Pantay sa panalangin

Malamig ang simoy ng hangin. Nakakatuksong magtalukbong nalang sa kumot at antayin ang umaga. Gutom man at bahagyang tulog, pinipili nating dumalo. Sa mga panahong lumilipad pa ang ating isip, ang katahimikan papunta sa simbahan ang nagpapaalala satin kung bakit dapat nating ipagdiwang ang pasko.

Gaya ng marami, si haring araw ang hudyat ng panibagong biyaya at simula ng buong araw. Pero para sa mga Pilipinong nagdiriwang ng pasko, nagsisimula ito sa madilim, payapa, at tahimik na pananampalataya.

Kalembang ng kampana ng kapilya ang senyal sa isang maagang pagsamba at panalangin. Ang siyam na misa ng Simbang Gabi, na nagsisimula tuwing ika-16 at nagtatapos sa ika-24 ng Disyembre, ay bahagi ng tradisyong nakasanayan ng mga Katolikong Pilipino bilang paghahanda sa Kapaskuhan. Alas-kwatro pa lamang ng umaga, bihis na ang milyon-milyong pamilyang susuungin ang antok maitawid lamang ang misa.

Ang tradisyong ito ay nakaugat noong panahon ng Espanyol bilang kompromiso sa magbubukid at magsasakang nagtatrabaho bago pa man ang tirik ng umaga. Upang makadalo sila, nagsagawa ang mga pari ng pangmadaling araw na misa. Laman ng mga kapilya ang simpleng magsasaka at kanilang pamilyang nananabik sa diwa ng pasko.

Kolonyal man ang naging konteksto, sa paglaon ng panahon, binigyan natin ng sariling identidad at kahulugan ang Simbang Gabi. Kung dati ay isa lamang dayuhang tradisyon, ngayon ay nagsisilbing daan upang maipakita ang kolektibo at sama-samang pagtitiyaga ng komunidad.

Mas pinagtibay din natin ang kulturang ito kasama ng mga bagay na malapit sa ating puso at tiyan: pagkain. Kadalasang sasalubong paglabas ng simbahan ang amoy ng nilulutong bibingka sa hurnong palayok at lilang galapong na may keso at mantikilya. Kapares nito ang salabat o ‘di kaya’y kapeng barako. Sabayan mo pa ito ng pampaskong awitin ng koro at tiyak ang puso’y galak.

Nadadagdagan at nadadagdagan ang mga gawi, lalo na ng bagong henerasyon. Litrato ng altar, bidyo ng hanay ng kakanin o lugaw paglabas ng simbahan, o ‘di kaya’y Messenger Notes na may 1/9. Gayunpaman, hindi nawawala ang tunay na layunin ng simbang gabi, ang magpatatag ng tiwala at pag-asang may bukas na maginhawa.

Subalit, hindi lamang simbolo ang simbang gabi dahil sa oras nito, kundi dahil sa banal na pagdaraos ng misa. Bagaman kadalasang madaling araw, ipinanganak ang mga anticipated mass noong panahon ng Batas Militar dahil sa curfew hours. Sinong mag-aakalang ito ay hinubog din ng politika? Maging anomang oras, nananatiling nagniningning ang kaugaliang hinulma ng adbiyento.

Tunay ngang parehong sakripisyo at aral Simbang Gabi. Sa pagpasok natin sa simbahan, ipinapaintindi sa atin na kahit man lang sa siyam araw, pagsapit ng alas-kwatro, ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Bata, matanda, mga estudyante, may trabaho, nagtitinda ng pandesal sa labas, naglilinis ng kumbento, ang lahat ay pagod at pilit nilalabanan ang bumibigat na talukap. Lahat ay kumakalam ang sikmura, lahat ay sabik sa umaga, at ang lahat ay may panaghoy at panalanging pinagaalab ng kanilang debosyon.

Dagdag pa rito, isang malaking aral na dapat nating bitbitin ay ang konsepto ng antisipasyon. Sa mabilis na teknolohiya’t pagbabago ng lipunan, hindi lahat ng bagay ay minamadali. Hindi lahat ng magandang bagay, kaya sa isang pitik, sa isang kisap. Gaya ng Pasko, ito ay pinaghihirapan. Hindi naman agad Noche Buena ang sasalubong sa atin, bagkus ang bukang-liwayway ng pag-asa at pabulong na mga hinaing.

Higit sa lahat, binibigyan tayo ng pagkakataong pagnilayan ang buong taon. Binibigyan din tayo ng pagkakataon ng simbang gabi na ngumiti – sa bawat parol na nakakasalubong natin, ilaw na sumisilaw sa parke, biro ng pari sa homilya, kahit ngiti ng ating katabi – mga simpleng bagay na nagpapaganda ng pasko.

Sabi nga lola ko, kapag nakumpleto mo raw ang siyam na araw ng simbang gabi, tutuparin ng Diyos ang hiling ng iyong puso. Naniwala at pinanghawakan ko naman iyon. Pero, natutuhan kong hindi milagro o katuparang hiling ang nakukuha pagkatapos ng simbang gabi, kundi paulit-ulit na pag-asa at pagpawi ng pangamba.

Kasabay nito ang pagkatuto nating sumandal sa bawat isa, sa pagkakapit-bisig, sa pagbabalikatan, at pananabik kung paano natin gagawing makabuluhan ang pagdiriwang. Minamahal natin ang paghihintay at kasabikang ang lahat ay magiging maayos – ‘di man perpekto, pero mas mabuti kumpara kahapon.

May tatalo nga ba sa pasko ng Pinas? Maaaring may naglalakihang Christmas tree sa ibang bansa, nyebe at hot chocolate naman sa Kanluranin, o engrandeng palamuti sa mga palasyo. Ngunit, nananatiling tanglaw ang simbang gabi, ang sabay-sabay na paggising ng mag-anak, tuwa sa t’wing may tindang puto bumbong, at paghahanda sa isang maligayang pagdiriwang ng Kanyang kapanganakan.

Ganito ang pasko sa Pilipinas. Ito ang pananampalataya at pasko ng masang Pilipino.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...