
Chrislyne Faith Castillo
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang sunod-sunod na kasong kinakaharap ng mga brodkaster ng Baskog Radio, iginiit na ang mga reklamong legal ay maaaring ginagamit upang takutin, pagurin at patahimikin ang mga mamamahayag.
Sa pahayag nitong Agosto 7, sinabi ng NUJP na nahaharap sina India at Jay Lavapiez sa magkakahiwalay na reklamo, kabilang ang unjust vexation, estafa at cyber libel, na isinampa sa iba’t ibang korte.
“The charges against Baskog Radio are clearly meant to intimidate the broadcasters, exhaust their energy and resources, isolate them from their community, and distract them from their work as media practitioners,” ayon sa Facebook post ng NUJP.
Ayon sa organisasyon, naglabas kamakailan ang isang korte sa Muntinlupa ng warrant of arrest laban kay India kaugnay ng reklamong unjust vexation, na hindi umano niya nalaman bago ang pag-isyu ng warrant.
Sinabi rin ng grupo na ang complainant ay anak ng isang lokal na politiko na nagsampa rin ng hiwalay na cyber libel case laban sa broadcaster.
Bukod sa unjust vexation case, nahaharap din ang mag-asawa sa estafa complaint na inihain ni Manuel Silva Perez, kung saan naglabas din umano ng warrant of arrest ang isang korte sa Parañaque.
Ayon sa NUJP, hindi rin nakatanggap ang mag-asawa ng abiso tungkol sa reklamo o summons bago inilabas ang naturang warrant.
May hiwalay ring cyber libel case na isinampa ni Sigma Mayor Dante Rizal Eslabon laban sa mag-asawa sa Manila, habang isa pa ang inihain sa Roxas City ng political ally nitong si Cindy Francisco.
Samantala, isang cyber libel case na naunang inihain sa Muntinlupa City ang ibinasura dahil sa kakulangan ng ebidensya, ayon sa NUJP.
Nauna nang iniulat na apat na bilang ng cyber libel ang isinampa laban kay India kaugnay ng kaniyang mga radio broadcast at Facebook Live posts noong 2025.
Ayon sa naunang pahayag ng NUJP, nagsimula ang mga reklamong kinakaharap ng mag-asawa matapos silang mag-ulat tungkol sa umano’y iregularidad at katiwalian sa kanilang lugar.
Iginiit naman ng mga Lavapiez na ginawa nila ang mga ulat bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa publiko.
“These reports were done in good faith, in service of the public,” pahayag ng mag-asawa na iniulat ng NUJP.
Dahil sa paghahain ng ilang kaso sa magkakaibang hurisdiksiyon, sinabi ng NUJP na nadaragdagan ang oras, gastusin at iba pang pasaning kailangang harapin ng mga respondent sa paghahanda ng kanilang depensa.
Kasabay ng serye ng legal na reklamo, nakaligtas din si Jay sa isang tangkang pagpatay noong Hunyo 22 habang patungo sa kanilang radio station sa Roxas City.
Nakumpirma ng mga awtoridad na isang pagtatangkang pagpatay ang insidente, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan kung may kaugnayan ito sa kaniyang trabaho bilang mamamahayag.
Kinondena rin ng mga media group ang insidente at nanawagan sa mga awtoridad na tukuyin ang mga nasa likod nito.
“If this attack was meant to scare us, it failed. No threat will ever change our commitment to honest, responsible journalism,” pahayag ng Baskog Radio matapos ang pag-atake kay Jay Lavapiez.
Binigyang-diin ng NUJP na ang kaso ng mga Lavapiez ay bahagi umano ng mas malawak na problema sa paggamit ng mga legal na proseso laban sa mga mamamahayag, kritiko at iba pang nagsasalita laban sa makapangyarihang personalidad.
Muling iginiit ng grupo ang panawagan nitong decriminalize ang libel, na ayon dito ay may epekto sa kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag.
“We also reiterate our call to decriminalize libel,” ayon sa NUJP.
Nanawagan din ang grupo sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang mga insidenteng kinakaharap ng mag-asawa at magsagawa ng kaukulang hakbang.