng mga proposed flood control projects ng bansa, ngunit dapat maging mapanuri ang taumbayan sa pagsuporta dito, sapagkat dapat maisigurong napupunta sa tamang proyekto ang inilaang pondo. Sa kalaunan, dapat ding magsagawa ang pamahalaan, at ang mga ahensya nito ng mga programa’t proyekto na magbibigay ng long-term solutions sa malubhang pagbaha. 

Kahit sa anumang panig pa tingnan ang kalagayan ng mga baha sa Pilipinas, hinding-hindi maituturing ito bilang “new normal”. Kapalit ng pagiging kampante sa krisis na hinaharap ng bansa ay ang buhay ng bawat Pilipinong unti-unti nang nawawalan ng pangarap. Kaya naman, bakit pa kailangang isisi sa mga ulap at klima ang mga problemang ito, kung ang tunay na kalaban ay narito lamang sa mga nakaupong naghahari-harian sa itaas na patuloy na nilulunod ang buong Pilipinas?

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...