3 sa 10 Pilipino, nakaranas ng ‘food insecurity’ noong 2025, BARMM pinakaapektado

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of GMA/URC-CHS

Chrislyne Faith Castillo

Tinatayang tatlo sa bawat sampung Pilipino ang nakaranas ng food insecurity noong 2025, batay sa 2025 Updating Survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). 

Ayon sa datos, bagama’t nakapagtala ng bahagyang pagbaba mula 33.3 porsyento noong 2023 patungong 32.6 porsyento nitong 2025 ang antas ng food insecurity sa bansa, ipinapakita na milyon-milyong Pilipino pa rin ang nahaharap sa kakulangan ng sapat at masustansyang pagkain araw-araw. 

Nanguna rito ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may pinakamataas na naitalang antas na 60.4 porsyento, o mahigit kalahati ng populasyon sa rehiyon.

Sinundan ito ng SOCCSKSARGEN na may 44 porsyento at Eastern Visayas na may 43.8 porsyento, na kapwa nakapagtala ng mataas na bilang ng mga pamilyang nakararanas ng suliranin sa pagkain.

Kabilang din sa mga rehiyong may mataas na porsyento ng food insecurity ang Negros Island Region (NIR) na may 42.6 porsyento, Zamboanga Peninsula na may 42.1 porsyento, at Northern Mindanao na may 39.5 porsyento.

Naitala naman ang pinakamababang kaso ay sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may 18.9 porsyento, CALABARZON na may 22.6 porsyento, at National Capital Region (NCR) na may 23.7 porsyento.

Ayon kay DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., nakababahala pa rin ang patuloy na pagdanas ng maraming Pilipino sa kakulangan sa pagkain sa kabila ng mga naitalang pagbuti sa ilang aspeto ng food security.

“It is alarming that three in ten Filipino households still experience moderate to severe food insecurity.” ani Solidum sa 51st DOST-FNRI Seminar Series nitong ika 8–9 ng Hulyo 2025.

Dagdag pa niya, malinaw sa mga datos na kinakailangan pang palakasin ang mga inisyatiba laban sa kagutuman at kahirapan batay sa 2023 National Nutrition Survey (NNS) ng DOST-FNRI na unang inilabas noong Disyembre. 

Ipinakita sa ulat na halos tatlo sa bawat sampung pamilyang Pilipino ang nakaranas pa rin ng katamtaman hanggang matinding kawalan ng katiyakan sa pagkain, na umabot sa 31.4%. Gayunpaman, mas mababa ito kaysa sa 33.4% na naitala noong 2021. 

Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy nitong palalakasin ang mga programa laban sa kagutuman.

“Kaya hindi po kami titigil sa pagpapaigting ng aming mga anti-hunger interventions hanggang sa mawala na ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng kagutuman dahil ang tao ay magiging produktibo kung nakakakain nang tama at masustansya,” ani DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao sa isang pahayag.

Kabilang na rito ang Walang Gutom Program (WGP), na pangunahing programa ng pamahalaan kontra sa kagutuman upang labanan ang food insecurity at mabawasan ang involuntary hunger ng pamilyang Pilipino.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...