
Maraming paraan upang paghilumin ang sugat.
May pamahid para sa impeksyon. May benda para sa sariwang sugat. At may mamahaling cream para burahin ang bakas ng tahi o gasgas. Madaling gamutin ang nasisira sa balat.
Ngunit paano kung walang botikang nagbebenta ng gamot para sa sugat na hindi nakikita? Mga peklat na hindi sa balat naiiwan, kundi sa kaloob-looban.
Hagupit sa ilalim ng lupa
Ilang sandali lamang ang itinagal ng mga lindol na may magnitude 7.8 na yumanig sa Mindanao noong Hunyo, ngunit para sa maraming pamilyang napilitang lumikas, mas matagal ang panahong kinakailangan upang muling maramdamang ligtas sila.
Ang mga tahanang minsang kanlungan ay guho na. Ang mga kalsadang dati’y dinaraanan araw-araw ay nagkabiyak-biyak. At maging ang mga pusong sanay tawaging “matatag,” ay natutong mabuhay na may bitak na hindi nasisilayan.
At kung ang mga gusali ay naiiwang may lamat, may mga tao ding nagdadala ng mga bitak na walang nakakakita.
Batay sa mga pag-aaral ng World Health Organization (WHO), humigit-kumulang isa sa bawat limang indibidwal (o humigit-kumulang 20%) ang nakararanas ng depresyon, pagkabalisa (anxiety) at Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD). Sa mga bansang madalas hagupitin ng kaliwa’t kanang kalamidad, tinatayang 37% ng mga nakaligtas ang nakararanas ng sintomas ng PTSD. Kung ilalapat ito sa libu-libong residenteng napilitang lumikas sa Mindanao, nangangahulugan itong libu-libong isipan ang maaaring patuloy na dinadayuhan ng takot kahit matagal nang huminto ang pagyanig.
Hindi na bago ang ganitong larawan. Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang hagupitin ng Bagyong Yolanda ang Kabisayaan, ngunit para sa maraming nakaligtas, hindi pa rin tuluyang natatapos ang sakuna. Tinataya ng WHO na nasa 80,000 na nakaligtas ang agarang nanganganib na makaranas ng malulubhang suliranin sa mental health.
Ito ang mga peklat na hindi nasisipat — mga sugat na hindi dumudugo, ngunit patuloy na kumikirot sa bawat malakas na ulan, sa bawat bahagyang pagyanig, at sa bawat balitang muling may paparating na sakuna.
Pagbangon na hinugot sa kapos na bulsa
At sa tuwing may kalamidad, tila may nakasanayan na tayong ritwal ng pagbangon.
Makalipas lamang ang ilang oras, sunod-sunod nang dumarating ang mga nagsisilakihang trak ng relief goods. Mga kahon ng de-lata. Sako ng bigas. Galon ng malinis na tubig, kumot, at hygiene kits. Mga boluntaryong handang tumulong. Mga lokal na pamahalaan, ahensiya ng gobyerno, at pribadong organisasyong nagsisikap maabot ang mga komunidad na pinakaapektado.
Mahalaga ang mga ito. Sapagkat sa mga unang araw matapos ang sakuna, pagkain ang pagitan ng gutom at buhay. Ngunit habang unti-unting nauubos ang laman ng mga panandaliang pagkain, may isang pangangailangang nananatiling hungkag at hindi napupunan.
Hindi kayang busugin ng bigas ang isip na ilang gabi nang hindi makatulog. Walang de-latang makapagpapatahimik sa batang napapapitlag sa bawat kalabog ng bubong. At walang hygiene kit ang kayang maghugas ng takot na paulit-ulit bumabalik sa bawat pag-ulan.
Para kay Pas. Gamaliel Tarol, isang pastor sa Purok Kiayay, Sarangani Province, malaking tulong ang naibigay ng mga relief goods kagaya na lamang ng noodles at de-lata na ibinahagi ng DSWD para sa mga apektado noong 7.8 na lindol sa Sarangani noong Hunyo 8.
