
Carl Kristofe Malinao
Nabalot ng takot ang lalawigan ng Cavite matapos ang magkasunod na insidente ng pananaksak ng estudyante sa loob ng paaralan nitong Hunyo 19 at Hunyo 21.
Naitala ang unang kaso noong Hunyo 19 sa isang private school sa General Trias, Cavite matapos pagsasaksakin ng isang babaeng grade 8 student ang pitong grade 5 student na may edad sampu hanggang labing-isa.
Pitong estudyante ang sugatan at dalawa sa mga ito ay kinakailangang operahan.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP, naipuslit ng grade 8 student ang isang kitchen knife matapos nitong balutin at ilagay sa bag, dagdag pa rito, wala umanong guro ng mangyari ang insidente dahil may meeting umano ang mga ito sa panahong iyon.
”Yung bata ay transferee, wala siyang kakilala sa mga biktima, wala rin itong implikasyon ng bullying at base dun sa statement ng magulang, humaharap sa depression yung bata,” saad ni General Trias Chief PLt. Col. Bismark Garcia.
Kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office ang grade 8 student at patuloy na minomonitor ng DSWD.
Matapos nito, sinundan ito ng isa pang insidente ng pananaksak nitong Hunyo 21 sa Cavite National High School kung saan sugatan ang isang grade 11 student.
Ayon kay Cavite City Police Station Chief PLt. Col. Socrates Jaca, matagal na umanong may alitan ang suspek ang biktima bago ang insidente.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, tumaas ang tensyon nang magkita ang mga estudyante sa loob ng paaralan. Sa gulo, bumunot umano ng kutsilyo ang suspek at winasiwas ito at tinamaan ang biktima.
“Nagsabi daw itong suspek na kita tayo bukas, yun na magsuntukan daw sila. Ito kasing suspek nagkaroon ng kaaway naman ng panibago na kaibigan din ng dati niyang kaalitan itong [biktima],” ani ni Chief Jaca.
Sinugod sa Jose Reyes Medical Center ang biktima matapos nitong magtamo ng saksak sa likod at braso.
Inaresto naman ng PNP ang 18 tanong gulang suspek at kakasuhan siya ng frustrated homicide. Narecover din ng PNP ang kutsilyong ginamit ng suspek.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Education Schools Division Office ng Cavite City na malapit itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang isang masusing imbestigasyon. Binigyang-diin din nito na ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at mga tauhan ng paaralan ay nananatiling pangunahing prayoridad.
Inatasan ng Schools Division Office ang Cavite National High School na magbigay ng psychosocial support at mga serbisyo sa pagpapayo sa mga apektadong estudyante at kanilang mga pamilya.
Nagpahayag ng matinding pagkabahala si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa paaralan ngunit sinabing pareho silang itinuring na mga isolated na kaso habang patuloy ang imbestigasyon.
Inutusan ni Nartatez ang lahat ng unit ng pulisya na paigtingin ang police visibility at magsagawa ng preventive patrol sa mga school zone, partikular sa oras ng pagbubukas ng klase, recess, at dismissal.
Inatasan din niya ang pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at makipagtulungan sa mga awtoridad ng paaralan at LGU sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang insidente, kabilang ang mga pagsusuri ng seguridad, perimeter checks, at mas mahigpit na kontrol sa pag-access sa loob ng mga kampus ng paaralan.