MISLEADING: ‘Malacañang, bukas na i-ban ang Facebook sa Pilipinas’

Mig Anishi Zamora

Isang Facebook post ang kumakalat na nagsasabing bukas umano ang administrasyong Marcos Jr. sa posibleng pagbabawal sa Facebook sa Pilipinas matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, 2026.

CLAIM:

Ipinapakita ng post na bukas ang Malacañang sa pag-ban sa Facebook dahil sa mga alalahanin kaugnay ng karahasan at pagkalat ng maling impormasyon sa social media.

RATING: MISLEADING

CONCLUSION:

Totoong sinabi ng Malacañang na bukas itong pag-aralan ang posibleng restriksyon sa Facebook. Gayunman, kulang sa konteksto ang post dahil nilinaw na ng Palasyo noong Agosto 27 na nakikipagtulungan ang Facebook at wala pang ipinapatupad na ban.

THE FACTS:

  • Noong Agosto 25, 2026, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na bukas ang Malacañang sa pag-aaral ng mas malawak na restriksyon sa mga digital platform kung mapatutunayang nakapipinsala ang mga ito. Nang tanungin kung maaaring ikonsidera ang pagbabawal sa Facebook, sinabi niyang maaari itong pag-aralan “kung kinakailangan” at kung may sapat na batayan.
  • Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pinag-aaralan nito ang posibilidad na magrekomenda ng pagbabawal sa Facebook matapos ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University. Gayunman, proposal o posibilidad pa lamang ito at hindi isang napagdesisyunan nang polisiya ng pamahalaan.
  • Ngunit noong Agosto 27, sinabi ng Malacañang na tumutugon na ang Facebook sa mga kahilingan ng gobyerno na magtanggal ng fake news at violent content, na tinawag nitong positibong development. Nilinaw din ni Castro na ang pagiging bukas ng administrasyon sa posibleng restriksyon ay hindi nangangahulugang plano nitong i-ban ang lahat ng social media platform na hindi agad tumutugon sa gobyerno.
  • Nang direktang tanungin sa Agosto 27 Palace briefing kung nangangahulugan bang mananatili ang Facebook sa Pilipinas at walang ban sa ngayon, sagot ni Castro: “Wala pa naman po kasing bina-ban.” Dagdag niya, patuloy pang pinag-aaralan ang usapin.

THE BOTTOMLINE:

May batayan ang pahayag na naging bukas ang Malacañang sa pag-aaral ng posibleng pagbabawal o mas mahigpit na restriksyon sa Facebook. Gayunman, nakaliligaw itong muling ipakalat ngayong Setyembre nang hindi binabanggit na nilinaw na ng Palasyo noong Agosto 27 na nakikipagtulungan ang Facebook sa gobyerno at wala pang ban na inanunsyo o ipinatutupad. Sa pag-alis ng mas bagong kontekstong ito, maaaring magmukhang kasalukuyan at agarang hakbang ng administrasyon ang pagbabawal sa Facebook kahit wala namang ganitong desisyong inilabas.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...