“Naa miy daghan pagkaon hinabang pero ang among problema kay dagko mig bayranan, ang among kuryente, unya mga isda di gud nato makuanan. Puros noodles ug de-lata ra man,” (Meron kaming maraming pagkain mula sa tulong pero ang aming problema ngayon ay malaki ang mga gastusin namin, ang aming kuryente, tapos ang mga isda dito wala na rin. Halos noodles at de-lata lang naman), aniya.
Ngunit sa kabila ng mga tulong na ito, hindi pa rin nito mawawala ang hirap at danas na kailangan nilang harapin sa pang-araw-araw na hanapbuhay. Hindi lang pagkain ang problema ni Pas. Gamaliel sa panahon ng kalamidad.
Kabilang na rin dito ang mga iba pang bayarin at mga materyales upang makapagsimula muli ng bagong tirahan matapos sirain ng lindol ang kanyang bahay, maging ang mga saging na siyang naging pangunahing hanapbuhay niya upang matustusan ang kanyang mga gastusin.
Bakas sa araw-araw
Hindi natatapos sa mga gumuhong gusali ang epekto ng sakuna. Hindi lamang ito nag-iiwan ng nawalang kabuhayan at wasak na imprastraktura, kundi ng mga alaalang tahimik na sumusunod sa mga nakaligtas kahit tapos na ang relief operations.
Para sa mga residente ng Sarangani Province kagaya na lamang ni Pas. Gamaliel, patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran laban sa epekto ng lindol hindi lamang sa kanilang kalusugan at kaligtasan, pati na rin sa kanilang panghanapbuhay na tuluyan nang nawala sa kanilang mga kamay.
Sa harap ng sakuna, simple lamang ang hiling ng mga residenteng apektado ng lindol. Maliban sa tulong pinansyal at sa relief goods na natatanggap mula sa iba’t ibang ahensya na patuloy na tumutulong, mayroon din silang natatanging hiling: ang maibalik ang lupang bumuhay sa kanila sa pamamagitan ng pagsasaka.
“Mao kini among salig pud nga mahatagan mi og kanang mapuy-an nga area, nga mahatagan mi’g area. Mao kini ang among isa ka prayer pud kay para makuanan pud ang among pang kinabuhian,” (Ito ang tanging tiwala namin na sana mabigyan kami ng area na matitirahan, na mabigyan kami ng area. Ito ang isang prayer namin upang matulungan din ang panghanapbuhay namin).
Hindi maipagkakait na may mga batang natutong matulog nang nakasuot ang kanilang tsinelas upang handang tumakbo anumang oras. May mga magulang na hindi agad nakapipikit dahil paulit-ulit nilang sinusuri kung ligtas pa ba ang kisame. May mga pamilyang kahit matagal nang bumaba ang baha ay agad nagliligpit ng mahahalagang dokumento sa tuwing nagsisimulang umambon. At may mga komunidad na nananatiling mapagmatyag sa bawat bahagyang pagyanig, tila ba hindi pa rin tuluyang tapos ang sakuna.
Sa ganitong anyo ng pamumuhay, ang kalamidad ay hindi na lamang isang pangyayaring nagtatapos sa paghupa ng baha o pagtigil ng lindol. Ito’y kanilang nagiging anino sa araw-araw — isang tahimik na presensiyang humuhubog sa paraan ng kanilang pagtulog, paglalakad, pag-aaral, at pagtingin sa kinabukasan.
Kung ang mga sugat sa balat ay may lunas na unti-unting nagpapapusyaw sa peklat, ang mga sugat na iniwan ng sakuna ay hindi basta natutunaw sa paglipas ng panahon. Hindi sila nahihilom ng benda. Hindi sila napapawi ng anumang pamahid.
Sapagkat ang pinakamahapding sugat ay yaong hindi kailanman nakikita ng mata.