Anong “sana” ang minamanifest mo as campus journalist this school year?

Sa muling pagbubukas ng panuruang taon, dala ko pa rin ang mga alaala ng nakaraang taon — mga palakpak, parangal, at pagkakataong minsang nagpatibay sa aking paniniwala sa kapangyarihan ng pamamahayag. Subalit tulad ng mga bituing patuloy na kumikislap sa kalangitan, may mga pangarap pang hindi naaabot at mga mithiing naghihintay na maisakatuparan.

At sana ngayong taon ay dinggin na ng mundo ang ilan sa mga hiling na ito. 

Sana makaabot ulit ako ng NSPC 

Halos lahat ng campus journalists sa bansa ay mayroong pangarap na makarating sa National Schools Press Conference (NSPC). 

Panigurado na sa mga susunod na buwan ay maraming papel ang mapupuno ng tinta, mga mikroponong tila hindi na bibitawan, at mga gabing hindi na itutulog para sa puspusang pag-eenhensayo. 

Sana top three na ulit ang dadalhin sa NSPC

Ang NSPC ay sinasabing pagtitipon ng pinakamagagaling na mga estudyanteng mamahayag sa bansa, isang selebrasyon sa kanilang mga talento at isang entabladong humuhubog sa mas kritikal na pag-iisip. 

Kaya’t hindi ba mas makatarungan kung mas marami ang mabibigyan ng pagkakataong mailantad ang kanilang boses dito? 

Sana kayanin kong maging Editor-in-Chief ng student publication namin

Ang pagiging lider ng isang publikasyong dapat maglingkod para sa interes ng mga mag-aaral ay isang malaking karangalang may kaakibat na mabigat na responsibilidad. 

Walang makapagtuturo talaga kung paano maging isang perpektong punong patnugot, ngunit isang bagay ang sigurado: hindi ka nag-iisa at hindi mo dapat pasanin ang lahat. May mga kasamang kang mahal din ang pamamahayag na handang tumulong at ialay ang kanilang puso. 

Sana mabalanse ko ang pag-aaral at pagiging mamamahayag

Kung ano ang puyat, pawis, at panahon ang inilalaan ng mga campus journalists sa kanilang pagsusulat at pagsasanay, gayundin ang kanilang inaalay sa kanilang pag-aaral bilang mga estudyante. 

Nakapapagod, subalit para sa mga peryodista at pag-asa ng ating bayan, walang balakid ang makapipigil sa pagtupad ng kanilang mga mithiin at pangarap. 

Sana may pogi o maganda akong makita sa susunod na preskon (at makuha ang Facebook niya, joke!) 

Sa kabila ng tila seryoso at mabigat na gampaning magpamulat ng isang campus journalist, may mga moments talaga na hindi namamalayan na may ibang hinahangad na rin pala maliban sa manalo sa preskon — ang makahanap ng pag-ibig sa mismong larangang kanilang kinagisnan at minahal. 

Sana hindi na kami balewalain ng school admin at mabigyan din ng tamang pondo at suporta 

Sa likod ng mga artikulong nailimbag at mga kuwentong naihayag, naroon ang pag-asang sana ay mapakinggan na ng administrasyon at mapahalagahan ang kanilang boses at kontribusyon.

Ito ay ang makatanggap ng sapat na pondo at suporta para maipamalas at lalo pang malinang ang kabilang mga kakayahan. Sariling printers, laptops, camera, microphones, at opisina sana para sa pagsusulat at pag-eensayo. 

Sana maipatupad na ang Campus Press Freedom Bill

Kahit mayroon nang Campus Journalism Act (RA 7079), talamak pa rin ang pag-censor at pag-atake sa mga school publications dito sa bansa. 

Saka lang magiging malaya at mapagpalaya ang mga publikasyong pangkampus kung ang proteksyong nakasaad sa batas ay mararamdaman talagang may proprotekta sa kanila at hindi ang magpapatahimik sa kanilang tinig. 

Hindi ko alam kung kailan matutupad ang lahat ng aking mga “sana”— kung makararating ba ako sa NSPC, magiging editor-in-chief, o makapagsusulat sa ilalim ng isang tunay na malayang pahayagan. 

Ngunit hangga’t may mga kabataang mamamahayag na patuloy na nangangarap at nagsasalita para sa iba, may dahilan upang maniwalang darating din ang panahong hindi na lamang “sana” ang tawag natin sa mga ito.

Mula sa mga medalya, kompetisyon, hanggang sa pangarap na malayang pamamahayag, sana patuloy na mabigyan ng espasyo at boses ang mga estudyanteng mamamahayag na matuto, magsulat, at magsilbi para sa bayan. 

Kung ano man ang hinihiling mo this school year, matupad man o hindi, ay hindi maglaho ang pagmamahal mo sa pamamahayag.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...