
Sa sulok ng tahanan, naroon ang batang si Kean.
Nakukubli, ngunit kailanma’y hindi nagtago.
Nakangiti, kahit na pag-asa’y patuloy nang lumalayo,
tahimik na lumalaban habang unti-unting naglalaho.
Sa kaniyang balat, bakas ang mga marka ng kahapon,
dulot ng mga mabibigat na kamay na sa likod niya’y ipinatong.
Bawat diin ay tila pasaning hindi naman niya dapat akuin;
ngunit patuloy niya pa ring pinasan, kahit kaluluwa ang kapalit.
Lagi raw siyang makulit, laging pasaway sa paningin nila,
ngunit bata lamang siyang naghahanap ng pag-aaruga.
Wala pa siyang muwang sa bigat ng mundong mapanakit,
ngunit maaga niyang nakilala ang pait at pananahimik.
Sa bawat sulok ng kanilang bahay may takot na nanahan,
mga luhang pumapatak na pinipiling ikubli na lamang.
Hindi niya alam kung bakit kailangang masaktan upang mapansin,
gayong ang nais lamang niya ay yakap at lambing.
“Disiplina lang,” wika ng tinig na mabigat at malamig.
Salitang tila bakal sa murang dibdib.
Kung ito ang paghubog, bakit siya nababasag?
Kung ito ang pag-ibig, bakit labis ang sakit?
May mga kapitbahay na nakarinig ngunit hindi nagsalita,
may mga matang nakakita ngunit piniling umiwas na lamang.
Sa pagitan ng mga dingding at saradong bintana,
isang bata ang dahan-dahang nawawala.
Dinala siya sa pagamutan na halos wala nang lakas,
tila kandilang nauupos bago muling mag-umaga.
Hindi na niya nasilayan pa ang panibagong bukas,
at naiwan na lamang ang kaniyang pangalan sa dasal at balita.
Ngunit hindi lamang si Kean ang batang tahimik na umiiyak,
marami pang musmos ang nakakulong sa takot at sindak.
Marami pa ring munting tinig ang hindi dinidinig
at maraming sugat ang tinatakpan ng katahimikang nanaig.
Ngayon, nakasabit pa rin sa hangin ang huling tawag,
paalala sa mundong madalas mahuli sa paglingon.
Ilang Kean pa ba ang mawawala bago tayo kumilos?
Narito ang Makabata hotline 1383 — tumawag bago mahuli ang lahat.