Mahal Magmahal sa Third World Country

Sa sistemang ang halaga ay laging nasa pera,
Ang puso’y parang kalakal na laging barya-barya.
Galit ako sa kapitalismong ganid at mapang-api,
Na pati ang oras natin, ninanakaw gabi-gabi.
Ngunit mas masakit ang iyong tila paubayang laro—
Ang iyong kapit na mahigpit,
at ang biglang alis mo.

Kasuklam-suklam ang sistemang ang mahihirap ay dehado,
Gaya ng pagtrato mo sa akin na parang opsyonal na tao.

Tulad ni Julio’t Ligaya na nilamon ng Maynila,
Ang pangarap ay naging bangkay sa kuko ng dusa.
Gaya nina Alvin at Britney na sa hirap ay nakatali,
Ang sinta ay naging “delata” sa mundong mapag-api.
Sa gitna ng kontraktwal at bansot na pagkakataon,
Sinisira ng kapital ang bawat pagsasama’t layon.

Binubusabos ng amo ang pawis ng mga dukha,
Gaya ng pag-iwan mo sa akin sa gitna ng luha.
Ang pag-ibig sa ilalim ng sistemang mapanira,
Ay nagiging anino ng kompetisyon at pagkakasira.
Ayaw ko sa pasistang laging may hawak na kadena,
Pero ayaw ko rin sa yakap mong may kasamang kaba.

Ngunit heto ang aral ng kasaysayan at ng sining,
Ang tunay na pagsinta ay hindi dapat nanginginig.
Hindi tayo produkto na itatapon kung kailan gusto,
Ang pag-ibig ay hindi parang buwis na ipinapataw sa tao.
Kailangan nating gibain ang pader ng pagsasamantala,
Upang ang tibok ng dibdib ay hindi na muling mabalisa.

Dahil ang pag-ibig ay mapagpalaya,
Ang ibigin ka ay sa pakikibaka.

Hindi tayo susuko sa sistemang ang nais ay buwagin tayo,
Maging sa pag-ibig man o sa laban para sa bawat Pilipino.
Ang pagkapit ay paninindigan, ang pag-alis ay pagtalikod,
Kaya sa ating pagsinta, katarungan ang dapat itaguyod.
Ang magmahal ay politikal, isang radikal na hakbang,
Tungo sa mundong wala nang amo, at wala nang nagkukulang.

Hindi na ako papayag na ang puso’y maging alipin,
Sa sistemang mala-piyudal at sa pangakong hindi kayang tuparin.

Galit man ako sa bawat kapit at alis mo,
Mas galit ako sa pangil ng kapitalismo.

73 Votes: 64 Upvotes, 9 Downvotes (55 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...