
Gianne Kahtlein Recilla
Dumepensa ang International Criminal Court (ICC) sa pahayag ni Vice President Sara Duterte upang panindigan ang pagiging isang malayang institusyon sa pandaigdigang antas.
Sa isang panayam nitong ika-29 ng Hulyo sa The Hague, Netherlands, iginiit ni Duterte sa harap ng kanyang mga tagasuporta na “lapdog” umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating mambabatas na si Sen. Antonio Trillanes IV ang internasyonal na hukuman.
“The Hague-based tribunal is an international judicial institution which carries out its mandate independently and impartially, in accordance with its founding treaty, the Rome Statute,” tugon ni ICC Spokesperson Oriane Maillet.
Ayon sa mga ulat, pinamamahalaan ang administrasyon ng ICC sa pamamagitan ng halalan ng Pangulo nito mula sa hanay ng mga hukom, na itinalaga rin ng Assembly of States Parties.
Dagdag pa rito, may lehislatibong kapangyarihan din ang nasabing assembly sa ICC at ito rin ang tagapag-apruba ng badyet ng hukuman.
Kaugnay ng pahayag ni Duterte, si Trillanes ang isa sa mga naghain ng komunikasyon noong 2017 upang hilingin ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa War on Drugs ni Pangulong Duterte.
Dahil dito, nagpahayag si Duterte na, “Yes, they are traitors to a Filipino and to the country. But more than that, the ICC is a lapdog of Trillanes at ni Marcos. That’s it.”
Samantala, kinondena naman ni Trillanes ang pahayag ni Duterte sa isang Facebook post kung saan isinaad niyang nasisiraan na ito ng bait at hindi sunod-sunuran ang ICC.
“Nahihibang na talaga si Sara. Ang ICC ay hindi tuta nino man. Ang kaso ni Digong sa ICC ay bunga ng isang malalim na imbestigasyon na inabot ng ilang taon. Bukod pa rito, alam nating mga Pilipino na totoong nangyari ang libu-libong patayan dahil sa war on drugs policy ni Digong,” saad niya.
Kaugnay nito, nagpahayag din si House Prosecution Spokesperson Robert Ace Barbers na dapat panatilihin ng bise-presidente ang kaniyang dignidad at hindi magbitaw ng ganitong klaseng pahayag.
“Hindi dapat na nagsasalita ng gano’n ang isang bise presidente considering that the office that she represents must have a very, very high standard of propriety, decency, and of course, dignity. Now, if the office, the one sitting in that office is actually saying na meron siyang kilalang mga ganyang mga kriminal, malaking question mark ‘yun para sa akin,” giit niya.
Sa kabilang banda, patuloy naman ang pag-usisa ng ICC sa kaso ni dating Pangulong Duterte at nakatakda itong sumailalim muli sa paglilitis sa ika-30 ng Nobyembre.
Bunsod ito ng pagdiskubre ng hukuman ng mga substantial grounds na nagpapatunay umano na may kriminal na pananagutan si Pang. Duterte sa pagkamatay ng 78 indibidwal noong kaniyang administrasyon.