
Cervy Ramos
Sa panahon ngayon, hindi na maituturing na luho ang kuryente. Ito ang nagpapatakbo sa mga bahay, paaralan, negosyo, ospital, at halos buong sistema ng lipunan. Kaya naman habang patuloy na tumataas ang singil sa elektrisidad, lalong nakagagalit para sa maraming Pilipino ang sunod-sunod na power interruption at hindi matatag na serbisyo. Mas masakit pa rito ang katotohanang tila nahihirapan pang makalapit ang publiko sa mga alternatibong paraan upang makatipid sa enerhiya.
Sa inilabas na panuntunan ng Meralco ukol sa rooftop solar installations, isinaad na kailangan umanong higpitan ang technical standards upang mapanatili ang kaligtasan at stability ng power grid. Bagama’t mahalagang tiyakin na ligtas at maayos ang koneksyon ng solar systems sa distribusyon ng kuryente, malinaw rin na nagdaragdag ito ng panibagong proseso at gastusin sa mga konsyumer na nais sana magkaroon ng sariling mapagkukunan ng enerhiya. Sa halip na gawing mas para sa lahat ang renewable energy, nagiging mas komplikado pa ang paglipat dito.
Mahalagang suriin kung bakit dumarami ang mga Pilipinong interesado sa solar power. Hindi ito simpleng trend lamang. Reaksyon ito sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at sa pangambang dulot ng madalas na aberya. Sa isang bansang mataas ang presyo ng elektrisidad kumpara sa maraming bansa sa Timog Silangang Asya, natural lamang na humanap ang publiko ng mas murang alternatibo. Ngunit kapag mas maraming regulasyon kaysa suporta ang nararanasan nila, nagmumukhang mas pinoprotektahan ang kasalukuyang sistema kaysa bigyan ng kalayaan ang mamamayan na maging maparaan..
Kasabay nito, lumitaw din ang usapin sa Camarines Sur kung saan sinabi ng pamunuan ng electric cooperative na bumalik na sa normal ang power supply matapos ang serye ng mga problema sa distribusyon. Gayunpaman, nananatili pa rin ang mga tanong hinggil sa prangkisa at pamamahala ng kooperatiba. Ipinapakita lamang nito na hindi sapat na maibalik ang suplay ng kuryente sa loob ng ilang araw kung hindi naman naaayos ang ugat ng problema. Kapag paulit-ulit ang aberya, malinaw na may mas malalim na isyu sa pangangalaga, imprastraktura, o pamamalakad.
Hindi lamang simpleng perwisyo ang pagkawala ng kuryente. Kapag nawalan ng suplay, apektado ang online classes ng mga estudyante, operasyon ng maliliit na negosyo, trabaho ng mga empleyadong work-from-home, at maging ang mga pasilidad-medikal na nangangailangan ng tuloy-tuloy na enerhiya. Sa modernong lipunan na halos lahat ay nakaasa sa teknolohiya, ang hindi maaasahang sistema ng kuryente ay direktang hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya at kalidad ng pamumuhay.
Malinaw na may kapasidad na ang renewable energy upang makatulong sa pagpapagaan ng problema sa enerhiya. Marami nang bansa ang nag-iinvest sa decentralized energy systems gaya ng solar panels upang mabawasan ang pressure sa pangunahing power grid. Kapag mas maraming bahay at establisimyento ang may kakayahang lumikha ng sariling enerhiya, nababawasan ang pangangailangan sa malalaking distributor at nagiging mas matatag ang buong sistema. Ngunit kung mananatiling mabigat ang proseso at limitado ang suporta, mababagal ang pag-usad ng ganitong mga solusyon sa Pilipinas.
Isa ring malaking usapin dito ang transparency. Habang tumataas ang singil sa kuryente, marami pa ring konsyumer ang nalilito kung bakit tila hindi tumutugma ang presyo sa kalidad ng serbisyo. Kapag kulang sa malinaw na paliwanag ang mga kumpanya at institusyon ukol sa singil, maintenance, at system losses, lalong lumalakas ang pagdududa ng publiko. Maaaring magmitsa ito ng pagkawala ng tiwala sa mismong sistemang dapat sana’y nagseserbisyo sa mamamayan.
Hindi masama ang regulasyon kung ang layunin nito ay protektahan ang publiko at ang power grid. Ngunit hindi rin dapat gamitin ang regulasyon upang pigilan ang pag-usbong ng mas makabago at mas abot-kayang alternatibong enerhiya. Kung tunay na para sa mamamayan ang serbisyo ng kuryente, dapat itong maging maaasahan, malinaw, at bukas sa inobasyon.
Hindi sapat na may ilaw lamang ang mga tahanan. Ang tunay na sukatan ng maayos na sistema ng enerhiya ay sa kung kaya nitong pagsilbihan ang publiko nang hindi sila ginigipit ng mahal na singil, madalas na aberya, at limitadong pagpipilian.