Lider-mangingisda, magsisilbing panauhing tagapagsalita sa UPV Commencement Exercise

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of UP Visayas/Sandee

Jan Ethan Caliboso

Magsisilbing panauhing tagapagsalita ang Pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda sa Pilipinas (PANGISDA-Pilipinas) na si Pablo “Ka Pabs” Rosales sa ika-47 Commencement Exercises ng University of the Philippines Visayas (UPV) ngayong Hulyo 10.

Sa inilabas na video ng UPV bilang anunsyo para sa nasabing programa, ibinahagi ni Rosales ang kaniyang mahabang pakikibaka para sa kabuhayan ng mga mangingisda at pangangalaga sa kalikasan, gayundin ang mensaheng nais niyang ipaabot sa mga magsisipagtapos.

Bilang hamon sa Batch 2026, sinabi ni Rosales na mahalagang maipagpatuloy ng kabataan ang mga paniniwala, paninindigan, at prinsipyong magsisilbing gabay sa sama-samang pagharap sa mga suliranin ng lipunan. 

Aniya, responsibilidad ng mga naunang henerasyon na maipasa ang mga aral na kanilang natutuhan upang magpatuloy ang laban para sa pag-unlad ng bansa.

“Kaya ang papel naming mga dumaan na sa kasaysayan hanggang sa kasalukuyan ay epektibong humanap ng paraan para maisalin sa kanila ang ganitong klase ng paniniwala, paninindigan, at yung balangkas kung paano ba sama-samang harapin. Ganoon ang hamon ko sa mga nagtapos. Sana magsilbi ito sa pag-unlad nila at pag-unlad ng lipunan,” ani Rosales.

Ibinahagi rin ni Rosales na hanggang Grade 3 lamang ang kanyang natapos na pormal na edukasyon. Gayunman, sinabi niyang ang kanyang kaalaman at pag-unawa sa lipunan ay higit na nahubog sa pamamagitan ng praktikal na karanasan at aktibong pakikilahok sa iba’t ibang usaping panlipunan.

“‘Yun ‘yung aming nagiging mahalagang papel eh—‘yung aming mga natutunan, yung aming mga paninindigan at prinsipyo, dapat ay saluhin ng mga kabataan. Kaya lang masasalo lang nila ‘yon kung maiintindihan nila ang ibig sabihin,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, binigyang diin din ni Rosales na hindi magtatagumpay ang sektor ng pangingisda kung kikilos ito nang mag-isa. Aniya, mahalaga ang pakikipagtulungan sa iba pang sektor ng lipunan at ang pagpapalawak ng kamalayan upang maisulong ang mga adbokasiya ng maliliit na mangingisda.

Itinatag noong 1998 ang PANGISDA-Pilipinas na isang pambansang alyansa ng mga organisasyon ng artisanal at maliliit na mangingisda. Isa si Rosales sa mga nagtatag ng samahan at nagsisilbing pangulo nito mula pa noong 2016.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...